Ako si Elias, dalawampu't apat na taong gulang, NGSB (No Girlfriend Since Birth), sa madaling salita wala pa akong naging kasintahan ni minsan. Masyado kasi akong mapili pagdating sa mga kababaihan, kumbaga may katangian ng babae akong hinahanap na hindi ko nakikita sa normal lang na babae at kapag may natipuhan naman ako natatanga ako o di kaya ay hindi malaman ang sasabihin sa harap ng babae. Kung minsan pa nga ay na ki-creepihan pa sila sakin, bukod sa wala na nga akong experience ay hindi ko pa alam kung paano talaga makiharap ng maayos. Balang araw maiintindihan ko din ang mga kababaihan at magiging Pokemon Master ako, este mag kaka-girlfriend din ako.
Mula pa ng bata ako, madame na akong napa-ibig, napaka galing ko kasing man-ligaw, tipong lahat ng babae sa Harvest Moon naka Red Heart, akala ko parehas lang ang 2D girls sa real girls na mai-in love sila sakin kapag binigyan ko ng gifts araw-araw, kasi ganun din sa mga tele-drama, nai-in love ang bidang babae sa mayamang bidang lalaki tulad sa palabas na Mula sa Puso. Bibihira ako magkaroon ng kaibigang lalake dahil wala akong pake sa kanila dahil mga side character lang sila, at saka lagi nila akong inaaway pag hindi ko sila pinapahiram ng mga laruan ko.
Hindi ako marunong makipag usap ng maayos dahil noong bata pa lang ako puro GameBoy na ang inaatupag ko. Sobrang sikat ako 'non sa klase dahil sa GameBoy, lagi akong napaliligiran ng aking mga kaklase sa oras na ilabas ko na ang GameBoy ko. Tahimik ako sa klase at sa t'wing may kumakausap naman sakin nahihiya na agad ako, kung anu-ano ang lumalabas sa bibig ko kaya nabansagan nila 'kong isang weirdo. Kadalasan ay nanonood na lang ako ng TV sa bahay at ang pinaka libangan ko ay ang pag-gaya sa mga paborito kong anime characters.
Kala ko tuloy tuloy lang ang ganitong buhay ko pero noong high school, nagkaroon ako ng crush, Michelle ang pangalan niya. Maganda, matalino, pakialamera (may pakialam sa mga bagay-bagay), pati nga ako pinakialaman niya rin eh hehehe kayo ha ano naisip niyo? Pinapakialaman niya ang aking pananamit at pananalita. Pagkapasok ko pa lang tuwing umaga ay pinapansin na kaagad niya ang damit ko. Tanda ko pa noon ay sinabihan niya akong mukhang farmer na kulang nalang ay Strawhat para makumpleto ang costume ko. Nakasanayan ko na kasi na mas malaki yung t-shirt na panloob ko kaysa sa polo ko. Hindi rin ako masyadong marunong sa gawaing bahay kaya pumapasok ako kahit hindi pa plantsado ang uniform ko. Kumportable naman ako kaya walang problema. Nagiging problema nga lang daw ako dahil ang sakit daw sa mata ng porma ko.
Naalala ko pa noong unang umaga na pinansin ako ni Michelle.
"Elias, ano ba naman yan?" bungad niya sa akin.
Tinignan ko siya at nagtaka. "Bakit?" tanong ko sa kanya.
"Hindi ba uso ang plantsa sa bahay niyo? Saka kulang na lang straw hat mukha ka ng magsasaka. Hubarin mo yan at pa-plantsahin ko sa Home Economics Room."
"Okay na to. Ako naman nagsusuot eh," sagot ko sa kanya.
"Ano bayan ako yun nahihiya sa ginagawa mo eh, Hubarin mo yan o ako maghuhubad sayo?"
"Eeehhhhhhhhhh." Namula ako bigla.
Kahit anong pagdadahilan ko ay makulit talaga siya. Pinilit niyang hubaran ako at kinuha ang polo ko.
"Eto na polo mo Elias, Next time plantsahin mo muna bago ka pumasok"
"Salamat," yun nalang ang nasabi ko
Mula noon ay nagkagusto na ako sa kaniya. Sa klase namin ay wala naman kasing kumakausap talaga sa akin, walang may pakialam at walang pumapansin kung wala akong bagong laruan. Madalas ako manlibre pero pag andun lang si Michelle.