BAKIT ganito ang nararamdaman ko? Hindi ko maintindihan. Hindi ako mapakali. Ang mga mata ng babaeng iyon . . . Para akong natatakot . . . ."Magkakilala ba kayo?" Gulat akong napalingon kay Joy dahil sa bigla niyang pagsasalita. "Kung magtinginan kasi kayo parang magkakilala kayo tapos matagal na kayong hindi nagkikita . . . Ngayon na lang ulit."
Umayos ako ng upo. "Nakita ko siya sa bookstore isang beses." At totoo naman iyon. Pero bukod sa binanggit kong lugar, hindi ko na alam kung saan pa.
Nag-unahan ang inis at kilabot sa pagsakop sa buong pagkatao ko ng muli kong lingunin si Lothaire at makitang masama ang tingin niya sa akin. Kung wala lang kaming ibang mga kasama, nahuhulaan kong lalapitan niya ako at malamang ay gagawan ng hindi maganda.
Kapagkuwan ay bigla na lang siyang umismid, ipinapahiwatig na may alam siyang isang bagay tungkol sa akin—na hindi ko alam kung ano! Ano ang problema niya? Tinalo ng inis ang takot na nararamdaman ko kanina lang.
Naiyukom ko ang kamao ko. Gustong-gusto ko ng tumayo at lapitan siya pero alam kong hindi iyon magandang ideya. At hindi ako ganoon katanga para magpatalo sa emosiyon ko at magpadalos-dalos. Kahit papaano ay meron pa rin naman akong self-control. Isa pa, hindi ko alam kung ano ang kaya niyang gawin sa akin.
"Ayos ka lang ba?" muling pagsasalita ni Joy.
"Oo, ayos lang ako," matigas kong sagot at halos magalit na nang tuluyan dahil sa pakiramdam na mas mahina ako sa Lothaire na iyon at wala akong magagawa laban sa kaniya.
Hindi iyon ang dapat na maramdaman ko. Walang kahit sino ang may karapatang iparamdam na inferior ako at mas mahina kaysa sa kanila.
Pinagkrus ko ang mga braso ko at pumikit nang mariin, sinusubukang pakalmahin ang sarili. Alam kong nakatingin pa rin sa akin si Lothaire pero pinigilan ko na ang sarili kong salubungin iyon. Kung hindi ako magtitimpi, baka makagawa pa ako ng eksena ngayon.
Pagkatapos ng klase, balak ko sana siyang komprontahin at tanungin kung ano ang problema niya pero wala na siya sa puwesto niya. Hindi ko man lang napansin na lumabas na pala siya.
"CR muna tayo. Naiihi na talaga ako," sabi ni Joy. Nauna siyang naglakad at walang salita naman akong sumunod.
Nakatayo ako sa gilid ng cubicle, nakadikit ang suwelas ng sapatos sa tiles na dingding at nakasiksik ang kamay sa bulsa ng suot kong jacket. May dalawang janitress ang abala sa paglilinis habang nagkukuwentuhan. Dahil kasama nila ako sa loob at naghihintay, hindi sinasadiyang narinig ko ang usapan nila.
"Grabe ang balita kagabi, ano? Kawawa iyong matandang nakita sa damuhan," wika ng isang nakapusod ang buhok habang mina-mop ang nagpuputik na sahig.
"Kaya nga e," pagsang-ayon naman ng may puting tuwalya sa likod. "May usap-usapan nga sa amin na aswang ang may gawa no'n. Kung tao lang, bakit kailangang wakwakin ang tiyan at kuhain ang lamang-loob? Parang ginawang hayop, susmaryosep!"
"Baka sindikato ang may gawa. Mga wala talagang awa, ipinagpapalit ang kaluluwa para sa pera."
Lumapit si Joy sa salaming katatapos lang punasan paglabas niya ng cubicle. Kinuha niya sa handbag ang polbo at liptint saka ipinahid sa mukha. Habang nakatingin sa kaniya, hindi ko maiwasang isipin na malamang ay kating-kati na siyang makisali at magtanong . . . pero kakatwa na hindi iyon ang nakikita ko sa kaniya ngayon.
"Gusto mo?" Nakatingin siya mula sa salamin, itinaas ang kamay na may hawak na polbo.
"Saka na kapag puwede na iyang kainin." Lumabas na ako, iniwan siyang ipinapasok pa ang gamit sa loob ng bag.
"Puwede mo namang subukan!" natatawa niyang habol.
"Unahan mo!"
Hindi ko na siya nilingon at hindi na rin hinintay dahil siguradong makakahabol naman siya. Lumilipad na naman ang isip ko papunta kay Lothaire at sa masama niyang tingin. Ganoon din kay Allennon at katotohanang siya iyong babae na nakikita ko sa panaginip ko. Hindi ko maintindihan ang sense of familiarity na nararamdaman ko para sa kanilang dalawa.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...