NAPATANGA si Jenny kay PJ. Hindi niya alam kung biro lang ang sinabi nito. Lately, bigla ay nagugulat na lang siya sa naririnig sa binata. Hindi na niya tiyak kung kailan ito nagbibiro lang o sinasadyang may double meaning ang mga salitang binibitawan nito.
"K-k-kidnap?" she gasped.
"K-k-kidnap." He mimicked her. Tinitigan siya nito. His eyes almost pierced into her very soul. At pakiramdam ni Jenny ay umaakyat na ang puso niya sa kanyang lalamunan. Then his lips moved. At napakurap na lang siya nang lumuwang ang pagkakangiti nito. "Natakot ka, 'no?" ngisi nito.
Nanlaki ang mga mata niya. Sandaling lumarawan sa mukha niya ang pagkapikon pero mabilis din siyang naka-isip ng depensa. Then she smiled sweetly. Too sweet, puwede na siguro siyang magtinda ng asukal.
"Aba! Ang ale, mukhang tuwang-tuwang ma-kidnap!" aliw na wika ni PJ.
Hindi nabura ang ngiti sa mga labi niya. "What if?" she said.
This is not myself. Jennifer Lopez, ano ang nangyayari sa iyo?
"Gusto mo ngang ma-kidnap?" mangha namang sabi ni PJ, tila nawala ang konsentrasyon nito sa manibela at nabuhos ang buong atensyon sa kanya.
"Ikaw ba ang kidnapper?" she asked.
"Kung ako?"
"Sige!" Jenny, ano ka ba?
"Jesus!" mariing wika ni PJ at ibinaling ang tingin sa kalsada. "Jenny, puwede ko ring totohanin ang biro ko," pormal na sabi nito.
"Biro lang pala iyon?" wika niya habang idinidikta sa sarili na maging kalmado.
Hindi niya gustong magpasindak. Kahit na kinakabahan na siya sa takbo ng pag-uusap nila at hindi rin niya alam kung saan ba sila pupunta, she wanted to keep her cool. Mas gusto niyang ituring na biro lang ang lahat.
Dahil ang totoo, bagaman hindi niya maintindihan ang sarili, kung seryoso man si PJ sa plano nito ay hindi naman siya talaga natatakot. Ang kaba niya ay excitement ang dahilan. At hindi niya ma-imagine na ang isang kidnap victim ay magagawang ma-excite kapag kini-kidnap!
"Ano iyan, reverse psychology?" sulyap sa kanya ng binata. At bago pa siya makasagot ay mabilis na nitong inabot ang kanyang kamay partikular ang bahagi ng palapulsuhan niya. "Ang bilis ng pintig. Ninerbyos ka rin!"
Tinabig niya ito at binawi ang kamay. "Luko-luko!" she made a relieved sigh at lumapat ng sandal sa upuan. "Bakit ba sumama-sama pa ako sa iyo? Praning ka naman."
"Hindi, ah! Masayahin lang akong tao. Matino ito, miss. Pero kung gusto mo, puwede ring itapon ko na lang sa bintana ang pagpapakatino at magpapakagago ako para sa iyo."
She giggled. "Lasing ka ba, PJ? Bakit parang ang hirap mong intindihin?"
Sinulyapan uli siya nito. "Gumaganda ka, Jen. Ang hirap panghawakan ang katinuan kapag masyadong maganda ang katabi ko."
"Sobra ka naman! Huwag kang masyadong mambola, okay? Hindi naman ako maniniwala. Sayang lang ang laway mo."
"Totoo, your beauty makes me insane."
"He-he-he! Kilitiin mo na lang ako para matawa ako."
Katatapos pa lang niyang sabihin iyon nang bigla na lang siyang sundutin nito sa tagiliran. Napaigtad siya. At dahil sa nakitang reaksyon niya, umakyat pa ang kamay ni PJ hanggang sa kilikili niya.
"Stop it! Stop it!" tili niya.
Tumigil naman nga si PJ. "O, di natawa ka rin. Gusto mo pang pahirapan ang sarili mo kaysa makitawa na lang sa akin."
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love You
Romance"You've just made a record, Jenny. Ikaw ang taong kauna-unahang tumawag sa akin ng PJ. Thank you. Kapag close na tayo, saka mo malalaman kung bakit mas gusto ko ng PJ." ***** Jaypee Juan wanted to take a break. Though, his heart was already mended n...