Nagising ako sa sikat ng araw na nagmumula sa bintana ng aming munting tahanan at sa huni ng mga ibon na malayang lumilipad. Ilang minuto ang ginugol ko sa pagtitig sa kisame ng aking silid bago kumilos at magtungo papunta sa eskuwelahan.
Malapit lamang ang kampus saamin kung kaya't nilalakad ko lamang ito, habang papalapit sa paaralan unti-unti ng nagiging normal ang buhay ng mga mag-aaral, hindi tulad kahapon na halos lahat ay mukhang-bibig ang nangyari sa kamag-aral namin. Normal lamang ang araw para sa lahat ngunit aaminin kong hindi iyon ang nararamdaman ko ngayon. Hindi na nawala sa isip ko ang proyekto na kinabibilangan ko, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngunit sigurado ako na may pagkalito sa aking isipan. Ang totoo niyan ay hindi ko batid kung magagawa ko ba ang proyekto na iyon sa loob ng isang taon dahil hindi ko alam kung paano ito sisimulan at paano makakatulong sa iba.
"Hirayaaa!" Natauhan naman agad ako nang biglang may tumawag sa aking ngalan mula sa likuran na nilingon ko rin naman, mayroon akong nakitang babae na tumatakbo papalapit saakin ngunit hindi ko matandaan ang kaniyang mukha. "Kumusta? Ako nga pala si Sophia." Masayang pagbati at pangangamusta niya saakin nang makalapit siya. Sinubukan kong alalahanin ang mukha niya hanggang sa mapagtanto ko na kasamahan ko siya sa kaagapay project. Hindi ko naman maiwasang matuwa dahil kahit na isang beses pa lamang kaming nagkikita ay natatandaan niya na agad ako.
Binati at kinamusta ko rin siya bilang tugon, napakalambing ng kaniyang pananalita kaya naman napakasarap niyang kausapin. "Kumusta na nga pala? Mayroon ka na bang napiling tutulungan?" Tanong niyang muli, natigilan naman ako sa tanong niya at dali-daling umiling at ibinalik sa kaniya ang tanong.
Ngumiti naman siya at sinabing, "Mayroon na kong napili! Kaklase ko rin siya, matagal ko ng napapansin na tahimik yun kaya naman naisipan kong lapitan siya buti na nga lang at hindi siya naiilang na makipagusap sa tulad ko." Napangiti naman rin ako sa balitang hatid niya, pero may parte pa rin saakin na nalulungkot dahil wala pa akong nasisimulan at hindi ko alam kung paano ito sisimulan. Binati ko siya sa balitang iyon at nagpatuloy kaming nagkwentuhan habang naglalakad.
Sa kalagitnaan ng paglalakad, naisipan kong humiwalay na sa kaniya kahit pareho lamang kami ng direksyon na tatahakin at gusali na pupuntahan. Napakalambing na tao ni Sophia ngunit hindi ko maiwasang mailang dahil hindi ko gustong maitanong saakin nang paulit-ulit ang patungkol sa proyektong iyon at hindi rin naman ako sanay na nakikisalamuha at nakikipag-usap sa iba dahil nasanay na ako na mag-isa lang. Kahit pa mas malayo ang dinaanan ko ay hinayaan ko na lang dahil pinili ko rin naman ito.
Hindi ko nais na ipa-walang bahala ang responsibilidad ko sa proyektong iyon ngunit pakiramdam ko ay hindi ko ito matagumpay na maisasakatuparan dahil wala akong konkretong plano tulad ni Sophia.
Nakapasok na ako sa aming silid bago pa dumating ang aming unang guro, nakita ko si Anna, ang aming presidente na may kinakausap na kaklase namin. Hindi ko maiwasang mapatingin sa kaniya dahil bibihira ko lamang siyang nakikitang nakikipag-usap sa iba lalo na at isang tahimik na estudyante ang kinakausap niya. Naupo ako sa aking upuan nang hindi inaalis ang tingin ko sa kaniya. Tinitigan ko siyang mabuti, napansin ko nakangiti siya habang kausap ang tahimik namin na kaklase na si Erika, kinakausap niya ito na para bang kaibigan niya na rin. Bigla namang pumasok sa isipan ko ang kwento saakin ni Sophia patungkol sa tinutulungan niya at doon ko napagtanto ang rason kung bakit nakikipag-usap si Anna kay Erika.
Dumating na ang aming unang guro at nakita kong lumipat ng upuan si Anna at tumabi kay Erika kaya naman mas naging malinaw na saakin ang ginagawang kilos ni Anna. Bigla naman akong nakaramdam ng pagkabigo dahil sigurado ako na marami sa mga kasamahan ko ang kumikilos na at nakahanap na ng matutulungan samantalang ako ay wala pang nagagawa na kahit ano, pero kahit ganoon ang nararamdaman ko ay sinubukan ko pa rin na magpokus sa aralin namin.
YOU ARE READING
Tulong
Teen FictionSa eskuwelahan ng San Fernando, binuo ang isang grupo ng mga kabataan upang maging kaagapay ng paaralan sa paglutas ng pangunahing problema. Isa si Hiraya Manawari sa mga napiling mag-aaral na maging kasapi ng grupong ito, at sa isang taon nang pag...