Part 23

543 46 3
                                    

"ATE JENNY!" katok sa kanya ni Millet. "Ate Jenny, gising na. May bisita ka sa ibaba."

Mabigat man ang pakiramdam ay napilitan siyang bumangon. Puyat na puyat siya ng nagdaang gabi. Matapos niyang ipagtabuyan si Larry, lumabas siya upang umarkila ng video. Apat na hard action movie ang sunud-sunod na pinanood niya. Hindi siya nagbigay ng kahit na katiting na pagkakataon upang mag-isip. Pinatay din niya ang cell phone niya at nagpakapuyat sa panonood. At napagtagumpayan naman niya na hanggang sa antukin siya ay hindi siya nag-iisip ng kahit ano.

Pero ngayong nagising na siya, at inianunsyo pa ni Millet na mayroon siyang bisita, natanto niyang hindi rin niya matatakasan ang nais niyang takasan. Kungsabagay, inaasahan na rin naman niya na hindi susuko si Larry at susuyuin din siya nito.

"Anong oras ka dumating?" wika niya kay Millet nang pagbuksan ito ng pinto.

"Ngayon lang. Mukha ngang inip na inip na sa labas iyong mama ni Larry. Nahihiya nga lang daw katukin ka kaya nagtiyaga na lang na maghintay. Buti na lang dumating ako agad."

Lumipad ang kahuli-hulihang himaymay ng antok niya. "Wait. Mama ni Larry? Siya ang bisita ko?"

"Oo. Pinapasok ko na. Inalok ko namang mag-merienda pero tapos na raw. Sa likod na ako, ha? Lalabhan ko iyong mga marumi natin."

Tumango siya at mabilis na inayos ang sarili. At saka niya hinarap ang bisita. "M-mama, napasugod po kayo," kaswal na bati niya.

"Hija, ako na ang nagdala nito. Kagabi pa ito dinala sa bahay. Inuutusan ko si Larry na dalhin ito sa iyo, ayaw namang sumunod. Mukhang may problema kayo. May sugat pa si Larry."

Tinanggap niya ang inabot nito. Wedding invitations iyon. Nang hawakan niya iyon, sa halip na excitement ang naramdaman niya ay nalungkot pa siya. Kahit na ubod ng ganda ang disenyo niyon, ni wala siyang paghangang naramdaman sa dibdib niya.

"Jenny, hindi naman sa pakikialam pero sa tingin ko sa iyo ngayon, mukha ngang may problema kayo ng anak ko. Ayusin ninyo iyan, hija. Kalahati ng imbitasyon ay naipamigay ko na. At alam ninyo rin naman na kahit wala pang imbitasyon ay kalat na dito sa atin ang tungkol sa inyong kasal."

She sighed. "Ano ho ba ang sabi sa inyo ni Larry?"

Mas malalim ang buntunghiningang ginawa nito. "Wala. Hindi ko nga makausap nang matino kaya napilitan na akong pumunta dito. Baka-sakali ay ikaw ang makapagpagaan sa dibdib ko. Jenny, ina-alta-presyon ako sa labis na pag-aalala."

"Nagpatingin na ho ba kayo sa doktor?" concerned na wika niya.

Mabilis itong tumango. "Hija, hindi ko maintindihan. Baka mamaya, bigla na lang hindi matuloy ang kasal ninyo."

Kumunot ang noo niya. "Ho? Sinabi ho sa inyo iyan ni Larry?"

"No. I told you, hindi ko nga siya makausap. I was just thinking the worst. And please assure me na hindi mangyayari ang ikinatatakot ko. Baka ikamatay ko ito, Jenny. Hindi ko kaya ang ganitong klase ng kahihiyan."

Hindi siya nakakibo. Palibhasa ay tinakasan nga niya nang nagdaang gabi ang pag-iisip, hindi niya rin tuloy maisip ngayon kung ano ang sasabihin sa kaharap. Parang naninibago tuloy siya sa ideya na tinuran sa kanya.

Hindi matutuloy ang kasal nila ni Larry? Totoong ikinagulat niyang marinig iyon buhat sa bibig ng iba. Pero ang higit na ikinagugulat niya ngayon ay ang natuklasan sa sarili na tila balewala iyon sa kanya. Hindi ba dapat lang na eksaherado ang maging reaksyon niya? Ang magalit halimbawa. kasal niya iyon. Natural na ituring niyang masamang biro kung marinig niya ang isang pagkontra doon.

