Kabanata 03

2.6K 235 113
                                    

Hiling


Sa lahat ng aklat na aking nabasa, tanging ang walong utos ng Ayllus ang nanatili sa aking isipan. "Ang Anta ay may karapatang maglaan ng lupa sa nasasakupan kapalit ang kanilang katapatan at paglilingkod." Sa unang utos pa lamang ay batid ko na ang malawak na kapangyarihang hawak ng Anta.

"Ikalawa, ang pagtataksil, pagnanakaw at pagpaslang sa kasapi ay may kaparusahang kamatayan. Ikatlo, ipinagbabawal ang paglisan sa Ayllus hangga't hindi natatapos ang termino maliban nalang kung ito ay utos ng nakatataas, may maipapakitang katunayan o sinagtala."

Narinig ko na ang salitang sinagtala noon kay ama. Hindi ko lang maalala kung kailan niya nasabi iyon.

"Ika-apat, ang hilagang Sikhay, silangang Templo, kanlurang Tarangkahan, at timog Silong ay maglilingkod ng tapat sa Ayllus. Bawat pangkat ay may sariling batas na ipinapatupad at tungkulin na kailangang gampanan."

Sa Templo ang tanging nag-iwan ng marka sa akin ay ang kasulatan na manatili sa loob ng isang-daang taon.

"Ika-lima, sa bawat pangkat ay may nakalaan na dalawampung tao na maglilingkod ng tapat sa Ayllus. Ang lumagpas sa bilang ay ipinagbabawal."

Ang aking ama ay kasapi ng Sikhay sa hilaga. Sila ang namumuno at nagpapatupad ng bawat kasulatan at lahat ng gawain sa hukuman. Bawat isa ay naka-pangalan sa ibon. Si ama ang Lawin ng pangkat. Wala pa ako sa hustong gulang upang humalili sa kanyang katungkulan.

"Ika-anim, kapag natapos ang termino ng isang kasapi ng pangkat ay isang miyembro ng kanyang pamilya na nasa hustong gulang pataas ang siyang hahalili. Dose anyos para sa kalalakihan at dise-otso para sa kababaihan."

Isa ito sa utos na aming nilabag dahil sa pananatili ko rito.

"Ika-pito, ang mga kababaihan ay pinag-babawalang matutong magbasa at magsulat hanggang sa marating ang hustong gulang. Ika-walo, ang lumabag sa mga nasabing utos ay may katumbas na parusang ipapataw ng Anta, maaaring ipag-walang bisa ang kapangyarihan, ipagtabuyan, o humantong sa kamatayan."

Mas lalo akong nagulumihanan habang inaalala ang hindi patas na karapatan para sa mga kababaihan. Mabuti na lamang at hindi iyon ipinagkait sa akin ni ama. Tinuruan niya pa rin ako sa abot ng kanyang makakaya.

Ngayong araw ang pamamaalam ni Padre Puraw sa Templo. Mamaya ay dadalo ang hari at reyna bago nito tuluyang lisanin ang kaharian ng Ayllus. Hindi ko iyon masisilayan sapagkat kailangan kong magtago.

Kaya naman bago pa ako pumasok sa silid ay kinausap na ako ni Padre Puraw. Sinabi niya rin sa akin ang pagpanaw ni ama. Pinawi nito ang namumuong luha sa aking mata at matamis na ngumiti.

"Mahilig siyang tumungo sa Sepultura habang dala ang kanyang baul. Batid kong may sapa roon kung saan siya naliligo dahil laging basa ang kanyang kasuotan bago umuwi." Kuwento nito tungkol kay ama.

Hindi ko mapigilan na maluha sapagkat nangungulila ako sa aking mga magulang.

"Magiging maayos din ang lahat." Wika nito habang tumatango. "Always listen to your heart." Tinuro niya ang aking puso. "Speak your mind." Ipinatong niya ang isang kamay sa aking ulo. "And live a life of truth." Hinawakan niya ang aking magkabilang balikat habang madiin niya itong isinasatinig.

Pagkatapos ng kanyang pagsasalita ay tinanggal niya sa kanyang leeg ang gintong kuwintas na may palawit na krus. "Ito ang nagbibigay sa akin ng sanggalang at nagpapaalala na sa bawat pagsubok ay may liwanag na naghihintay." Wika nito habang isinusuot sa akin ang kuwintas. "Nais kong humingi ng tawad, sapagkat inilihim ko ang pagkawala ng iyong ama."

ABELON (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon