[Pamela]
MARAMING nagbago sa pagitan nilang dalawa. Naging mas malambing si Alaric sa kanya ngayon. Nagpapakita na ito ng ka-sweet-an at palagi nang nakahawak sa kamay niya sa tuwing magkasama sila. Malayong-malayo sa lalaki na palaging masama ang tingin sa kanya.
Sa bawat araw na dumadaan ay lalo niya itong minamahal. Wala na rin sa isip niya ang kausapin ito tungkol sa annulment nilang dalawa. Bakit pa, 'di ba? Ramdam naman niya na mahal na nila ang isa't isa.
Lahat ng estudyante ay napapatingin sa kanya. Nagpadala kasi ng isang bungkos ng pulang rosas sa kanya ang asawa niya mismo sa unibersidad na pinapasukan niya.
Alam at ramdam niya ang inggit ng karamihan sa kanya kahit nang mga panahon na si Alden pa ang nobyo niya. Mas lumala nga lang nang kay Alaric na siya ikinasal. Sino ba naman ang hindi maiinggit? Alaric is a good catch, sabi nga ng lahat. Syempre, kabilang na siya sa mga nagsasabi n'on.
Kung dati ay hindi niya ito pinapansin dahil natatakot siya sa mga tingin at trato nito sa kanya, iba na ngayon.
Natigil siya sa pag-amoy ng bulaklak nang may naalala. "Tumawag na ba si Yuri?"
Umiling sina Vera at Nikka. Simula nang dumalo sila ng party ni Miguel ay hindi na nila nakita si Yuri. Imposible kasi na hindi ito tumawag o mag-text sa kanila, wala na kasing pamilya si Yuri.
"Kinakabahan na ako sa totoo lang." Mabilis na kinuha ni Nikka ang cellphone nang tumunog iyon. Kumunot ang noo nito habang nakatingin sa screen ng cellphone. "Bwisit, kaya pala hindi nagpaparamdam kasi may pinagkakaabalahan!"
Agad na lumapit sila ni Vera kay Nikka. Nakahinga sila nang maluwag. Nasa maayos naman pala ito na kalagayan. Buong akala niya ay si Yuri talaga ang narinig niya no'ng gabi sa party. Kinabahan lang pala siya para sa wala.
"Teka lang. Baka may gusto kang i-chika sa amin, Nikka?" Nakataas ang kilay ni Vera habang nakatingin kay Nikka. Pati tuloy siya ay nabuhay ang kuryusidad. Tumingin siya sa kaibigan, naghihintay sa sasabihin nito.
"Hindi ko na siya gusto."
Halos malaglag ang panga nila ni Vera nang marinig ang sinabi ni Nikka. Kung hindi lang bakas ang lungkot at sakit sa mata ng kaibigan nila ay iisipin nila na nagbibiro lang ito. Patay na patay kaya ito kay Miguel!
Pilit na ngumiti si Nikka. "Nagbabago naman ang lahat ng tao kaya 'wag na kayong magtaka."
Nagkatinginan na lang sila ni Vera at hindi na nagsalita. Hihintayin na lang nila na magkwento si Nikka sa kanila. Sa ngayon ay hindi na muna nila uungkatin ang nangyari dahil parang hindi maganda ang lagay ng puso nito ngayon.
"Pamela, napapansin ko na palagi kang nakangiti. Okay na ba kayo ng asawa mo?" tanong ni Vera habang panay ang tingin sa cellphone nito. Halata na hindi mapakali.
Nakangiti na tumango siya at impit na tumili. "Mas okay pa sa okay, Vera!"
May ngiti sa labi na tumingin sa kanya ang dalawang kaibigan. Alam niya na masaya para sa kanya ang mga ito.
"Well, congrats, Pamela. Kasabay ng pangarap mo na makapagtapos ang pagkakaro'n ng magandang love life."
Masaya na tumango siya kay Nikka. Itinaas niya rin ang daliri. "Hindi ko na nga inaalis," tukoy niya sa singsing na nasa daliri. "Feel na feel ko nang maging Mrs. Martin."
Hindi nagtagal ay dumating si Alaric para sunduin siya kaya nagpaalam na siya sa mga kaibigan.
"How's your day?" Pinagbuksan siya nito ng pinto ng kotse.