KANINA pa tinititigan ni Avery si Jake. Nasa kabilang dulo ng cottage ang binata at tila kaylalim ng iniisip. Nasa isang beach sila sa Cavite sapagkat doon nila isini-celebrate ang birthday ng mommy niya kinabukasan. Araw iyon ng Linggo at nagpasalamat siyang anuman ang lakad ni Cheska ay isinantabi para maging kumpleto sila.
"Hoy, mister, malalim pa yata sa dagat ang iniisip mo," nakangiting punan niya nang lumapit dito. "Bakit hindi ka maglangoy? Hayun si Ate Cheska, ah?" turo niya sa kapatid na mag-isang naglulunoy sa mababaw.
"Maya-maya na lang," baling nito sa kanya.
"Umahon ka na ba sa iniisip mo? Ano ba iyon? Aayain mo na bang magpakasal ang Ate?" magaang tanong niya pero sa sulok ng puso niya ay kinatatakutan niyang marinig ang isasagot ng binata.
Hindi niya kayang arukin ang emosyong pumuno sa mukha ni Jake ang sumagot ito. "Matagal ko na siyang inaaya. Sagot na lang niya ang hinihintay ko."
Pakiramdam ni Avery ay piniga ang puso niya sa narinig pero pinilit pa rin niyang ngumiti.
"Eh, bakit ka nga nagmumukmok diyan?" Pinili niyang mangulit na lang kaysa indahin ang di-maipaliwanag na kabang bumundol sa dibdib niya.
"May iniisip lang ako," tipid na tugon nito.
"Obvious naman. Sino o ano nga?" kulit pa rin niya. "Ibang babae?"
Mabilis itong bumuntunghininga. "Paano kung ibang babae nga ang nasa isip ko at hindi si Cheska?" seryosong tanong nito at matamang tumitig sa kanya.
Natigilan siya. Wala sa hinagap niya ang ideyang iyon. Nakatuon ang isip niya na tanging si Cheska lamang ang laman ng puso at isip nito.
"May i-iba ka..."
"Naguguluhan kasi ako sa nararamdaman ko," patuloy nito.
"Naguguluhan?"
Tumango ito at itinuon ang mga mata sa gawing dagat kung saan naroroon ang Ate Cheska niya. Hindi na nag-iisa sa paliligo si Cheska. Isang grupo ng teenagers na lalaki ang kausap nito. Hindi na naman bago iyon. Talagang malakas ang karisma ni Cheska.
"Mahal ko si Cheska. For more than five years, sa kanya umiikot ang mundo ko. Walang ibang babae para sa akin kung hindi siya pero lately hindi ko maintindihan ang mga nangyayari sa aming dalawa. She's always busy with her work at halos wala na siyang oras para sa akin."
Napatitig lang siya sa binata. Kung ganoon ay hindi naman pala ito manhid o tanga. Hindi nga lamang isinasatinig ang nararamdaman.
"---And now, here I am. Naguguluhan. Nahahati ang feelings ko kay Cheska at..." Inihilamos nito ang palad sa mukha. "Avery, nahuhulog ang loob ko sa isang taong palaging nariyan sa tabi ko. Ngayon, hindi na ako ganoon kasiguradong ayaing magpakasal pa si Cheska," punung-puno ng kahulugang saad nito.
Napalunok siya. Kung pakikinggan niya ang dikta ng sarili ay gusto nga niyang maniwala na siya ang ibang babaeng tinutukoy ni jake. Pero paano kung hindi? Paano kung iba talagang babae ang tinutukoy nito?
Tumikhim si Jake. "I know this is wrong and---"
"Jake! Avery!" malakas na tawag ni Cheska habang papalapit sa kanila. Umiimbay pa ang balakang nito habang itinatapis ang malaking scarf sa bewang. Napakakinis ng maputing balat nito at maganda rin ang hubog ng katawan.
Palihim na niyuko ni Avery ang sarili. Naka-swimsuit din siya. Iyon nga lang may pagka-conservative nag tabas at pinatungan pa niya ng shorts. Kahit naman makinis din siya at balingkinitan kagaya ni Cheska, hindi kaya ng loob niya na ihantad ang katawan na kagaya ng ginagawa ng kapatid.
"Ano ba naman kayo?" nakangiting sabi nito. "Hindi pa kayo maligo hangga't hindi masakit sa balat ang init ng araw. At saka hindi pa tayo nakakapag-picture taking. Iyan namang si Mommy, idinestino pa rin ang sarili sa paggagayak ng pagkain, eh, may kasama namang katulong. Tara na!" Hinawakan nito sa braso si Jake at hinila.
"Kayo na lang muna," tanggi ni Avery at nilapitan ang knapsack na dala. "May baon akong pocketbook. Magbabasa muna ako, mamaya na ako maliligo."
"Sumama ka na sa amin," aya ni Jake sa kanya.
pero pinanindigan na niya ang pagtanggi. Umiling lang siya.
May panibughong sinundan na lamang niya ng tingin ang dalawa. Biglang lumingon si Jake sa gawi niya kaya nahhuli nito ang pagtitig niya dito. May ilang saglit na nagtagpo ang kanilang mga mata pero nang lumayo pa ito ay nagbawi na rin ng tingin.
Malalim ang paghingang ginawa niya. Hindi niya maintindihan ang sarili. Nakadarama siya ng panghihinayang at kaba. Kung hindi sa paglapit na iyon ni Cheska ay matatapos sana ang sasabihin ni Jake. Ngayon ay tila may tabak si Damocles na nakaamba sa ulunan niya. Bitin siya at hindi siya mapakali kung ano ang sasabihin sana ni Jake.
Para sa kanya ay importanteng malaman niya iyon. Hindi niya alam kung bakit pero iyon ang kutob niya.
Nakagat niya ang ibabang labi nang matanaw sina Cheska at Jake na nasa baybayin na ng dagat. Tumigil ang mga ito sa paglalakad. Si Cheska ay pumihit paharap kay Jake at ito pa mismo ang naghubad ng t-shirt ng binata. Basta na lamang iyong initsa sa buhanginan at magkahawak ang mga kamay na lumusong.
Ibinaling niya sa iba ang mga mata. Dama niya ang kirot na pumuno sa dibdib. At sa puntong iyon ay natanto niya ang dahilan ng mga mumuning sakit na tumitimo sa puso.
Mahal na niya si Jake.
Malungkot na muling napagawi ang tingin niya sa gawi ng mga ito. Isang naliligo ang napakiusapan ni Cheska na kumuha ng larawan ng mga ito. Magkayakap na ang dalawa sa bawat kuha. Sweet na lalong ikinasasakit ng kalooban niya.
Tila kaydami ng aspileng tumusok sa dibdib niya sa nasaksihan. Humakbang na lamang siya para lumapit sa mommy niya na abala sa pag-iihaw ng makakain nila.
Doon na lamang niya nilibang ang sarili.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
RomanceMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...