Part 1

2K 76 4
                                    

INIS NA idinuldol ni Avery ang hawak na sigarilyo sa crystal ash tray. Kalahating oras na siyang naghihintay sa opisina ni Maia pero hindi pa rin dumarating ang magaling niyang pinsan. Maging ang sinasabi nitong ka-meeting nila ay hindi pa rin niya nakikita ang anino man lang. Alam na alam ni Maia na maigsi ang pasensya niya kapag ganoong pinaghihintay siya. Matino siyang kausap kapag oras ang pag-uusapan. Hindi siya nahuhuli kaya ayaw din niyang pinaghihintay siya.

Dinampot niya ang telepono at dumayal. "Manang Elsa, nandiyan pa ba si Maia?" Kababakasan na ng pagkabagot ang tinig niya habang kausap ang kasambahay nina Maia. "Ganu'n ba?... Inip na inip na nga ako dito. Hindi naman nagre-reply sa text ko... Okay. Bye."

Konektado siya sa Womanly. Isang pambabaeng magazine pero dahil sa tamang-tamang palabok ay nakuha rin ang interes ng male gender kaya mas malawak na ang naging sirkulasyon nila.

Womanly catered to ABC crowd. Kung paano nagawa ng staff na maabot ang pihikang panlasa ng mga nasa alta-sosyedad at mai-combine iyon sa panlasa ng iba pang society levels ay isang malaking sorpresa sa kanila. Bawat issue na inilalabas nila ay kaakibat ng matinding pressure.

Womanly was worming its way to its number one status. At hindi lingid iyon sa malalaking kumpanya. Hindi iilang beses na nilapitan sila ng executive people ng Summit Group. Kinukumbinse silang ipagbili sa mga ito ang magazine. Bagay na malayo sa isip nila. Sa halip naging hamon pa iyon sa kanila para mas makipagsabayan sa mga higante.

Sila ni Maia ang founders ng magazine. Mula sa perang hiniram nila sa kani-kanyang magulang ay naitayo nila ang naturang magazine. Pinakamarami ang share si Maia sapagkat bukod sa hiniram sa magulang ay inilagay din nito ang mga naipon bilang kapital.

Muntik pa nga noon na hindi siya magkaroon ng maise-share. Kung hindi pa kinumbinse ng mommy ni Maia ang mommy niya ay hindi siya bibigyan---pahihiramin. Kaisa-isang anak lang daw siya, bakit pa pagkakaitan tutal at sa magandang layunin naman gagamitin?

Sa maternal relatives niya ay unica hija siya kung ituring kahit na nga ba bukas naman ang isipan niyang mayroon pa siyang kapatid. Si Cheska. Stepsister niya pero halos nagisnan na rin niya. Isang taong gulang lang siya nang mabiyuda ang mommy niya at pagkaraan ng isa pang taon ay nag-asawa naman ito sa father ni Cheska. Magkasama silang lumaki ni Cheska. Mula'y sapul hindi niya nakitang iba ang trato ng mommy niya kay Cheska. Kung hindi nga lang bukas sa lahat na anak ito ng Uncle Dave niya sa unang asawa, hindi niya iisiping hindi niya tunay na kapatid si Cheska. They even had matching clothes when they were young. 

Pero hindi naging ganoon katatag ang pagsasama ng mommy niya at stepfather. Nag-abroad ang Uncle Dave niya at diniborsyo ang mommy niya. Gayunman, nanatili si Cheska sa poder ng mommy niya. Maliban sa allowance na ipinapadala ng ama nito ay wala nang taling nag-uugnay sa mag-ama. Sila pang mag-ina ang itinuturing ni Cheska na kapamilya.

Napalis ang ngiti niya. Sa puntong iyon ay hindi naging lubos ang pagturing ni Cheska sa kanya bilang kapatid. Dahil kung ganoon nga, hindi nito siguro gagawin ang baligtarin siya sa isang sitwasyong nakasakit sa kanya nang husto.

Oh, well, that was years ago. Masaya na si Cheska sa Singapore kung saan ito nakabase kasama ang sariling pamilya. Anumang hinanakit sa pagitan nila ay pinili nilang huwag nang ungkatin pa. Sa pangungumusta nito sa telepono ay hindi ito kailanman bumanggit ng bagay na may kinalaman sa naging hidwaan nila.

Dinampot niya ang current issue ng Womanly. Binuklat-buklat iyon at ibinalik ang takbo ng isip sa kanilang negosyo.

Mahigit apat na taon na sila sa sirkulasyon. Ang kanilang mga empleyado ay part-owner. Simula pa lang ay may profit sharing na ang magazine. May option ang bawat empleyado na kunin ang regular dividends o idagdag pa iyon sa capital shares. Walang nag-iinteres na kumuha ng dividends. Sa halip ay lumalaki pa ang bahagi ng mga ito sa kanilang kumpanya. At napakalaking bagay niyon dahil lahat sila ay lubos na nagmamalasakit sa lalo pang ikauunlad ng kumpanya.

Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon