PAKIRAMDAM ni Avery ay lumulutang siya nang bumangon. Wala siyang tulog kahit ilang sandali man lang. pero hindi niya iyon ipinahalata kay Jake. Pilit pa niyang pinasigla ang kilos nang lumulan sa bangka nang patungo na sila sa Laurel Islands.
Maging ang paghihikab ay patago niyang ginagawa lalo at tila ipinaghehele pa siya ng banayad na galaw ng bangka. Ipinako niya ang paningin sa gawi ng Caticlan. Magkalapit lang halos ang Caticlan Port at Laurel Islands. Inaliw niya ang sarili sa pagmamasid sa mga pasaherong galing at papunta sa isla ng Boracay.
Hindi na naman sila nag-uusap ni Jake. Pero sa kanya ay mas gusto na niya ang gayon. Kinatatakutan niyang maungkat pa ang sitwasyon nang nagdaang gabi kaya mas gusto na nga niyang huwag na lang silang magkibuan.
Hindi na niya maintindihan ang nararamdaman nang huminto ang bangka. Si Jake ay inihanda na ang pagkakabit ng oxygen tank. Nang mapuna nitong hindi siya kumikilos ay ito na ang nagkabit ng oxygen tank sa likod niya.
"Ready?" tanong nito sa kanya.
Tango lang ang itinugon niya.
Naunang umilalim si Jake. Ilang saglit pa niyang ipinilig ang ulo bago sumunod dito. Sa ilalim ay nalaman niyang naghihintay sa kanya si Jake. Hinawakan siya nito sa kamay at magkasabay nilang tinungo ang mga coral reefs.
Ipinagpasalamat niyang mabilis na nakuhanan ni Jake ng video at litrato ang mga coral reefs doon. Bago pa siya tuluyang manghina dala ng labis na antok ay umahon na sila.
Muli ay tinanggihan niya ang alok na tanghalian ni Jake. Isang basong gatas ang ipina-room service niya at saka siya natulog. Nang magising siya ay hapon na.
Magaan na ang pakiramdam niya. Kahit ilang oras lang ang naging tulog niya ay malaking bagay na rin iyon para sumigla siya. Sa isip niya ay pinaplano na niya ang mga gagawin. Natatandaan niyang last dive na nila ang pinuntahan kanina at maaari na niyang lubusin ang paglalakwatsa.
Isang two-piece swimsuit ang isinuot niya bago isinuot ang ternong batik walking shorts. Nagbitbit siya ng isang maliit na tuwalya para kung gutumin siya ay deretso na siya sa restaurant at hindi na magbihis pa.
Isang note ang nakita niyang nakapatong sa mesita. Walang pinag-iba sa note nito noong isang araw. Lumabas lang daw sandali at hintayin niya para sabay na silang mag-dinner.
Saglit siyang nag-isip. Kung lalabas na naman siya at hindi ito makasabay na kumain ay malamang na isipin nitong umiiwas siya. Nagdesisyon siyang magpirmi na lang doon.
Nag-text kay Rachel para kumpirmahin ang imbitasyon niyang makasama ito sa dinner. Alam niyang hindi naman mamasamain ni Jake kung ayain niya si Rachel. Baka nga nagkakilala na rin ang dalawa sa opisina ng Womanly.
Hanggang sa mainip siya ay hindi siya nakatanggap ng reply mula kay Rachel. Tinawagan na niya at naka-off ang phone. Nagtataka man ay ipinagkibit na lang niya iyon ng balikat. Workaholic din si Rachel. Malamang ay tutok na tutok ito sa trabaho kaya hindi nabibigyang-pansin ang mga pagkontak niya.
Kinuha niya ang laptop habang hinihintay ang pagbabalik ni Jake. Nabuhos ang atensyon niya sa mga detalyeng isinusulat doon. Napapitlag pa siya nang tumunog ang intercom.
"Yes?" sagot niya.
Ang receptionist sa front desk ang tumawag. May bisita daw siya. Sina Julius at Ching. Binigyan niya ng permiso ang hotel staff na ihatid sa kuwarto ang dalawa.
"Hi! Hindi ba kami nakakaabala?" masayang bati ng mga ito nang pagbuksan niya ng pinto. "Nagtatrabaho ka na yata." Napansin ni Ching ang laptop niya na naka-on pa.
"Okay lang. Pasok kayo."
"Pauwi na kami bukas ng umaga," paalam ni Julius. "First flight ng Caticlan to Manila. Kayo?"
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
RomanceMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...