Kabanata 21-40

10K 35 3
                                    

Kabanata 21 – Mga Pagdurusa ni Sisa

Sa narinig mula sa kusinero ay kumaripas ng takbo si Sisa pauwi sa kanilang bahay. Hindi mawala sa kanyang isipan ang mga pangitain na dadamputin ng mga gwardiya sibil ang kanyang mga anak at ang bintang na pagnanakaw ng salapi ng dalawang bata. Namataan niya ang mga gwardya sibil na papalayo sa kanilang bahay, bagay na nakagaan sa kanyang takot sapagkat hindi nito kasama ang kanyang mga anak. Nang magpang-abot sila ng gwadiya sibil sa daan, pilit siyang pinaamin na ilabas ang dalawang onsang ninakaw ng kanyang mga anak. Bingi ang mga gwardiya sibil sa kanyang pagmamakaawa at pangangatwiran kung kaya't kinaladkad siya ng mga ito papuntang kwartel. Hiyang- hiya si Sisa habang kinakaladkad ng mga gwardiya sibil sa harap ng taong-bayan, lalo na ng sa oras na iyon ay natapat na tapos na ang misa at ang mga tao ay kasalukuyang lumalabas ng simbahan. Lahat ay napapatigil sa nagaganap na eksena sa lansangan at walang magawa si Sisa kundi panghinaan ng loob at mag-iiyak. Pagdating sa kwartel ay inihagis siya ng mga ito at nagsumiksik na lamang siya sa isang sulok. Bingi ang lahat sa kanyang pakiusap at pagmamakaawa. Tanghali na ng pakawalan siya ng Alperes. Umuwi si Sisa sa kanilang bahay at muling hinanap ang kanyang mga anak. Ngunit ala ni anino o tinig ng mga bata kahit sa bakuran. Pumanhik muli siya ng bahay at namataan niya ang punit na damit ni Basilio na may bahid ng dugo. Hindi niya matanggap ang nasilayan at nilamon ng pighati ang kanyang katinuan. Nagpalaboy-laboy siya sa lansangan habang sinasambit ang pangalan ng kanyang mga anak.

Kabanata 22 – Liwanag at Dilim

Ito ang araw ng pagdating ni Maria Clara at ni Tiya Isabel sa San Diego upang mamalagi doon para sa pista ng bayan. Kumalat ang balita ng kanyang pagdating sapagkat kinagigiliwan siya lahat ng mga tao doon. Kumalat din ang madalas na pagkikita nila ni Ibarra, bagay na ikinagalit ni Padre Salvi. Napapansin naman ni Maria Clara ang pagbabago ng kilos at mga titig nito tuwing siya ay kaharap. Plano ng magkatipan na magkaroon ng piknik sa ilog kasama ang kanilang mga kaibigan. Iminungkahi ni Maria Clara na huwag ng isama si Padre Salvi sapagkat siya ay nababahala kapag ito ay nasa paligid niya. Hindi naman ito napagbigyan ni Ibarra dahil sa hindi ito magandang tingnan. Habang nag-uusap ang dalawa ay dumating naman si Padre Salvi kung kaya't nagpaalam na si Maria upang mamahinga. Inimbitahan ni Ibarra si Padre sa piknik at kaagad naman itong sinang-ayunan ng kura. Pagkalipas ng ilang oras ay umuwi na rin si Ibarra. Sa kanyang paglalakad ay nakasalubong niya ang isang lalaking humihingi ng tulong. Pinaunlakan naman siya ni Ibarra.

Kabanata 23 – Ang Piknik

 Madaling araw pa lamang ay masigla ng nagsisigayakan ang mga kababaihan at kabinataan para sa kasiyahan sa araw na iyon. Magkakasamang naglalakad ang mga kababaihan, hiwalay sa kalalakihan. Kasama rin sa piknik na iyon ang mga kawaksi at matatandang babae. Sasakay sila sa dalawang bangka habang mangingisda sa ilog. Magkakasama ang matatalik na magkaibigan na sina Maria Clara, Iday, Victorina, Neneng at Sinang sa isang bangka. Hindi mapigilan ang kanilang mga tawanan at kwentuhan, bagay na nag-uudyok kay Tiya Isabel upang sila ay sawayin. Makalipas ang ilang sandali ay nagkaroon ng butas ang bangkang sinasakyan ng mga kalalakihan kung kaya't sila ay napalipat sa bangka ng mga dalaga. Nagkaroon naman ng katahimikan sa panig ng mga dalaga sapagkat sila ay inatake ng hiya. Si Elias naman ay patuloy lamang sa pagsagwan sa bangka. Upang hindi mainip at maaliw ang lahat, umawit si Maria ng Kundiman at ang lahat ay parang idinuyan sa awitin. Malapit ng maluto ang agahan, kung kaya't gumayak na ang mga kalalakihan upang mangisda. Sa kasamaang palad, ni isang isda ay wala silang nahuli sapagkat may buwayang naroroon. Nabahala ang mga kababaihan sa paglitaw ng buwaya at lalo na ng nilundag ito ni Elias. Naglaban ang dalawa sa ilog, ngunit higit na malakas ang buwaya. Kagyat namang lumundag si Ibarra sa tubig upang tulungan si Elias. Napatigagal naman si Maria sa ginawang iyon ni Ibarra, at tila ba tumigil na rin ang kanyang paghinga. Natalo naman ng dalawa ang buwaya at nagpatuloy sila sa pangigisda hanggang sa sila ay makahuli ng sariwang isda. Masayang nag-pananghalian ang mga magkakaibigan sa ilalim ng mga puno malapit sa batisan.

Noli MetangereTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon