Kabanata 3

99 10 0
                                    


MASIYADO ng madilim ang langit ng matapos ako sa training. Ito na ang huling araw bago ako opisiyal na makapagsimula sa trabaho pero aaminin kong pagod na agad ako. Iniisip ko pa lang na papasok ako sa eskuwelahan kung umaga at sa trabaho naman kung gabi ay gusto ng sumuko ng katawan ko.

Ito ang unang beses kong pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral kaya siguro ganito ang pakiramdam ko. Sanay kasi akong si mama ang nagpo-provide sa lahat ng kailangan namin. Pero kailangan ko itong tiisin at panindigan. Pinili ko ito, walang kahit na sino pumilit sa akin.

Bagsak ang balikat kong naglalakad at parang pagong sa sobrang bagal. Buti na lang at kaunti lang ang mga establisimiyentong nakatayo sa paligid kaya hindi gaanong maliwanag at maraming tao. Wala akong mababangga kahit pa maglakad ako nang nakapikit.

Pagdating ko sa amin, nadatnan ko si mama na abala sa kusina. Mukhang hindi niya napansin ang pagdating ko kaya nagsalita ako, "Nakauwi na ako."

Lumingon siya. "Tamang-tama. Kakatapos ko lang magluto, kumain ka na."

Katatapos lang magluto? Anong oras na ba? Bumalik ako sa sala para tignan ang oras. Alas-siyete pa lang pala ng gabi. Pero bakit parang alas-diyes na? Matapos kong kumain, pumanhik na ako sa kuwarto ko. Kinuha ko ang cell phone ko para i-connect sa stereo gamit ang bluetooth at magpatugtog nang mahina ng mabasa ko ang text ni Joy.

Joy

Kausapin mo na si Timo ha? Hindi ako sanay na may ilangan sa pagitan nating tatlo kapag magkakasama tayo.

Hindi ako nag-reply pero buong magdamag ko iyong pinag-isipan. Pagkatapos ng klase namin nagsabi ako kay Joy na hindi ko muna siya sasabayan palabas. Nagpunta ako sa gym para abangan ang pagdating ni Timo. Nakatayo ako sa gilid, walang pakialam sa mga matang tumitingin sa akin hanggang sa lapitan ako ng isang lalaking may nunal sa pagitan ng dalawang kilay.

"Ikaw si Rhealle, hindi ba? Inaabangan mo si Sanchez? Parating na iyon." Nginisihan niya ako pero sinimangutan ko lang siya, ipinapakitang hindi ako natutuwa sa kaniya.

Hindi ko kilala kung sino siya pero sa palagay ko isa siyang siraulo na basta-basta na lang nangangausap kahit wala namang pakialam sa kaniya ang tao.

"Ako si Herbert. Kaklase ni Sanchez ang kapatid ko at clubmate niya naman ako sa Arnis," natatawa niyang dagdag.

"Wala akong pakialam," nayayamot kong sagot.

Inalis ko na ang pansin ko sa kaniya at nagpanggap na hindi ko siya nakikita't naririnig. Mukhang umepekto naman dahil pumasok na siya sa loob ng gym sa wakas. Mayamaya, natanaw ko na si Timo na patakbo na ang ginagawang paglalakad pagkakita sa akin.

"Mag-usap tayo kahit saglit lang," bungad ko.

"Sandali, magpapaalam lang ako kay coach."

Pinabayaan ko siya sa gusto niyang gawin. Paglabas niya, nauna siya sa akin ng ilang hakbang na nakapagpakunot sa noo ko.

"Puwede tayong mag-usap dito. Sandali lang naman ang sasabihin ko," saad ko.

"Sulitin na natin. Ipinaalam ko kay coach na hindi ako makakasali sa training ngayong araw."

Nagtataka kong kinuha ang isang helmet na inabot niya iyon sa akin. "May balak ka bang daanan ngayon? Sa susunod na lang kaya."

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon