"I'LL SEE you," wika ni Jake nang ipara siya ng taxi. "Take care, okay?" At kinintalan siya ng maliit na halik sa sulok ng kanyang labi.
Napatango na lamang siya. Nang umusad ang sinasakyan niya ay nilingon pa niya ito na pasakay naman sa isa pang taxi. Ayon dito ay ide-develop na ang mga pictures para kapag nakipag-usap kay Maia ay may maipapakita nang resulta ng trabaho nila.
Nahahapo naman siya sa naging biyahe kaya tumawag na lang siya kay Maia at ipinaalam ditong bukas na siya magre-report sa office.
Napakunot ang noo niya nang bumaba sa harap ng bahay nila. Nakabukas ang trunk ng kotse at tila kayrami ng hinahakot ng katulong nila mula doon.
"Perry!" gulat na sabi niya nang may lumabas na bata. Panganay na anak iyon ni Cheska. Ibig sabihin ay dumating ang mga ito. "Kailan kayo dumating?" tanong niya nang ang lumabas naman ay si Cheska. Nakangiti ito pero tila nasisinagan iyon ng pagkailang.
"Kadarating lang namin. Biglaan, eh."
"Isang pamilya kayo?"
Lumungkot ang ngiti nito. "Kaming mag-iina lang."
Naalarma siya sa isinagot nito. Nang makapasok siya ay nakita niyang sabik na karga ng mommy niya ang bunso ni Cheska.
"Hija, mapupuno na ng ingay ang bahay natin," tuwang sabi nito.
Ngumiti siya pero sa loob niya ay may nagbabangong kaba. Ibig bang sabihin ay mamamalagi na roon sina Cheska? Paano na kami ni Jake? panic niya. Ni hindi pa nga nalilinaw ang tungkol sa kanila. Paano kung sa kabila ng nangyari noon ay nananatili ang pagmamahal ni Jake kay Cheska?
Ang agam-agam sa dibdib niya ay lumala pa nang magkaharap-harap sila sa pagkain. Nalaman niyang nakikipaghiwalay si Cheska sa asawa nito kaya umuwi sa Pilipinas. Naging matamlay siya. Pilitin man nyang pasiglahin ang sarili ay may mga sandaling natitigilan siya.
DINATNAN na ni Avery ang mga pictures ng Boracay underwater sa mesa ni Maia. To her dismay, wala na roon si Jake. Nagmamadali daw ito at idinaan lang ang mga larawan at kopya ng video.
Lalo pa siyang nanamlay. Kagabi ay hindi siya halos makatulog. Isang malaking threat sa kanya ang presensya ni Cheska pero ano ba ang magagawa niya? Hindi naman niya ito maaaring itaboy para lamang maprotektahan ang damdamin niya kay Jake.
Hindi naman napansin ni Maia ang pananamlay niya. Hulog na hulog ito sa pagtingin sa mga larawan. Pawang mga paghanga ang lumalabas sa bibig nito.
"Everything's great!" anito nang harapin siya. "Avery, tama ngang tinanggap ko ang alok ni Jake. Okay siyang magtrabaho. Excellent!"
Kumunot ang noo niya. Tama ba ang narinig niya? "Ikaw ang tumanggap ng alok kay Jake?" pagkukumpirma niya.
Isang mabilis na tango ang itinugon nito. "He offered his service. Iyon daw ang specialty niya sa Australia. Underwater photography. He dared na kung hindi ko magugustuhan ang trabaho ay wala akong babayaran sa kanya---"
"You told me na kinomisyon mo siya?"
"Partly, yes. We signed a contract at sa kanya nanggaling ang clause na iyon. Avery, look at these pictures. Wala akong itulak-kaibigan. Ipinapahanda ko na nga sa Accounting ang tseke for Jake. Bonus niya."
Hindi iyon halos pumapasok sa isip niya. "How did you meet him?"
"Si Jake? Kaklase ko noong college ang sister niya. Why do you ask?"
"Curious lang. Tiwala ka kasing magkasama kami. Maia, nakapili ka na ba diyan nang ipa-publish natin?"
"Lahat iyan gusto ko, kung puwede nga lang." Inipon na nito ang mga pictures at ipinasa sa kanya. "Ikaw na ang mamili. Mas maganda pang tiyak dahil live mong nakita ang mga iyan."
"Okay. Uuwi na muna ako. Bukas ko na isa-submit ang article ko."
NANG MAKAUWI ay kumain lang siya at nagkulong na sa kuwarto. Hinarap na niya ang pagsuslat habang nakalatag sa kama niya ang mga pictures. Umaandar din ang VHS player niya at nakasalang doon ang videograph ni Jake.
Hindi niya namalayan ang paglikwad ng mga oras. Lulong siya sa ginagawa lalo at hindi niya napipigil ang sariling maalala ang mga sandaling magkasama sila ng binata.
Nabulahaw lamang ang konsentrasyon niya nang marinig ang halakhak ni Perry. Ibig sabihin ay dumating na ang mga ito. Nang dumating siya kanina ay si Inday lamang ang tao sa bahay. Ipinasyal daw ng mommy niya ang mag-iina.
Lumabas siya ng silid sapagkat kabisado naman niya ang mommy niya na laging may pasalubong na pagkain. Nasa kusina na nga sina Anita at Cheska. Karga ni Cheska ang bunso nito habang inaayos naman ni Anita ang biniling pancit malabon. Napatda siya nang matanawan ang kalaro si Perry sa sala. Si Jake.
Kaya ba nagmamadaling umalis ng opissina si Jake ay dahil ito ang magpapasyal kina Cheska?
May kirot siyang nadama sa puso. Hindi naman niya nais na pagselosan ang pamangkin niya na tila ama ang pagturing sa binata pero iyon ang nararamdaman niya. At tumindi pa iyon nang pumunta sa sala si Cheska.
Wala namang nakakapansin sa kanya sapagkat maraming dahon ang artificial plant na kumakanlong sa kanya. Bukod doon ay kulay dahon din ang suot niya.
Nakangiting nilinga ito ni Jake. Pagkuwa ay tumayo ang binata at nakipaglaro din sa karga ni Cheska. Hindi gusto ni Avery ang nakikita. Larawan ng isang pamilya ang mga ito. Pabuntunghiningang tumalikod siya at bumalik na lamang sa kuwarto.
Pinatay na niya ang VHS player at inipon ang mga litrato. Wala na siya sa mood magsulat. Mabuti na lamang at natapos na ang isang article at sinisipag lamang siyang gumawa ng isa pa para may pagpipilian si Maia.
Nanood siya ng TV pero hindi naman ma-focus doon ang isip niya. Parang nakikini-kinita niya ang anyo nina Cheska at Jake sa sala.
Napapitlag siya nang kumatok ang mommy niya.
"Bukas iyan," walang ganang sagot niya.
"Avery, nandiyan si Jake. Kadarating pa lang pala niya from Australia. Natutuwa nga ako at kinalimutan na niya ang nangyari noon."
Blangko ang tinging isinukli niya sa ina. Hindi nito alam na si Jake ang kasama niya sa Boracay para makaiwas pa sa kung anu-anong kuwestiyon. Sanay na itong si Ramon ang kasama niya basta may trabahong pinagagawa si Maia.
"Ano ka ba? Lumabas ka naman at nakakahiya du'n sa tao. Tayo na nga ang binibisita, eh."
"Masakit ang ulo ko, Mommy."
"Avery!"
Ini-off niya ang TV at pumikit. "Ayokong makipag-usap kahit kanino. Kahit galing pa kung saan."
--- tatapusin ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
RomanceMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...