NASA loob ako ng kagubatan, ang parehong kakahuyan kung saan ako tumatakbo sa mga panaginip ko. At tumatakbo pa rin ako ngayon. Ang mga paghangos ko at tunog ng nababaling sanga at tuyong dahon ang tanging ingay na bumabasag sa mabigat na katahimikan. Lumingon ako at nakita ang isang Berbalang na patuloy sa paghabol sa akin.Tensiyonado ang buong katawan ko, nanghihina at malapit ng bumagsak. Nang may makita akong isang maliit na butas, pumasok ako roon. Habang paloob ako nang paloob, napagtatanto ko kung ano ang pinasukan ko—isang kuweba. Padilim nang padilim, wala na akong maaninag na kahit ano. Naupo ako sa gilid at tahimik na umiyak, sinisikap ikubli ang kahit anong ingay maliban sa hindi ko mapigilang paisa-isang patak ng tubig.
Namumutil ang pawis ko sa noo ng magising ako. Lumandas ang tingin ko sa bintana pero sarado pa rin iyon. Sandali kong inipon ang hangin sa baga ko bago kinuha ang saklay sa gilid at bumaba para uminom ng tubig. Madilim pa sa labas pero inalisan na ako ng antok kaya hindi ko na nagawang matulog ulit. At sa pagkakataong ito, hindi ko mapilit ang sarili ko gaya ng kalimitan kong ginagawa.
"Bakit hindi ka pa natutulog?" Napatingin ako kay mama na mukhang kababangon lang.
"Nagising lang ako. Papasok ka sa trabaho?" lnilipat ko sa kaniya ng topic. Hindi ko gusto kung mabubuksan ang usapan tungkol sa kung bakit ako nagising ng ganito kaaga na hindi ko naman ugali.
Tumango siya. "Kailangan agahan ko ang paggayak para hindi ako mahuli." Hindi na ako sumagot ng ipagpatuloy niya ang sinasabi niya, "At tandaan mo ang napag-usapan natin, ha? Hindi ka papasok sa eskuwela ngayon."
Sa buong araw na mag-isa ako sa bahay, wala akong ibang ginawa kundi ang maupo, magbasa, magpatugtog, at lokohin ang sarili na nakakatulog. Sinubukan ko ring maghanap ng iba pang impormasiyon tungkol sa mga Berbalang pero wala na akong ibang makita na naiiba mula sa mga nabasa ko na. Napaka-limited ng impormasiyon tungkol sa kanila. Nang sumunod na araw, doon na natapos ang pagpupumilit ni mama na huwag akong papasukin.
"Paano ka nakapasok dito?" tanong ko kay Timo ng makita ko siyang nakaupo sa sala namin.
"Naabutan ko si Tita Sonia. Siya ang nagpapasok sa akin," sagot niya.
Hindi na ako nagtanong kung ano ang ginagawa niya sa bahay dahil halata naman kung ano. Gamit niya ulit ang sasakiyan ng papa niya na Isuzu D-Max. Hindi na rin ako pumalag sa ginawa niyang pagsundo sa akin para isabay sa pagpasok dahil tiyak ako na mahihirapan akong maglakad ngayong nakasaklay pa rin ako. Nakasandal ang ulo ko sa wind shield at nakatingin sa labas ng magsalita siya.
"Sa palagay ko dapat hindi ka pa rin pumasok. Dapat hinayaan mo muna na tuluyan kang gumaling bago ka magpabugbog ulit sa mga gawain."
"Mas lalo akong mabubugbog ng mga iyon kung hahayaan ko silang matambak," hindi tumitingin sa kaniya kong sabi.
Pagbaba ko ng sasakiyan sa tulong na rin ng pag-alalay niya, sinalubong ako ng tingin ng mga nakakita sa akin. Mga estudiyante, teachers, cleaners—walang pili. Napatiim-bagang akong yumuko para itago nang bahagiya ang mukha ko.
"Hindi ako sanay sa ganito. Masiyadong maraming mata ang nakatingin sa akin," paggalit na bulong ko.
"Malamang na nag-aalala sila sa iyo."
Pero hindi ako kumbinsido sa sinabi ni Timo. Sila, nag-aalala? Isa iyong malaking kalokohan. Walang pakialam ang mga tao sa iyo lalo na kung hindi ka naman malapit sa kanila.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...