There is no such thing as happy ending.
Iyan ang paniniwala ko mula nang iwan kami ng aking ama noong siyam na taong gulang pa lamang ako. Mula noon ay tumanim sa isip ko na hindi lahat ng umiibig ay masaya. Mas maraming pagkakataon na masasaktan ka, luluha, at malulunod sa kalungkutan.
Nasaksihan ko ang lahat ng iyon mula sa aking ina. Hinding-hindi ko malilimot ang mga sandaling inilaan niya sa upuang iyon sa tabi ng pinto sa beranda ng aming bahay.
Walang mintis ang tatlumpung minuto na inilalaan niya sa pag-upo roon tuwing umaga pagkagising at sa gabi bago siya pumasok sa kaniyang kuwarto para matulog.
Habang nakaupo sa kahoy na upuang iyon ay tila ba napakalayo ng kanyang tingin at matiyagang naghihintay. Nagsimula iyon mula nang maghiwalay sila ng aking ama.
Binalewala ko iyon noong una dahil na rin sa aking batang isipan. Ngunit habang nagkakaedad ako ay hindi nagbago ang gawain niyang iyon. Hindi nawala ang lungkot sa mga mata niya na lagi kong nakikita sa tuwing tititigan ang mga iyon.
Minsan nagkaroon ako ng lakas ng loob na magtanong sa kanya kung ano ang ginagawa niya roon. Ang tanging naitugon niya sa akin ay isang malungkot na ngiti. Hindi man niya ibulalas pero alam kong naghihintay siya sa pagbabalik ng aking ama kahit alam niyang wala iyong katiyakan.
Makalipas ang tatlumpung minuto na pag-upo roon ay magtutungo na siya sa kusina upang magkape at maghanda ng agahan para sa aming magkapatid. Kapag nasigurado niyang nakapasok kami nang maayos sa paaralan ay saka siya tutungo sa maliit niya tindahan sa bayan. Sa ganoong trabaho niya kami itinaguyod na magkapatid sa nakalipas na mga taon.
Pagsapit ng gabi, sa oras na sa tingin niya ay natutulog na kami ng kapatid ko ay muli siyang uupo roon sa loob muli ng tatlumpung minuto. Puno ng kapanglawan ang masasalamin sa mga mata niya, walang ngiti sa labi ngunit wala nang pagluha. Kitang-kita ko ang pangungulila niya sa tuwing palihim ko siyang sisilipin sa puwestong hindi niya ako mapapansin.
Matapos iyon ay tatayo na siya at papasok sa kanyang kuwarto pagka-lock ng pinto.
Lumipas ang maraming mga taon. Pareho na kaming nakatapos sa pag-aaral ng kapatid ko, napalago ang dati'y maliit niyang negosyo at napaganda na rin ang aming bahay. Marami nang nagbago sa buhay namin pero ang nararamdaman ng aking ina, ang kanyang gawain ay hinding-hindi nabura.
Sa pagsapit ng kanyang ika-limampung taong kaarawan ay na-diagnose siya sa sakit na Alzheimer's disease, late stage.
Akala ko ay tuluyan na niyang malilimot ang nakaraan dahil sa sakit na iyon. Ngunit doon ko napatunayang hinding-hindi makalilimot ang puso niya.
"Ma, bakit pala hindi na lang natin tanggalin ang upuan na iyon sa beranda?" tanong ng aking anak na ngayon ay isa nang interior designer. Papasok kami sa loob ng bahay na namana ko sa aking ina. Huminto siya nang mapansin ang upuan sa beranda. "Hindi po talaga siya nababagay sa bagong design nitong bahay," dugtong niya habang nakakunot ang noo na tila ba may hindi siya naiintindihan sa mga pangyayari.
Saglit akong natigilan bago ginagap ang kanyang kamay. Tinitigan ko ang magkahugpong naming palad. Malaki na nga ang anak ko at alam kong mauunawaan na niya ang halaga ng upuang iyon.
Nag-angat ako ng aking tingin at diretso ko siyang tinitigan sa kanyang mga mata bago ikinuwento sa kanya ang nakaraan.
Maya-maya'y nagsunod-sunod ang pagdausdos ng kanyang luha sa pisngi.
"Ma...nagkita ba ulit sina lolo at lola?"
Malungkot na ngiti lang ang naging tugon ko sa kanya bago marahang humakbang papasok sa loob ng bahay.
Sa parehong oras, araw-araw, naroon pa rin siya nakaupo; nakatanaw. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay; sa kanyang huling hininga, sa upuang iyon, naghintay siya at umasa na muling babalik ang tanging lalaki na kanyang inibig.
Wakas