PATULOY sa pagtakbo ang araw at palala na rin nang palala ang pagkaburyong na nararamdaman ko. Wala na ang nasal cannula oxygen ko pero may nakakabit pa ring dextrose sa braso ko kaya hindi ako nakakaramdam ng gutom kahit bihira lang akong kumain ng nakabubusog na pagkain. Sa gilid ng higaan ko ay may espasyo kung saan inihilig ni mama ang ulo niya para umidilip.Tinitigan ko siya. Nasa 40's pa lang siya pero masiyado ng marami at halata ang wrinkles niya. Malalim at nangingitim din ang bandang baba ng mata, na malamang ay dulot ng pagod at stress. Simula noong mawala si papa sa amin, hindi na siya nakakatulog nang maayos. Madalas ko siyang naririnig na umiiyak tuwing gabi lalo na noong nasa Manila pa kami. Kaya nga noong sabihin niya sa akin na gusto niyang lumayo at subukang kalimutan ang nangyari, kahit labag sa loob ko ay pumayag ako.
Hinawakan ko ang ulo niya. Siya na lang ang taong natitira sa akin na sobra-sobra kong pinahahalagahan. Puwede mong kunin ang lahat sa akin pero huwag siya. Kahit hindi ko maipakita dahil hindi naman ako showy na tao, mahal ko ang mama ko. Mukhang nagising siya ng ginawa kong paghagod sa buhok niya dahil nag-angat siya ng ulo at nagkusot ng mata.
"Nagising ba kita?" tanong niya.
Natawa ako. "Mukhang ako ang gumising sa iyo."
Sa kung anong dahilan, ang puting likido sa manipis at transparent na hose na nakakabit sa akin ay naging pula. Umaangat iyon paitaas, papunta sa pack kung nasaan ang mas maraming dextrorotatory glucose. Tarantang tumayo si mama at paulit-ulit na sumigaw ng, "Nurse! Doc!" habang palabas ng kuwarto.
Nanatili akong kalmado. Bukod sa naaaliw akong pagmasdan ang hitsura no'n, wala naman akong nararamdamang sakit. Pagbalik ni mama ay may kasama na siyang nurse, pero hindi si Nurse Tina. Bago ang dumating sa paningin ko. Inayos niya ang pagkakakabit ng dextrose ko at unti-unting nawala ang dugo at bumalik na sa normal ang hitsura no'n.
"Ano ang nangyari? Bakit biglang nagkaganoon?" nagpa-panic pa ring tanong ni mama.
"Nagalaw lang po," simpleng sagot ng nurse saka lumabas.
Lumapit sa akin si mama, halata pa rin ang takot sa hitsura niya. "Masakit ba?"
Umiling ako. "Hindi ko nga naramdaman."
Nag-request ako sa kaniya na gusto ko ng tinapay kaya lumabas siya para magpunta sa canteen ng hospital. Bumangon ako at pinagmasdan ang parte ng katawan ko na kayang maabot ng paningin ko. Kita pa rin ang ilang pasa ko pero hindi na ganoon kalaki. Kaya ng takpan ng foundation. Ang tanging problema ko na lang talaga ngayon ay ang mga binti ko. Masakit pa rin kapag sinusubukan ko iyong ipang-lakad. At hindi ko alam kung hanggang kailan iyon magtatagal. Nakikini-kinita ko na ang sarili kong gagamit ng saklay.
Awtomatiko akong napatingin sa pinto ng bumukas iyon at iluwa si Allennon na nakasilay na naman ang pamosong ngiti sa kaniyang labi. Hindi na ako nagtanong kung ano ang ginagawa niya rito, paulit-ulit lang naman ang sagot na naririnig ko, Binibisita kita. Tinitignan ko kung kumusta na ba ang kalagayan mo.
"Wala na iyong flower vase?" pansin niya.
"Natabig ko at nabasag. Tinapon pati ang mga bulaklak na laman no'n."
Napangiwi siya. "Dagdag iyon sa babayaran ninyo."
"Alam ko."
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...