KAGIGISING ko lang pero ramdam ko ang sobra-sobrang pagkapagod na para bang katatapos ko lang sumalang sa isang karera ng pagtakbo. Ang panaginip na iyon at ang presensiya ngayon ni Lothaire na nakatitig pa rin sa akin ay masiyadong nginarag ang buong sistema ko, sa puntong nauubusan na ako ng lakas.Lumayo siya sa akin tumalikod pero hindi pa rin ako makakilos. Bago tuluyang lumabas, may sinabi pa siya, "Tigilan mo na ang pagpapatunay na isa ka talagang hangal. Lumayo ka na hangga't hindi pa lumalala ang lahat."
Lumayo? Kanino? Pero dahil hindi ko gustong ipakita sa kaniya na hahayaan ko siyang manalo sa pagitan naming dalawa, nanlalambot man ay sumagot pa rin ako.
"Wala akong pakialam sa sinasabi mo. At higit sa lahat, wala kang karapatang utusan ako. Gagawin ko kung ano ang gusto ko."
Nabaling ang atensiyon ko sa side table ng mag-ring ang cell phone ko na nakapatong doon—tawag galing kay mama. Inayos ko muna ang sarili ko, sinisiguradong walang bakas ng kahit ano sa nangyari kanina at sa panaginip ko ang boses ko, bago ko iyon sinagot.
"Anak, nasaan ka?" Nahihimigan ko sa may pagmamadali niyang pagsasalita ang pag-aalala.
"Naka-check-in ako ngayon sa hotel, Ma. Nag-iwan ako ng sulat sa ilalim ng frame, hindi mo ba nabasa?"
Hindi siya nakasagot agad. "Nabasa ko naman. Tumawag pa rin ako kasi gusto kong makasiguro na ayos ka lang."
Ngumiti ako na para bang nasa harap ko lang siya. "Hindi mo na kailangang mag-alala, Ma, ayos lang ako. Uuwi na rin ako bukas."
Katahimikan ang namayani sa pagitan naming dalawa. Ang akala ko ay naputol na ang tawag pero ng tignan ko ang screen ay naka-flash pa rin doon ang pangalan at number niya.
"Patawarin mo ako, Anak. . . Patawarin din sana ako ng ama mo."
"Siguradong naiintindihan tayo ni Papa." Nang hindi siya magsalita, ipinagpatuloy ko ang sinasabi ko, "Puwede nating matanggap ang nangyari nang walang kahit na anong kinakalimutan."
Kinabukasan, hindi ko na nakita si Lothaire. Hindi na ako nag-abalang alamin kung nag-check-out na ba siya dahil wala naman akong rason para gawin iyon. Isa pa, ano ba ang pakialam ko sa kaniya? Inimis ko ang lahat ng gamit ko bago nagtungo sa Manila Cemetery kung saan nakahimlay si papa. Tahimik akong tumayo sa harap ng puntod niya at nag-alay ng dasal bago paulit-ulit na binasa sa isip ang mga letrang nakasulat sa lapida niya na matagal ko ring hindi nakita.
Rest In Peace
Leandro J. Acuesta
October 16, 1963 - June 27, 2007
Mahigit isang dekada na ang lumipas simula noong mawala siya sa amin pero napakalinaw ko pa ring natatandaan ang hitsura niya. Maliit ang mukha niya at ilong, tulad ng sa akin. May bigote siya na parang higad, na kumikiliti sa pisngi ko sa tuwing hinahalikan niya ako at nilalambing. At ang pagkakaroon ko ng kulot na buhok, sa kaniya ko rin iyon namana. Para akong girl version niya, ang kaso nga lang, ang kulay ng balat ko ay namana ko kay mama.
"Papa . . . Sorry kung ngayon lang ako nakabisita. Kung hindi ka pa nagpakita sa panaginip ko kahapon malamang wala ako rito ngayon," hindi ko na napigilan ang pagkabasag ng boses ko.
Ang mga ibong nakadapo sa manipis na sanga ay humuhuni, pilit binabasag ang malungkot na katahimikan.
"Naging masiyado kaming malupit sa iyo . . . Sinubukan naming kalimutan ang aksidente . . . At ikaw . . . Ang nangyari sa iyo . . . hindi namin kayang tanggapin."
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...