"Mag-usap kayo ng anak ko. Kung anuman ang pagtatampuhan ninyo, ayusin niyon. Araw na lang ang hinihintay, Jenny. Naka-prepara na ang lahat. Ang pamamahagi ng imbitasyong iyan ay pormalidad na lamang. Kahit ang mga inimbitahan ko ay excited na sa okasyong iyon."

Napatango na lang siya. "Kahit naman ho sina Ate Jamie, nagsabi na two days before ay darating na sila."

"Tama na muna ang tampuhan, hija. Ang dapat sa inyo ni Larry, maging malambing sa isa't isa. You should be radiant on your big day. That's your occasion." Tumayo na ito. "Aalis na ako. Maski paano ay nakahinga na ako nang maluwag ngayong nakausap kita."


"DARLING, I'm sorry," mukha namang maamong tupa na sabi sa kanya ni Larry. Minuto lang ang pagitan buhat nang makaalis ang ina nito ay ang lalaki naman ang kanyang naging bisita.

"Sa susunod, mag-iisip ka muna ng salitang bibigkasin mo bago mo ibuka ang bibig mo," seryosong wika niya.

Tumango ito. "Pasensya ka na. Alam mo rin naman siguro kung bakit ako nagkaganoon. Nagseselos ako. Natuturete ang utak ko nu'ng hindi kita ma-contact kahapon tapos nabalitaan ko na nga ibang lalaki ang kasama mo. Gusto ko nang mamatay sa selos. Kung hindi lang sinabi sa akin ng kaibigan ko na umalis na kayo sa Calvary, malamang na sumugod na ako doon."

"O, sige, pinapatawad na kita," wika naman niya na mas lamang sa tono na napipilitan lang. Hindi rin naman siya titigilan ni Larry hangga't hindi niya ito pinapatawad. At isa pa, concerned din naman siyang talaga sa mama nito. Baka nga mamaya ay umandar na naman ang alta-presyon niyon ay kargo de konsensya pa niya.

"Thanks, darling." Nangahas na itong halikan siya sa pisngi.

"May kondisyon, Larry," wika niya agad.

"Shoot!"

"Padadalhan ko ng imbitasyon si PJ."

Biglang sumama ang mukha nito. "Ang lalaki na namang iyon?"

Hinaplos niya ang mukha nito. "Wala ka sa lugar magselos, Larry. Ikaw ang pakakasalan ko kaya bakit magseselos ka pa roon? Kaibigan ang turing ko sa kanya."

"Pero hindi kaibigan 'lang' ang turing niya sa iyo. Iba ang kutob ko sa taong iyon. Mark my word."

"Larry, paranoid ka lang," nailing na sabi niya.

"Jen, lalaki ako. Alam kong basahin ang kilos ng kapwa ko."

"Let's change the topic," pakli niya. Hindi niya gustong matimo sa isip niya ang obserbasyon nito tungkol kay PJ. Iniwasan na niyang mag-isip ng kung anu-ano. Hindi niya kailangang maguluhan na naman.

"All right," pabuntunghiningang sabi nito at hinawakan ang kamay niya. "I'm very sorry, darling. Gusto kong bumawi. How about lunch at Kainang Pilipino?"

Napangiti siya. "Sige ba. Wait here. Mag-aayos lang ako." Tumayo na siya at iniwan ito sa sala.

Binilisan niyang maligo at magbihis. Kahit na sanay naman si Larry na maghintay sa kanya ay ayaw niyang mag-aksaya ng oras. Magaan naman sa pakiramdam niya na sumama kay Larry. Ewan ba niya kung bakit kapag natapos silang magkagalit ni Larry at humingi ito ng tawad sa kanya ay parang nagkaka-amnesia na siya sa lahat ng kasalanan nito. Nakalimutan na rin niyang masyado siyang nainsulto nito nang nakaraang gabi.

She was wearing a cotton top at pink skirt nang humarap sa salamin. Lip gloss lang ang ipinahid niya sa mga labi matapos mag-pulbos. Nang inaayos na niya ang bag niya na wallet, tissue at cell phone lang ang laman, naalala niyang tawagan si PJ.

Nang i-on niya ang cell phone, napailing na lang siya nang parang tunog ng armalite na sunud-sunod na pumasok ang mga text messages doon. Kung kani-kanino galing ang mga mensahe. Mabilis niyang binasa ang mga iyon at saka ginawa ang talagang balak niya.

Tinawagan niya si PJ.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals


Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon