Kabanata 7

51 5 1
                                    


PUMITIK siya sa harap ko dahilan para salubong ang kilay kong bumaling sa kaniya.

"Ayos ka lang ba? Parang lumilipad iyang isip mo . . . Sinusubukan mo bang isipin kung posible kayang totoo ang mga sinasabi ko?"

"Bakit ko naman gagawin iyon?"

"Well, baka lang—"

"Kalokohan," putol ko sa sinasabi niya. "Sa mga libro at palabas lang nangyayari ang ganoon."

"Siguro nga. Pero iyong mga libro at palabas na sinasabi mo, sa reality rin naman sila ibinase, hindi ba?"

"Pero mas lamang na produkto lang ng imahinasiyon."

Mag-a-alas kuwatro na ng hapon ng makauwi ako. Sandaling oras lang ang inilaan ko sa pagpapahinga bago inayos ang mga gamit na dadalhin ko sa pagpasok mamaya. Hindi pa rin umuuwi si mama kaya nag-aalala na ako sa kaniya. Masiyado niyang pinapagod ang sarili niya sa paghahanap ng trabaho. Ni hindi man lang niya naisip na magpahinga kahit isang araw.

Dumidilim na ang langit dahil sa pagkapal ng mabibigat na ulap. Huwag naman sanang umulan, wala pa rin akong payong. Kinuha ko ang jacket at bonnet ko saka umalis. Tahimik ang daan kaya kahit hindi gaanong mataas ang volume ng pinakikinggan ko ay malakas kong naririnig ang kanta.

Napahinto ako sa paglalakad ng mapansin ko ang maliliit na pulang liwanag sa uluhan ko, tila sinusundan ako, kasabay ng napakahinang tunog. Naniningkit ang mga mata kong tinitigan iyon para makasiguro. Masiyado iyong maliit at hindi magagawang makita kung hindi mo pagtutuunan ng pansin. Iwinasiwas ko ang kamay ko sa uluhan ko para subukang bugawin iyon pero walang nangyari.

Sa kung anong dahilan, nagsimulang gapangin ng takot ang gulugod ko. Pinahihina ng kiliti ang mga tuhod ko at nanlalamig ang mga palad ko. Takbo, ang unang salitang naisip ko, pero hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Para akong nakatayo sa gitna ng kumunoy, hindi makakilos at hinihigop pailalim.

Takbo. Takbo . . . Takbo! Nagawa kong kumaripas ng takbo at dumiretso papasok sa staff room, hindi alintana ang ilang mga matang nakasunod sa akin. Humarap ako sa salamin at ilang minutong pinagmasdan ang repleksiyon ko, sinusuring maiigi kung nasa uluhan ko pa rin ba ang nakita ko kanina. Pero wala na.

Bihis na ako ng lumabas para palitan sa counter ang kapalitan ko. Tatlo na lang kaming empleyado na naiwan pero wala akong balak na kausapin ang kahit sino sa kanila. Awtomatikong nalipat ang pansin ko sa pintuan ng tumunog ang bell na nasa itaas no'n, senyales na mayroong pumasok. Nakita ko ang isang babae't lalaking magkasunod na naglalakad palapit sa akin.

Balingkinitan iyong babaeng nakasuot ng hapit na bestida at matipuno naman iyong lalaking naka-faded jeans at plain t-shirt. Umupo ang babae sa mesang malapit sa counter at ang lalaki ang lumapit sa akin para ibigay ang order nila.

"Dalawang black coffee," malalim at garalgal ang boses niya, akala mo ay nagsasalita mula sa hukay.

Nanlilisik ang mga mata niyang nakatingin sa akin, pareho ng kasama niya. May kasalanan ba ako sa kanila na hindi ko alam?

"C-coming," sinubukan kong itago ang pagkasindak sa boses ko pero masiyado akong takot para magtagumpay.

Habang inaasikaso ang order nila, hindi mahinto sa pangangatal ang mga kamay ko. Muntik ko pa ngang matapon iyon ng iaabot ko na sa kaniya. Ramdam ko ang pagtatakbuhan ng mga daga sa loob ko, pabalik-balik sa tiyan at dibdib. Lalo pa akong kinapitan ng pagkabalisa ng mapansin kong nakatitig sila sa akin, walang pakialam kahit makita ko silang ginagawa iyon.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon