Part 37

731 50 5
                                    

NAGDESISYON siyang tapusin na ang pananatili niya sa lugar na iyon. Kinausap niya si PJ tungkol doon.

"Jen, kung kaya mo gustong umalis na ay dahil sa ipinagtapat ko sa iyo--"

"N-no. naisip ko lang, ilang araw na rin ako dito. Kailangan ko nang harapin ang mga dapat kong harapin."

"Baka guluhin ka ni Larry. No, hindi lang baka. SIgurado iyon."

"Hindi ko papayagang mangyari iyon. Luluwas ako. Doon na muna ako kay Ate Jamie. Ang... ang plano ko nga, diretso na ako sa Maynila mula dito."

"Ihahatid kita."

"H-huwag na. Masyado na kitang naaabala."

Dumilim ang mukha nito. "Alam mong hindi ko itinuturing na abala ang mga bagay na ginagawa ko sa iyo. Kung gusto mo nang umalis, so be it. Pero ihahatid kita." Bakas sa tono nito na hindi na niya dapat pang salungatin iyon.

Isang marahang tango na lang ang ginawa niya. "Maraming salamat sa lahat ng pag-alala mo sa akin, PJ. Hindi ko alam kung paano ko malalamapasan ang mga araw na ito kung wala ka sa tabi ko."

Isang makahulugang tingin ang ibinigay nito sa kanya bago ito nagsalita. "Kung desidido ka na talagang lumuwas, magpahinga ka na. Mahaba din ang magiging biyahe natin bukas."

And just like that, kinabukasan ay nakatuntong na siya sa Maynila. It felt awkward to say goodbye to him. Sandaling naghinang ang tingin nila bago ito walang kibo na umalis na rin.



"BAKIT GANYAN ang itsura mo? Baka mahawa sa iyo ang inaanak mo, lumaking nakasimangot," biro sa kanya ni Ella. Ipinasa nito sa kanya ang anak na wala pang isang buwan. Araw ng binyag ng bata at maliban sa mga malalapit na kaibigan ay wala nang iba pang bisita. "May problema ka, 'no?"

"Wala," tanggi niya. "Nasaan si EJ?" hanap niya sa panganay nito.

"Nandoon sa lola niya. Nakasiksik doon. Medyo nai-insecure pa dahil sa pagdating ng bagong kapatid. Ano, ipaliwanag mo sa akin kung bakit mukha kang pinagsakluban ng langit at lupa. Nalugi ka ba sa negosyo? Akala ko ba, smooth sailing ang poultry mo?"

"Oo naman. Malapit na akong yumaman." Ginawa niyang ngumiti pero siya mismo ay alam niyang maskara lang iyon sa tunay na nararamdaman niya.

"Mas mayaman pa rin sa iyo ang asawa ko," tudyo ni Ella. "Magpaturo ka sa kanya ng strategies. Mas mapapadali ang pagyaman mo. Akina nga iyang anak ko. Hindi ka naman marunong kumarga."

"Paano ako matututo, saan ako magpa-practice?"

"Mag-asawa ka na kasi. Tamang-tama, puwede nang ring bearer ang panganay ko. Isama mo sa entourage, ha? Kung hindi mapupurnada ang pagiging stage mother ko."

Napailing na lang siya. Larawan ng kuntentong babae si Ella. Minsan, iniisip niya, ganito rin kaya ang itsura ni Ella kung nagkataon na sila ang nagkatuluyan? Pero paano kung nagkataon na nagkatuluyan nga sila ni Ella saka niya nakilala si Jenny?

Napailing siya uli. Hindi nga sila para sa isa't isa ni Ella. Dahil ang pag-ibig na nararamdaman niya ngayon para kay Jenny, napakalaki ng diprensya sa pag-ibig na naramdaman niya noon para kay Ella.

He missed her. Ilang buwan na siyang naghihintay kay Jenny. Halos magmakaawa siya rito na dalawin niya subalit ayaw nitong pumayag. Nagtitiis siyang tanging sa telepono ito nakakausap. Konsolasyon na lang niya na malapit na rin siya kay Jamie. Ito ang nag-a-assure sa kanya na wala namang ibang lalaking nauugnay sa buhay ni Jenny.

"Mag-aasawa ka na, pare?" lapit sa kanila ni Jay. "Kami na kukumbida sa sarili namin, huwag ka nang mag-abala. Di ba, sweetheart?" Hinapit nito sa bewang si Ella.

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon