Nagkuyom ng mga kamao si Yvienne at pinipigil ang pagtulo ng mga luha. Hindi man lang siya makagalaw sa silyang kanyang inuupuan. Kaibayo niya ang mga magulang at narito sila sa loob ng isa sa mga guest rooms ng Ragenei Castle. Katatapos lamang ng kasal nina Yvonne at Prince Raxiine. Kahit ano'ng pagtatago niya ng kanyang pagbubuntis, ang paglobo ng kanyang tiyan ay kusa na siyang inilalantad sa kanyang mga magulang.
Sinasakal siya ng sakit at galit na nababasa niya sa mga mata ng kanyang ama habang ang Mommy niya ay tahimik na nagpupunas ng mga luha. Disappointed ang mga ito sa kanya. May katuwiran namang madismaya ang mga ito. Ni hindi siya halos matigil sa bahay nila noon dahil umiiwas siyang mapasubo sa tradisyonal na kasal na kontrolado ng konseho ng Andromida Conglomerate. Pero heto siya, sa isang Andromida pa rin siya bumagsak. Walang kwentang sabihin pa niyang dati na siyang nahumaling kay Makki.
"Bakit hindi ka magsalita?" Matigas na bumagsak ang tono ni Johan. "Hindi mo maipaliwanag na pati ikaw ay mawawala na rin sa poder ko? I've done everything within my power to keep you away from the negotiations because you hate me so much for being the Andromida's puppet!"
"No, Dad! That is not-"
"No? What then, Yvienne? Come on, tell me! Why do you hate so much that it had to make you escape from home? Kung hindi dahil sa pagiging associate ko sa mga Andromida, ano?" Kulang-kulang ay magputukan ang mga litid sa leeg ng kanyang ama sa pagpipigil na huwag siyang sigawan.
Makatarungan naman ang galit nito pero labis siya ngayong nasasaktan sa pagdaramdam na nasa mga mata ng Daddy niya. Bilang ama ay wala itong naging pagkukulang sa kanilang magkakapatid. Isa itong ulirang asawa at magulang. Kailan nga ba nagbago ang kanyang pananaw sa prinsipyo nito? Mula nang lamunin ng Andromida Conglomerate ang kanilang kompanya at hindi niya nakitang ipinaglaban iyon ni Johan? Hindi naman nawala aa kanilang control ang kompanya pero tuwing nakikita niya ang dambuhalang tatak ng Andromida sa mga gusali at sa bawat produktong inilalabas nila'y hindi niya maiwasang isiping hindi na nila pag-aari ang lahat ng naipundar ng mga magulang.
"Jo, just calm down. Hindi natin maaayos ito kung magagalit ka," inawat ni Yllaine ang asawa.
"Bakit? May kailangan pa bang ayusin? Buntis na iyang anak mo, ano pa bang magagawa natin? Kahit itakas ko pa siya papunta sa ibang planeta, hindi tayo titigilan ni Mikael. Subok ko na ang ugali ng magkakapatid na iyan, kapag may ginusto sila, not even the deadliest storm in the universe can stop them." Padabog na tumayo si Johan at disperadong hinilot ang batok.
"Dad, ayaw n'yo po ba kay Makki?" tanong niyang pumiyok ang boses.
"Vienne, we're not questioning you about your choices. But your father wanted you to be responsible with your decisions, hindi laging sarili mo lang ang iisipin mo. May pamilya ka, mga magulang mo kami pero sa matagal na panahon ay hindi mo kami isinali sa mga desisyon mo."
"Tell her, Yllaine, nang makuha niya ang punto natin," paasik na sabat ni Johan.
Tell her what? Litong nagpalipat-lipat ang paningin niya sa mga magulang.
"Anak, your cousin, Janiza is one of Makki's potential brides. Hindi mo alam iyan dahil ayaw mo kasi kaming kausapin. Si Yvonne ang pumalit sa lugar mo dahil tumakas ka tapos ngayon babalik kang ganito, para mong inaagawan ng pwesto ang pinsan mo."
Tigagal siyang napatitig sa ina. Wala nga pala talaga siyang alam. Si Janiza ay anak ng Uncle Aivan niya, ang matalik na kaibigan ng ama ni Makki. Professional flamenco dancer in Spain. Nakakuha ng scholarship ang babae sa isang kilalang pamantasan doon dahil sa husay nitong sumayaw. Bihira niya lang itong makita kasi nakauuwi lang ito ng bansa tuwing school breaks.
"Kung tinakasan mo si Raxiine, dapat naintindihan mong hindi ka maaring makipag-ugnayan sa kahit sino sa mga kapatid niya dahil lahat sila ay may mga babaeng nakalaan."