PALAKAD-LAKAD si Avery sa sala habang hinihintay na lumabas ng silid si Jake. Hindi pa siya tapos makipag-usap kay Jake. Alam niyang hindi magiging maayos ang trabaho kung gayong tila sila nag-iiwasan.
Hindi naman siya nainip at lumabas na nga din ng kuwarto si Jake. Preskong-presko ang anyo nito sa suot na ptuing shorts at t-shirt. Nalalanghap pa niya ang musk cologne nitong sumama sa hangin.
"Jake, hindi ka pa ba nagugutom? Tanghalian na. Kape lang ang nailaman ko sa tiyan kaninang umaga."
"Di magtanghalian na tayo. Pati ba pagkain natin ay pre-arranged na?"
"No. Maia, provided us meal allowance. Hindi naman niya pinanghihimasukan na kung ano ang gusto nating kainin. Gusto mo bang magpa-service tao o mag-ikot-ikot sa labas?"
"Mas mabuti pa nga yatang sa labas na lang. Para marami tayong pagpipilian."
Nagpatiuna na siyang lumabas. Si Jake ay tiniyak lamang na nakakandado ang pinto at sumunod na sa kanya.
Paglabas nila ng hotel ay marami na silang pagpipilian. Nakahilera ang iba'ibang uri ng buffet lunch. Hindi naman siya maselan. Hinayaan niyang si Jake na ang pumili kung saan sila kakain.
As expected, nakararami ang seafood dishes pero mayroon ding iba't ibang international dishes.
"Okay lang ba sa iyo ang native food?" konsulta sa kanya ni Jake matapos huminto sa tapat ng Dave and Eden's Native Food. "Na-miss ko ng husto ang ganyan, eh."
"Okay lang sa akin," tugon naman niya.
Ipinag-reserve na sila ng mesa ng isang waiter. Mayamaya pa ay magkasalo na silang kumakain. Wala na naman silang kibuan. pero palagay na ang loob ni Avery. Makita lamang niyang maganang kumain si Jake ng sinigang na maya-maya at inihaw na liempo ay naaliw na siya.
Matapos ang pagkain ay nag-order si Jake ng kape. Mango juice naman ang sa kanya. Habang nagpapababa ng kinain ay naglabas siya ng sigarilyo at nagsindi.
"Naninigarilyo ka na pala," puna nito. "Mabuti at hindi ka nakakagalitan ng mommy mo."
"Nang magsimula ang magsimula ang Womanly, natuto na ako," sabi niya. "Pressure, eh. At saka noon, hirap akong magsulat ng article ko. Malay ko ba namang sa ganitong trabaho ako mauuwi. Noon, baliw na baliw ako sa pagreresolba ng mga case study ko sa Financial Management. Wala namang hindi against sa paninigarilyo ko. Pero wala ding makapigil. You want?" Bahagya niyang itinulak palapit dito ang kaha ng sigarilyo.
"I don't smoke."
"Uh, okay," aniyang bahagyang naasiwa.
Tahimik nitong ininom ang idinulot na kape. Bagama't maingay naman sa paligid sapagkat maraming tao at nakakaaliw din ang mga grupu-grupong naliligo sa dagat sa kabila ng katirikan ng araw ay nakadarama pa rin siya ng pagkailang sa katahimikan sa pagitan nila ni Jake.
"Kumusta ka na? Ano na nangyari sa iyo sa loob ng ilang taon?" hindi nakatiis na tanong niya dito. "Bigla ka na langa nawala," dugtong pa niya nang sa tingin ay hindi magsasalita si Jake.
"Tinanggap ko iyong alok sa aking trabaho ng isang kapatid ko sa Australia," matabang na sagot nito.
"May studio pala kayo doon? Doon ka na nahilig sa photography?" Wala siyang balak na tumahimik uli. Iniisip niyang kapag patuloy niyang kinausap si Jake ay mabubuwag din ang tila pader na nakapagitan sa kanila.
"No. Cattle-ranch ang pinagkakaabalahan namin doon. Naengganyo lang ako ng isang kaibigan. Pakuha-kuha ng picture ng land hanggang sa mahulog na ng husto ang interes ko. I decided to specialize in underwater photography. May kamahalaan din pero sulit naman when it comes to personal satisfaction."
Napangiti siya. Hindi naman pala sayang ang pagtatangka niya. Nakita niya kung paano sumigla ang anyo ni Jake kapag ang tungkol na sa trabaho nito ang pinag-uusapan.
"You've changed a lot. Ibang-iba sa Avery na kilala ko noon," wika pa nito.
Nagkibit lang siya ng balikat. "Lumalakad ang panahon. Sumabay lang ako."
Tumango ito pero hindi niya tiyak kung pagsang-ayon iyon sa tinuran niya. "Parang kailan lang," mahinang sabi nito. "Akala ko, tuluyan ko nang kakalimutan ang Pilipinas. Pero nandito na naman ako." Malungkot itong ngumiti.
Tinitigan niya ito. "Malaki din ang ipinagbago mo," komento niya.
Dati nang guwapo si Jake pero iba ang dating nito ngayon. He looked better. He was more trimmed and lean at ang taong nagdaan sa buhay nito ay bahagya lang na mababakas sa anyo. At marahil kung magiging palangiti lamang siguro ito ay hindi makikitang mahigit na itong treinta.
Ibinaling ni Jake ang paningin sa mahabang patio. Naglisaw ang mga turista. Hindi alintana ang sikat ng araw sapagkat marami namang puno ng niyog na humaharang para hindi maging ganoon kainit ang ingaw.
Kalagitnaan pa lamang ng Marso pero marami nang turista sa Boracay. Lalo pa marahil kapag tumuntong ang Abril. Hindi pa tapos ang school year at ilang linggo pa bago mag-Semana Santa.
"Jake, alam kong malaki ang naging kasalanan sa iyo ni... ate Cheska," kabadong sabi ni Avery. "At ganu'n din ako. Gusto kong ipaliwanag sa iyo noon ang lahat kaya lang hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon."
Kinonsulta ni Jake ang suot na relo. "Hindi kaya nag-report na sa hotel ang contact na guide ni Maia?" paiwas na wika nito. Sinenyasan nito ang waiter para magbayad.
"May allowance tayo dito," sabi naman niya.
"No, itabi mo na lang iyan."
Hanggang sa bumalik sila sa hotel room ay wala na siyang nasabi pa. Halata niyang iniiwasan nitong mapag-usapan pa nila ang nakaraan.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
RomanceMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...