Part 13

992 59 4
                                    

TINULUNGAN siya ni Jake na iayos ang oxygen mask niya bago ang sarili naman nito ang inasikaso. Magkasabay silang nagpatihulog sa tubig. Si Manong Raul ay nauna na ng ilang sandali sa kanila.

Kinakabahan man ay pilit niyang nilakasan ang loob. Alam niyang hindi man nagsasalita si Jake ay nasa bawat pagtingin nito sa kanya ang paghamon sa trabahong iyon.

Bihasang-bihasa si Manong Raul na gumigiya sa kanila. Sa kilos naman ni Jake ay tila hindi na rin bago dito ang ilalim ng tubig. Kung tutuusin nga ay makakaya na ni Jake mag-isa ang trabahong iyon kung hindi nga lang may bitbit ding gadget si Manong Raul. Salitan ang paggamit ng binata ng video camera at pagkuha ng candid shots.

Mayamaya pa ay nakalimutan na rin ni Avery ang nerbiyos niya. Malayong ikumpara ang nakikita niyang ganda ng coral reefs sa dagat ng Zambales kung saan siya nag-aaral ng scuba diving. O marahil, hindi pa lang niya siguro ganap na nadidiskubre ang Zambales.

Inabot ni Jake ang kamay niya nang sumisid pa sila. Natanto niyang higit pang maganda ang lugar na iyon. Hindi niya kayang bilangin ang mga uri ng isdang tila nagpapakitang-gilas sa paglangoy ng mga ito. Iba't iba ang kulay at laki.

Nakadama siya ng panic nang bitawan ni Jake ang kamay niya. Maagap namang sumenyas ito at nakipagpalit lang ng gagamiting camera kay Manong Raul. Bumalik ito sa kanya at namalayan na lamang niyang kasali na siya sa subject na kinukunan nito.

Na-relax na siya. Nakipaglaro pa siya sa mga isda at pinakialaman ang mga coral reefs. Kahit ang mga halaman sa ilalim ng dagat ay napakagandang tingnan. Isa mang bagay sa paligid ay wala siyang makitang pintas. Isang pulutong ng maliliit na isda ang lumangoy pagawi sa kanya at tuwang-tuwa niyang ibinuka ang mga kamay na tila nais yakapin ang mga iyon.


NANG MAKUNAN ang lugar na iyon ay lumipat pa sila sa kalapit na Friday's Rock at Blue Lagoon. Lampas na ng pananghalian nang umahon sila. Kapwa mga gutom, nagpasya na silang bumalik na muna sa hotel kahit na gusto pa sana nilang lumipat ng ibang diving point.

Nang bumaba ng bangka ay saka nakaramdam si Avery ng pagod. Nauna na siyang bumalik sa hotel habang nakikipag-usap pa si Jake sa guide tungkol sa oras na muling pagda-diving nila.

"Hindi ka pa nag-shower?" gulat na wika ni Jake nang makitang naka-diving suit pa rin siya.

"Mauna ka na," aniya. "Mas mabilis kang kumilos kaysa sa akin, eh. At saka inaantok na ako. Uunahin ko na lang ang matulog kaysa kumain."

"Kung iyan ang gusto mo," wika nito.


NAGISING si Avery na mag-isa lang sa hotel room. May isang note na idinikit si Jake sa dresser na nagsasaad na naglakad-lakad lang ito.

Alas-singko na ng hapon at noon niya naramdaman ang kalam ng sikmura. Nag-ayos lamang siya ng sarili at lumabas na rin. Nakarating siya hanggang sa Talipapa. Ang totoo ay paborito niyang puntahan ang naturang bargain center ng isla. May mga kainan din doon na hindi kasing mahal ng mga nasa patio.

Doon na siya kumain.

Paglabas niya ay papadilim na. Nagpasya siyang bumalik sa hotel para tingnan kung nakabalik na si Jake. May cellphone man siya ay hindi niya ito magawang kontakin sapagkat hindi naman niya nahingi ang number nito.

Pero bakante ang kuwarto nila. Nagbilin si Jake sa front desk na lumabas itong muli para hanapin siya.

"Miss, puwedeng pakibuksan na lang ang room? Nasa kasama ko iyong susi namin, eh," pakiusap niya sa receptionist.

Pumayag naman ito. Pero bago inabot ang susi sa isang kasama na siyang magbubukas ng pinto para sa kanya ay may mga itinanong pa sa kanya na bahagi daw ng SOP ng mga ito.

Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon