Nagtagal pa kami sa talon hanggang sa tirik na tirik na ang araw kaya nag-decide na kaming sumilong muna. Agad kong kinuha ang towel na dala ko at pinunasan ang buhok ko saka ko pinatong sa mga balikat ko at naupo sa blanket kahit basa. Nagtaka pa ako kay Son nang hindi wala siyang inabot sa tote bag niya at naupo lang sa blanket saka nilabas ang tanghalian namin.
"Wala kang tuwalyang dala?" nagtataka ko pang tanong. Napatingin siya sa akin saglit bago binalik sa ginagawa at umiling. "Hindi ka pa ba magpapalit ng damit?"
Umiling ulit siya. "Susulong pa ulit ako pagkatapos, sayang ang pagpunta natin kung hindi susulitin."
Umiwas na lang ako ng tingin nang mapansin ang manipis niyang puting damit kaya bumabakat ang panloob niya. Lagi ko siyang kasama na nakasaya kaya hindi rin ako sanay na nakalantad ang mga binti niya kaya tinignan ko ang bag ko at naghanap ng kung anong puwedeng ipahiram kay Son.
Inabot ko sa kaniya ang longsleeve na suot ko kanina, nagtataka pa siya. Hindi na lang ako nagsalita at pinatong sa kaniya ang damit saka ko nilagay sa balikat niya ang mahabang mangas. Natigilan naman siya sa ginawa ko. Tinanggal ko sa balikat ang towel at pinatong naman 'yon sa binti niya. Naupo ulit ako nang satisfied na ako sa itsura niya bago nagsimulang kumain. Inabutan niya ako ng bottled water kaya nagpasalamat ako. Pagkatapos ng pahinga namin pagkakain, sumulong agad ako. Hindi agad sumunod si Son pero hinayaan ko na siya hindi katulad kanina.
Walang direksyon ang paglangoy ko kaya biglang ahon ako nang may naramdaman ako. Kasabay ng pag-ahon ko ay may umangat din katawan at nakahawak sa ulo ang isang kamay habang ang isa ay pinupunasan ang mukha. Hindi ko napigilan ang sarili kong matawa.
"Sorry," natatawa kong sabi. Hinawakan ko pa ang ulo niyang nakauntugan ko. "Masakit ba?"
Umiling siya. "Pasensya, hindi ko alam na nandito ka sa gawi na 'to." Yumuko pa siya kaya mas natawa ako. Masyadong malakas ang pagkatama ng ulo namin at naramdaman ko 'yon kaya alam kong nasaktan siya pero mas pinili pa niyang magpaliwanag.
Kinapa-kapa ko pa ang ulo niya. "Masakit pa ba?" Napatingin siya sa akin at umiling. Hindi ko tuloy alam kung totoo ba o dine-deny niya lang.
"Nasaktan ka rin, pasensya na." Natawa ako. Napapangiti rin siya kaya humawak din ako sa ulo ko kung saan banda ako nauntog.
"Matigas pa naman ang ulo ko, siguradong mas nasaktan ka," sabi ko pa. Hinimas-himas ko pa ang ulo niya. "Sorry."
"Okay lang, Pluma."
"Hindi ba magkakabukol 'yan? Baka mapagalitan ako," natatawa ko pang sabi. Napangiti naman siya at umiling. Lumapit naman ako para suriin at siguraduhin. Tinitigan ko pa si Son at ginagantihan niya ako ng titig kaya naman nginisian ko siya at sinubukan diinan ang hawak ko sa ulo niyang nauntog. "Masakit pa rin 'no? Napangiwi ka, Son huwag mo na ikaila," pang-aasar ko pa sa kaniya. Sinabuyan niya ako ng tubig kaya napalayo ako.
"Medyo masakit pa tapos diniinan mo! Ang sama mo!" asar na sagot niya at sinabuyan pa ako ulit ng tubig kaya kahit hindi nakatingin ay ginagantihan ko siya. Natatawa ako at naririnig ko rin ang pagtawa niya kaya hindi ako tumigil hanggang sa naramdaman kong tumigil na siya kaya dahan-dahan akong huminto. Pagtingin ko sa kaniya ay bigla niya akong sinabuyan muli at tawa siya nang tawa kaya hindi na ako gumanti at tinatakpan ko ang mata ko habang lumalapit sa kaniya.
"Huli ka!" natatawa kong sabi nang mahawakan ko ang mga kamay niya kaya natigil ang pagsasaboy niya ng tubig. "Ang sakit sa mata no'n ah!"
"Pasensya na, Pluma," agad niyang sabi. "Bitawan mo na ako. Hindi ko na uulitin." Sinuri ko pa ang mukha niya para malaman ko kung nagsasabi siya ng totoo.
"Ayoko. Uulitin mo lang."
