Part 12

494 37 1
                                    

NAKASIMANGOT na lumabas ng silid si Jenny. Iniwan na niya ang cell phone sa night table dahil naiinip na siyang maghintay. Inaasahan niyang kung hindi man tatawag ay magte-text sa kanya si PJ. At mag-aalas nueve na ngayon. Mukhang siya lang itong nag-overreact sa pagkikita nilang muli.

Nainis siya sa sarili. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang tuwa niya nang makita ito sa lobby ng radio station. Ang totoo, siya man ay nagtataka sa ikinilos niya. Hindi naman niya ugaling makipagyakapan sa mga kaibigang matagal nang di nakikita. Pero kanina, bago pa niya naguwardiyahan ang kilos ay nakayakap na siya agad sa binata.

No wonder ganoon na lang din ang reaksyon ni Larry. Alam niyang nagseselos ang lalaki. Mabuti na lang din at marunong siyang dumepensa.

"Ate, gising ka pa?" pansin sa kanya ng katulong niyang nanonood ng TV sa sala.

Nakabili na uli siya ng TV, iyon nga lang surplus. Puwede na iyon kaysa sa wala. "Inaalinsangan ako, eh," dahilan niya at nakipanood na rin ng TV.

"Pa-aircon mo na ang kuwarto mo, 'Te."

"Saka na lang."

Bumungisngis si Millet. "Ay, oo nga. Pag kasal na kayo ni Kuya Larry, siya na lang ang pabilhin mo ng aircon. Mayaman naman iyon. Di ba, iyong bagong appliance center diyan sa Bonifacio Street, sa kanila din? Baka regaluhan ka na lang ng aircon."

"Luka-luka!" wika lang niya dito.

Kung siya lang ang masusunod ay hindi niya gustong mayroon pang katulong sa bahay. Kaya naman niyang asikasuhin ang sarili niya. Pero kasali iyon sa deal nila ng ate niya. Papayagan lang siya nitong pumirmi sa Tuguegarao kung mayroon siyang makakasama doon.

At naisip niya, tama lang din na may kasama nga siya. Mula nang manakawan siya, parang hindi na rin siya masyadong panatag kung mag-isa lang siyang titira sa bahay na iyon. Malayo din naman niyang pinsan si Millet.

Itinuon niya ang atensyon sa palabas sa TV. Kahit na binanggit ni Millet si Larry ay ayaw niyang isipin ang fiancé. Magkagalit pa rin sila nito. Nang ihatid siya kanina ay ni hindi nagtangkang bumaba ng sasakyan kahit na inaya din naman niya. Nakikipagmatigasan si Larry. Puwes, makikipagmatigasan din siya.

"Ate, parang tumutunog iyong cell phone mo," wika nito sa kanya mayamaya.

Tumalas ang pandinig niya. At nang makilala ang ring tone niya, mabilis siyang bumalik sa kuwarto. Si Larry ang caller.

"O, bakit?" mataray na sagot niya dito.

"Sorry," buong kababaang loob namang wika nito. "Pupunta ako riyan, Jen. Mag-usap tayo."

"Gabi na," kunwa ay di-interesadong wika niya. Ang totoo, kapag ganoon ang tinig ni Larry ay madali din siyang magpahinuhod. Halos alam na niya ang kasunod kapag ganoong may tampuhan sila at magpapatawaran. Ang halos langgamin na paglalambingan nila.

"Please? Let's talk, Jen. Ayusin natin ito. I know I'm wrong. Pag-usapan natin, okay?"

She sighed. "Sige."

It turned out na nasa tapat na mismo ng bahay niya si Larry. Hindi pa niya napipindot ang end button ng cell phone niya ay tumatawag na sa kanya si Millet. Si Larry daw ang nag-doorbell.

"Papapasukin ko ba, Ate?" tanong nito.

"Oo." At ibinalik niya sa patungan ang cell phone bago lumabas.

Eksaktong pagpinid niya ng pinto ng silid niya ay muli na naman iyong nag-ring. Pero tila hindi niya narinig dahil nagmamadali na siyang bumaba upang harapin si Larry.


DISMAYADONG-DISMAYADO si Jaypee nang hindi sagutin ni Jenny ang tawag niya. Ilang beses pa niyang inulit ang pag-dial sa number nito subalit wala talagang sumasagot. Ipinagpalagay niyang maaga kung matulog ang dalaga kaya naka-silent mode na ang cell phone nito.

Hindi niya nagawang tawagan ito nang mas maaga. Nauwi sa inuman ang pagbisita sa kanya ng mga taga-Vitarich. Ito naman ang may painom at pulutan lang ang sagot niya. Siyempre, litsong-manok ang ipinaluto niya.

Biglang nagkaroon ng party sa farm dahil doon. Kasali sa inuman ang mga tauhan niya na hindi kukulangin sa sampu. Dahil sa kantiyaw, napa-arkila siya ng videoke ng di-oras. Pinagbuti naman niya ang pagiging host. Pero dahil hindi wala naman talagang appeal sa kanya ang alcohol, dinadaan na lang niya sa pagkanta at pamumulutan ang pag-estima sa mga ito. Nang nakita niyang medyo bumubuway na ang taga-Vitarich, siya na rin ang tumapos sa party'ng iyon.

Nagtuloy na siya sa farmhouse na mismong bahay na rin niya. Pakiramdam niya, kumpletong-kumpleto pa siya pati sa privacy sa gagawing pagtawag kay Jenny. Iyon pala, mapupurnada lang ang plano niya dahil nakailang tawag na siya ay hindi pa rin ito sumasagot.

Sumuko na rin siya. Ipinangako niya sa sariling bukas, first thing in the morning ay ang pagtawag dito ang unang-una niyang gagawin.

"Boss! Boss!" tawag sa kanya ni Badong.

Lumabas siya. "Bakit?"

"Iyong mga sisiw na dalawang linggo pa lang, puro may sipon! Ngayon lang napansin ni Gorio nu'ng i-adjust niya iyong ilaw doon."

"Ano? Bakit ngayon lang napansin? Kanina bago mag-inuman, sabi ninyo aregladong lahat kaya pinayagan ko rin kayong mag-hapi-hapi."

Napayuko si Badong. "Sabi din sa akin ni Gorio, walang problema du'n sa area niya, eh. Kaya inabutan ko na rin ng bote kanina. Pasensya na, Boss."

"Isang libong sisiw iyon, Badong. Sa palagay mo, puwede iyong pasensya? Di ba, ang bilin ko sa iyo kanina, bago payagang mag-inuman ang mga tao, i-double check mo ang trabaho nila?"

Lalo nang nagmukhang pinitpit na luya si Badong.

"Bumalik ka doon. Pagtulung-tulungan ninyong ibukod iyong mga malalakas pa."

Mabilis na sumunod si Badong samantalang siya naman ay lalo nang nadismaya. Isa iyon sa risk ng negosyo niya. Noong una ay iniinda niya pero ngayon sa halip na mataranta ay ginagawa na rin niya ang dapat gawin. Ipinamulsa niya ang cell phone niya at nagpasyang tingnan ang mga sisiw niya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon