KAGAGALING lamang ni Avery buhat sa pag-e-enroll nang madatnan si Jake sa kanila. Papasok pa lamang siya ay maluwang na ang ngiti nito.
"Tapos ka nang mag-enroll?" bati nito sa kanya.
"Oo. Fifteen units lang naman ako ngayon saka wala akong problema sa mga requirements nu'ng nakaraan kaya mabilis lang akong naka-enroll." Nahawa naman siya sa kasiglahan ng kilos ng binata. Iyon ang mga pagkakataong nakadarama siya ng kasiyahan sa lihim niyang pag-ibig dito. "Kanina ka pa?" bakas ang excitement sa tinig niya.
Ilang araw na hindi nadalaw sa kanila ang binata. Nagtungo ito sa Baguio sapagkat inutusan ng ina nito.
"Medyo."
"Pasalubong ko?" Inilahad pa niya ang kamay na tila bata.
"Kunin mo na lang kay Cheska."
Tumabang ang ngiting nakapagkit sa mga labi niya. "Nandiyan na ba si Ate?" Halos hindi siya makapaniwala sapagkat lubha pang maaga para sa regular na oras ng uwii nito. Ni wala pa ngang alas singko ng hapon.
"Nag-half day lang siya. Tumawag ako kaninang umagang dumating ako."
Tuluyan nang nawala ang mga ngiti niya. "May lakad kayo?"
Tumango ito. "Lalabas lang. Maglilibut-libot. Bihirang iwan ng ate mo ang trabaho niya para sa akin."
May pakiramdam siyang tila magkakapira-piraso ang mukha niya. Pinilit niyang ibalik ang dating ngiti pero may palagay siyang mapakla na iyon.
"Akala ko ba, pagdating mo from Baguio, iti-treat mo ako?" Nagtatampo siya at alam niyang nagiging childish na siya sa kilos niya pero mas gusto na niya iyon kaysa malaman ng kaharap na selos ang talagang nararamdaman niya.
"Bukas ba, may lakad ka? Kailan ba start ng klase mo?"
"Next week. Dito lang ako sa bahay bukas."
"Bukas, tayo naman ang lalabas. Ipagpapaalam kita sa mommy mo. My treat, as promised."
Bahagya lang naibsan ang dismaya niya.
"Avery, nandiyan ka na pala. Kumusta enrolment?" sabad ni Cheska na lumapit sa kanila. Naka-casuel dress na ito att handa na sa pag-alis. "Okay na? Wala nang problema?"
"Okay na," malungkot na tugon niya. "D-doon na ako sa kuwarto. Hahanapin ko iyong mga dati kong libro, may naghihiram kasi," dahilan niya at tumalikod na.
"Wala sina Mommy at Inday, nag-grocery. Iyong peanut brittle at haleyang ube, mesa pa. Ikaw na ang bahala," habol na sabi ni Cheska.
"Oo."
"AVERY..."
"Bukas iyan, Mommy," malakas na sagot niya.
"Nasa labas si Jake. May lakad daw kayo," wika nito na sumungaw lang sa may pinto. "Gumayak ka na. Ipinagpaalam ka na sa akin. Baka magpabili ka na naman ng kung anu-ano, ha? Hindi ka na bata."
"Opo," masunuring sagot niya. Sa halip na magbihis ay lumabas siya ng silid. Ang totoo ay kanina pa siya naghihintay kay Jake. Hindi nga lang siya nagbihis agad sapagkat ayaw naman niyang mahalatang atat na atat siya sa lakad nila.
"O, bakit hindi ka pa nakagayak?" pabirong sita ni Jake nang makita siyang nakapambahay pa. "Magbihis ka na nang hindi tayo maapura sa pamamasyal. Five-thirty na. Maiipit na tayong masyado sa traffic."
"S-sandali lang. Mabilis naman akong magbihis." Tila may pakpak na ang mga mata niyang tumalikod. Within five minutes ay nakagayak na siya. Kanina pa siya nakapaligo at sa kama niya ay nakahanda na rin ang isusuot niya.
Nasisiyahan siyang sinuri ang sarili sa harap ng salamin. Simple pa rin ang ayos niya pero nag-apply siya ng lipstick. Bago iyon. Dati ay lip gloss lamang ang kosmetikong inilalagay niya sa mukha. Bagay sa kanya ang kulay. Nabawasan ang kasimplehan niya pero hindi naman naisakripisyo ang innocent aura ng kanyang mukha.
Magaan ang loob niyang humakbang palabas. Excited na sila sa paglabas nilang iyon ni Jake.
Napatda siya nang makita si Cheska na kausap ni Jake. Wala siyang alam na maagang uuwi ang kapatid. Pipihit na lamang siyang pabalik sa kuwarto nang makita siya ng mga ito.
"Nandiyan na pala si Avery," walang ngiti sa mga labing wika ni Jake.
"Nakagayak ka na pala," sabi naman ni Cheska sa kanya. "Tara na. Kakain pa tayo sa labas. Baka hindi tayo umabot sa last screening."
Napatingin siya kay Jake. Hindi niya itinago ang piping panunumbat dito. Ang buong akala niya ay silang dalawa lamang ang lalabas.
Oh, well, marami na ring namatay sa akala.
"Tara na!" aya ni Cheska na hinubad lang ang suot na blazer. Floral blouse ang suot nito at black pants. Wala nang balak na magpalit pa ng damit. "Nagpaalam na ako kay Mommy."
Napatango na lang siya. Nagpatiuna na siyang lumabas at lumapit sa kotse ni Jake. Alam naman niya kung saan siya dapat pumwesto. Sa back seat.
Para sa kanya ay isang disaster ang lakad na iyon. Damang-dama niya ang feeling of unbelongingness. Minamanipula ni Cheska ang usapan at hayagang ipinararamdam sa kanya ang pagiging unwanted baggage. Sinasadyang ipakita ang sweetness nito kay Jake.
Si Jake ay pinipilit na maging atentibo pa rin sa kanya pero naaagaw din ni Cheska ang atensyon nito. Anhin na lamang niya ay magpaalam na at maunang umuwi.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
Roman d'amourMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...