"Pangako, hindi na."
"Maniwala?"
"Hindi ba ako kapani-paniwala, Pluma?" Hindi na ako sumagot at binitawan na siya. Sumisid na ako papunta sa may binabagsakan ng tubig. Sumunod din si Son sa akin.
"Anong oras mo gustong umuwi, Pluma?" Napatingin ako sa kaniya.
"Ikaw dapat ang magbigay ng oras, Son. Ikaw ang mas kailangan umuwi nang maaga." Ngumiti pa ako. "Pero maaga tayong uuwi dahil maglalakad lang tayo pabalik. 'Yung daan na sinabi na puwedeng lakarin? Hindi tayo puwede gabihin. Hindi rin ako pinagkakatiwalaan ni Lolo eh." Dinaan ko pa sa tawa ang katotohanan.
"Okay lang kung maglalakad tayo pauwi? May kalayuan 'to kaysa sa burol noon."
"Ano naman?" Hindi siya nakasagot. "Maaga naman tayong uuwi kaya baka bago magdilim, kahit malayo, nasa bahay mo na ikaw."
"Sigurado kang maaga tayo uuwi? Hindi ba mabibitin ang araw mo? Ngayon lang ito at baka hindi na ulit muna maulit dahil madalang hindi pumasok ang nanay."
"Kung gusto ko namang bumalik, alam ko na ang papunta. At least hindi na magdadalawang isip ang lolo ko at ang nanay mo."
"Pero gusto kong sumama," mahina niyang sabi pero malinaw sa akin kaya napatingin ako sa kaniya. "May tiwala naman ako sa'yo, Pluma, mas tumaas ang pagtitiwala ko sa'yo ngayon kaya nasiyahan akong kasama ka rito." Napangiti ako at umiwas ng tingin. "Napakadalang kong makapunta rito at mag-isa pa. Dahil sa'yo, nalaman ko na masaya rin palang may kasama."
Tumango-tango ako. "Masayang mag-isa... pero masaya rin naman talagang may kasama."
"At natutuwa rin akong samahan ka. Ang dami ko kayang natututunan sa'yo."
"Mabuti naman."
"At, Pluma?" Tumingin ako sa kaniya. "Gusto kita." Napaawang ang bibig ko sa biglaan niyang pag-amin. Ngumiti siya at tumingin sa nakalahad niyang kamay na binabagsakan ng tubig. "Gusto kitang kasama. Gusto kitang kausap. Gusto ko rin ang katahimikan mo. Gusto ko kapag nagsasalita ka. Lalo na kapag pinapagaan mo ang loob ko. Gusto ko... ikaw." Napalunok pa siya.
Pigil na pigil ang mga ngiti at umiwas ng tingin. Sinadya ko pang umatras para sa mismong mukha ko bumagsak ang tubig at hindi ko inalintana ang sakit noon sa nararamdaman ko. Nanatili kami sa ganoong ayos. Mas napangiti ako nang maalala ko ang nagawa kong stanza kanina. Napatingin ako kay Son at nakita kong nakatingin siya sa akin. Ni hindi man niya inalis ang tingin niya kaya mas lumawak ang ngiti ko. Pakiramdam ko tuloy mapupunit na ang labi ko sa kakangiti.
"Kanina ka pa nakangiti, Pluma, inaasar mo ba ako?" malumanay niyang tanong.
Nakangiti akong umiling at lumapit sa kaniya. Napaatras naman siya. "Bakit lumalayo ka?" ako naman ang nagtanong ngayon. "Natatakot ka ba sa akin, Son?" Kagat labi siyang umiiling kaya lumapit ulit ako na kinaatras niya.
"Bakit ba lumalapit ka?"
"Bakit umaatras ka?" balik ko.
Nag-angat siya ng tingin. "Kinakabahan ako, Pluma. Ang tahimik mo lang kanina at ngumingiti-ngiti ka. Ngayon ang seryoso mo naman. Tapos lalapit ka pa sa akin. Pakiramdam ko may ginawa akong masama."
Napangiti naman ako, dahilan ng pagkislot ng noo niya. "Alam mo kung anong ginawa mo, Son?" Nagtatanong siyang tumingin sa akin. "Pinapasaya mo ako, alam mo 'yon?" Mas nangiti ako nang manlaki ang mata niya. Isa iyon sa dahilan kung bakit hindi na siya nakaatras nang lumapit ulit ako nang lumapit. Maingat akong humawak sa magkabilang balikat niya hanggang sa hinila ko siya palapit at kinulong ng yakap ko. "Pinapasaya mo ako, Son."
YOU ARE READING
Eclipse
Romance"The concept. The situation. The coincidence. The eclipse. It all compliment. Ako lang talaga ang may problema because I overthink." // a novella All Rights Reserved © 2022