Part 15

1K 60 4
                                    

NASA kalagitnaan na sila nang pagkain nang makita ni Avery si Julius na papasok din sa restaurant. Kasama nito si Ching at Gary na nakilala na niya nang nagdaang gabi. Hindi na nag-iisip na kinawayan niya ito. Hindi niya napansin ang kagyat na pagdilim ng mukha ni Jake nang sundan ng tingin ang kinakawayan niya.

"Hi! Dito rin kayo kakain?" tuwang sabi niya. Kahit naman kailan lang niya nakilala ang mga ito ay magaan agad ang loob niya.

"Oo sana," si Ching ang sumagot.

"Why don't you join us?" nasabi na niya bago pa maalala si Jake na kaharap lang din niya. Kagat ang ibabang labi na napatingin siya sa binata.

"Okay lang," maagap namang sabi ni Jake pero anumang ngiti na nakita niya sa mga labi nito kanina ay hindi na niya mabakas ngayon.

"Siyanga pala, Jake," aniyang hindi na lang nagpaapekto sa biglang pag-iiba ng ekspresyon ng binata. "Meet Julius, Ching and Gary. Guys, si Jake."

They exchanged pleasant hi and hello.

Nakahalata man si Julius na hindi ganoon ka-welcome ang mga ito kay Jake ay sumalo na rin sa mesa sapagkat nauna na si Ching na sumenyas sa isang waiter para dugtungan ang mesa nila.

Sa buong kurso ng pagkain ay sibil namang nakipagpalitan ng salita si Jake pero si Avery ang mismong nakakaramdam na hindi nagustuhan ng binata ang pag-aanyaya niya sa mga bagong kakilala.

"Bakit hindi natin subukan sa Bazura Disco this time?" ani Gary mayamaya. "Ladies' night nila ngayon doon. Nabasa ko sa mga paskil. Free drinks ang mga girls."

Tumingin si Avery kay Jake para ayain din ito pero maagap nang nagsalita ang binata. "Out ako diyan. Lilinisin ko kasi ang mga equipment. Medyo matagal iyon."

"How about you, Avery?" Si Ching.

"Count me in!" mabilis na sagot niya. Halata niyang ayaw lang ni Jake na sumama. At hindi niya gustong sirain ang gabi niya dahil lamang sa biglang pagbabago ng mood nito.

Tinawag ni Jake ang waiter nang tapos nang kumain ang lahat. Mabilis na dumukot si Avery. Ang nasa isip niya ay siya ang umako ng bill sapagkat siya ang nag-aya kina Julius.

Sina Julius at Gary ay nag-unahan din sa pagbunot ng wallet pero nauna pa rin si Jake.

"Okay lang, pare," wika pa ng binata sa dalawa. "Paano, mauna na ako sa inyo. Bahala na kayo kay Avery," paalam nito.

"Okay. Ikaw, eh, ayaw mo pang sumama." Si Ching.

Matipid na ngiti lang ang itinugon doon ni Jake. Tumayo na ito at kinuha ang susi sa kanya.

"Suplado yata ang kasama mo," puna ni Ching kay Avery nang makalayo si Jake.

"O nagseselos sa amin?" wika naman ni Gary.

Tumawa lang siya nang mahina. "Hayaan ninyo na lang iyon. Hindi ba maaga pa para mag-bar?"

"Maaga? Wala namang maaga basta may pambayad," pabirong sagot ni Gary.

"Tara, maglakad-lakad na lang muna tayo," aya ni Ching. "Nasa Boracay D'Mall sina Lea. Inuna pang mag-shopping kaysa kumain."

Doon na nga sila napunta. Nagkita-kita doon ang magkakasama at tumuloy na silang mag-bar.


LAMPAS na ng hatinggabi nang bumalik siya sa hotel. Naihatid na siya ng mga bagong kaibigan nang pagtuunan ng pansin ang cellphone niya. Kagaya kagabi ay puno na naman ng mensahe iyon pero nakadama pa siya ng dismaya nang makitang hindi kay Jake galing ang mga text.

Kay Rachel. Writer ng Womanly na may hawak ng Foods Galore, isang section sa kanilang magazine na nagpi-feature ng espesyal na putahe mula sa iba't ibang lugar. Nasa Boracay din ito at binigyan ni Maia ng assignment.

Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect ChanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon