"AVERY..."
Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata kahit aware na aware naman siya sa pagbaling na iyon ni Jake sa kanya. Ilang sandali pa lamang ang nakakaraan nang ianunsyo ng airplane crew ang napipinto nilang pag-landing sa Kalibo airport.
Dama niya ang mainit-init na hanging dumapyo sa kanyang mukha nang mag-angat ng paningin. Bahagyang nakayukod sa kanya si Jake at waring tatapikin na siya kung hindi pa siya kumilos.
Titig na titig ito sa kanyang mukha at may ilang sandaling inisip niyang kung nahalata ba nitong nagtutulug-tulugan lang siya.
"Pababa na ang eroplano," walang ngiting sabi nito. Umayos ito ng upo at ikinabit ang seatbelt.
Kumilos na rin siya. Mayamaya pa ay inihanda na rin niya ang sarili sa pagbaba. Ang laptop na dala niya ay nasa isang waterproof case. Nanatili iyong hawak niya hanggang sa umibis sila ng eroplano.
Mula sa Kalibo airport ay may naghihintay na sa kanilang van. May tatak ang body niyon na Boracay Regency Hotel. Bahagi iyo ng package tour na ipina-arrange ni Maia para sa kanila. Mahigit isang oras din ang kanilang naging biyahe mula airport hanggang Caticlan. At sa buong biyahe ay tila hindi sila magkakilala man lang ni Jake.
Mas pinagtuunan pa nitong kausapin ang driver ng van lalo at sa harapan pa ito naupo. Mag-isa lamang siya sa middle row seat ng van. Ayon sa driver, nauna nang dumating sa kanila ang mas malaking grupo ng turista kaya nasolo nila ang sasakyan.
Ngumiti lang siya bilang pagtugon sa sinabi ng driver at pinili nang manahimik. At kaysa magmukmok pa sa hindi pagpansin sa kanya ni Jake ay ipinasya niyang aliwin na lamang ang sarili sa tanawing nadadaanan.
Pangalawang beses na niya iyong punta sa Boracay. pero ang una ay deretso ang flight niya mula Manila hanggang Caticlan. Ngayon lamang niya nadiskubreng maganda rin pala ang ibang bahagi ng Aklan. Tanaw ang magandang dagat sa isang gilid habang sa kabila naman ay tipikal na anyo ng probinsya na may sumasalit-salit na bulubundukin.
Pagdating sa Caticlan ay iniayos lang ng driver ang pagparada ng van at sumama na rin sa kanila sa paglulan sa bangkang maghahatid sa kanila sa isla ng Boracay.
Pamilyar na kay Avery ang tanawin pero hindi pa rin nagbago ang paghanga niya sa lugar. Kapag pinagmamasdan niya ang kabuuan ng isla, partikular ang puting buhanging nakalatag sa baybayin nito ay nagkakaroon siya ng kapanatagan.
Nakakalimutan niya ang traffic na araw-araw niyang nararanasan sa Maynila. Nakakalimutan niya ang inis niya sa polusyong laganap sa ibang siyudad.
Ni hindi niya pinansin ang tubig na sumaboy sa kanya dahil sa malakas na impact ng bangka sa tubig. Mabasa man siya ay bale-wala sa kanya. Nasa unahang bahagi siya ng bangka at natural na sagapin niya ang tubig na aalagwa sa bangka.
"Bakit hindi ka magbalabal ng tuwalya?" sabi ni Jake.
Kagyat siyang napatingin dito. Parang isang milagro pa sa kanya na nagsalita ang katabi niya.
"Okay lang. Sanay na naman akong nababasa pag ganito. At saka pagbaba sa Boracay, mababasa din. Minsan hindi masyadong naidadaong ang bangka kaya walang choice kung hindi lumusong."
Tumango lang si Jake. Inaasahan niyang magsasalita pa ito pero sa halip ay ibinaling na nito ang tingin sa destinasyon nilang isla.
Sa paligid ay dinig nila ang mga usal ng paghanga. Bawat isa'y may kani-kaniyang komento. Mayroong halatang first-timer na bumisita sa isla at mayroon namang datihan na.
Lihim siyang napangiti. Kapag ganoong papuri ang naririnig niya patungkol sa Pilipinas---kahit ang isang bahagi man lang ng bansa ay nakakaramdam siya ng pagmamalaki. Nakakakunswelo na iyon sa iba't ibang isyu na sumisira sa imahe ng Pilipinas.
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
RomanceMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...