"SABI NANG ayokong makipag-usap kahit kanino..." ungol ni Avery nang maramdaman bumukas muli ang pinto.
"Kahit sa akin?" anang pamilyar na tinig.
Mabilis siyang napabiling paharap dito. "Jake."
"Kung sino iyong pinupuntahan ko, siya pang ayaw humarap sa akin," tila nagtatampong wika nito.
Itinirik niya sa kisame ang mga mata. "Nasa labas sina Ate Cheska, ah? Kumpleto pati mga anak. On the process na yata ang divorce nila ng asawa niya."
"Sabi nga niya," kulang sa interes na ayon nito.
Napatitig siya kay Jake. Gusto pa sana niyang magsalita pero tila naumid na siya. Ito man ay basta nakatitig lang din sa kanya.
"Jake..."
"Avery..." halos magkapanabay pa nilang sabi pagkuwa.
"Okay, you first," pagbibigay ni Jake.
"This tape," nangangapang sabi na lang niya at bumangon para kunin iabot dito ang VHS tape. Hindi niya magawang ungkatin ang hindi nalinawang usapan nila noong nasa Boracay pa sila. "Saka itong pictures, nagustuhan ni Maia. She wrote another check for you, nasabi na ba sa iyo?"
Napangiti ito. "Hindi iyan ang inaasahan kong marinig mula sa iyo, Avery."
"What?"
"Hindi mo ba ako tatanungin tungkol sa sasabihin ko sana sa iyo noon?"
"Naghihintay ako ng pagkukusa mo, Jake."
Tumango ito. "Avery, I really intended na huwag na munang sabihin sa iyo ang bagay na iyon. Naisip kong pagbalik na lang natin dito---"
"Nice move, Jake. At least, anuman ang sasabihin mo sana noon ay hindi mo na pangangambahan pang bawiin ngayon kung sakali. Lalo pa at dumating din si Ate Cheska. What a timing, isn't it?" nakangiwing sabi niya.
Nangingilid ang luha niya pero hindi niya gustong umiyak sa harap nito. "Aren't you thankful na sa Singapore sila nagpakasal? In several months time, malaya na uli si Ate Cheska---"
"Avery, ano bang pinagsasasabi mo?" putol ni Jake.
"Don't you get it?" Napapiyok na siya. "I'm hurting, Jake. At mas nasasaktan ako ngayon dahil mas mahal kita ngayon kaysa noon. Pero ano bang magagawa ko? Kahit naman kailan ay si Ate Cheska ang laman ng puso mo. You know what? I was fool to believe na puwede mo pa akong mahalin sa kabila ng mga nangyari. But now, I realized, you just want to punish me because of those."
"Shut up!" pigil ang pagtatas ng tonong saway sa kanya ni Jake. "Avery, listen. Listen very well. Kung anuman ang nangyari noon, kinalimutan ko na. Napatawad ko na si Cheska. And I don't care kung makikipag-divorce man siya sa asawa niya. You know why I'm here? Narito ako para ngayon ko ipagtapat sa iyo ang sasabihin ko sa iyo noon."
Huminto ito at may dinukot sa bulsa. "Here. I decided na may dala na akong ganito bago sabihin sa iyo ang damdamin ko." Isinuot nito sa daliri niya ang isang tiffany ring. "Pinigil ko ang sarili kong aminin sa iyong mahal kita noong nasa Boracay tayo. Hindi ko gustong isipin mong pakunswelo lang sa iyo ang mga salitang iyon dahil ipinagkaloob mo ang sarili mo sa akin.
"But, sweetheart, I almost tell you how much I love you. Hhindi mo lang alam kung gaano ako kaligaya sa mga huling araw natin doon. I was sulking dahil nakikita kong mas nag-e-enjoy ka pang kasama ang mga bago mong kakilala---"
"Pero wala ka namang kibo noon. Naasiwa akong kausapin ka," katwiran niya.
"Dahil nag-iisip ako. Iniisip ko kung paano ipakikita ang pagmamahal ko sa iyo na hindi mo iisiping apektado pa ako ng nakaraan. Avery, six years ago, nadiskubre ko nang higit kang matimbang sa akin kaysa kay Cheska. Pero nasaktan ako nang sabihin niyang ikaw ang may pakana ng pustahan ninyo. I was angry. Pumayag akong magpakasal kay Cheska tutal ay may puwang pa rin naman siya sa puso ko. At alam na natin kung ano na ang sumunod na nangyari."
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
RomanceMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...