“GOOD morning, Villarama residence!” Iyon ang bumungad kay Cheska nang tawagan niya ang telepono sa bahay nila.
“Yaya, si Cheska ito!”
“Cheska! Ikaw nga, hija. Teka, kaninong numero itong gamit mo?”
“Uhm, sa kaibigan ko, Yaya.” Napangiti siya sa salitang isinagot sa kabilang linya. Kaibigan. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay naging maayos ang turingan nila ni Chase sa isa't-isa. Kahapon lang ay halos patayin niya sa galit ang lalaki. Samantalang ngayon ay nagagawa na niya itong ituring na kaibigan. Hindi niya inaakalang puwede palang mangyari iyon. Na sa isang iglap ay nabura na lang ang galit niya rito. Subalit hindi naman niya pinagsisisihan ang ginawang pakikipagbati kay Chase. Para ngang gumaan ang pakiramdam niya nang mawala ang galit niya para sa lalaki.
“Kailan ka ba uuwi, Cheska? Baka tumawag ang daddy mo ng wala ka pa rito? Malilintikan ako nito!”
Bumuntong-hininga siya. “Yaya, hindi pa ako makakauwi bukas!”
“Ano? Isang araw lang paalam mo sa'kin, Cheska!”
Kinagat niya ang ibabang labi. “Eh, Yaya, hindi pa ako makakauwi kasi...” Bumuntong-hininga siya nang hindi makaisip ng magandang dahilan. Ibinilin sa kanya ni Chase na hindi niya puwedeng sabihin kung ano ang nangyari sa kanya at kung nasaan siya ngayon. Sumang-ayon siya sa lalaki dahil ayaw din naman niyang mag-alala sa kanya ang Yaya niya. “Basta, huwag ka nang mag-alala, Yaya. Uuwi rin naman ako pero hindi nga lang bukas. Sige na, Yaya.”
Bago pa sumagot ang nasa kabilang linya ay pinutol na niya ang tawag.
Naupo siya sa kama at hinawakan ang cellphone ni Chase habang hinihintay ang lalaki. Bago nito ipinahiram ang cell phone sa kanya ay nagpaalam ito na may bibilhin sa labas.
Ilang sandali siyang naghintay bago dumating si Chase. Tumayo siya at inabot dito ang cell phone nito. “Thanks. Nakausap ko na si Yaya.”
Tumango ito sa kanya. “Wala ka na bang ibang gustong tawagan?”
“Wala na. Hindi ko rin kabisado ang number ng pinsan ko, eh.”
“Boyfriend?” tanong nito. “Hindi mo tatawagan?”
“Wala naman akong boyfriend.” Nagkibit-balikat siya at bahagyang ngumuso. “How 'bout you? Tinawagan mo na ang girlfriend mo?”
“Wala ako'ng girlfriend na tatawagan,” sagot nito.
Really? Iyong guwapo at macho mo'ng iyan? Hindi niya maintindihan kung para saan ang munting sayang naramdaman ng puso niya sa sinabi nito. “Eh, iyong parents mo?”
“Matagal nang patay ang mga magulang ko,” tipid na sagot nito.
“I-im sorry,” nabiglang paumanhin niya.
“Ayos lang, Cheska.” Bahagya itong ngumiti sa kanya.
“A-ano'ng binili mo sa labas?” tanong niya rito.
Inabot nito sa kanya ang isang malaking paper bag na hawak nito. Kinuha niya iyon at tiningnan. Ilang piraso ng damit ang naroon. Kasama na ang ilang pares ng underwear.
“Nakalimutan kong itanong sa'yo kung ano ang size mo kaya hinulaan ko na lang.”
Bumaling siya kay Chase na nakatayo pa rin sa harap niya habang ang mga kamay ay parehong nakapamulsa sa bulsa ng jacket na suot nito. Diretso itong nakatingin sa mukha niya.
“Uhm, mukhang kasya naman siya,” naaasiwang sagot niya sa lalaki. Nang tingnan niya ang sukat ng bra na nabili nito ay tugma sa sukat ng katawan niya. Paano kaya nito nahulaan ng tama iyon?
BINABASA MO ANG
Danger in Love (Published under PHR/Unedited Version)
RomancePublished under Precious Hearts Romances