Chapter 8 - #DesTiNi

799 36 34
                                    

Hindi agad nakaalis sa kinatatayuan si Nissy. Hinihintay niyang huminto ang tricycle na sinakyan ni Ichan para lingunin siya at isigaw ang "Naniwala ka naman, joke lang 'yun, uy!" gaya ng ginawa nito sa marami nang pagkakataon. Mapang-asar naman kasi talaga ang binata lalo na kapag nasa mood. At alam na alam nitong naiinis talaga siya kapag binibigyan siya nito ng compliment saka babawiin at sasabihing biro lang iyon, o kaya ay susundan ng malutong na tawa. Nasanay na tuloy siya.

Pero hindi huminto ang tricycle na sinasakyan nito at naiwan siyang nakatanga sa kawalan pagkaalis niyon.

Ano ang ibig sabihin niyon? Crush ba talaga siya ni Ichan? Kelan pa?

Tigil-tigilan mo 'yang kaa-analyze ng sitwasyon, Nissy.

Pero paano kung ganoon nga? Ano ang dapat niyang gawin? Tatawagan niya na ba ito sa telepono para sabihing ito lang din ang exception sa lahat ng sa pagkaalam nito ay standards niya? Na ito ang totoong pamantayan niya ng guwapo?

Na iyong magagandang mata ni Ichan, iyong seksing tawa, iyong mga ngiti (yep, kasali 'yung pilyo, 'yung lopsided, 'yung aroganteng smirk, 'yung all-teeth, yung medyo pilit, at lahat ng 72 kinds ng ngiti nito)—iyon ang yardstick niya ng kaguwapuhan. Sa kaibigan niya ikinukumpara ang lahat ng crushes niya. Kung aminin niya kaya lahat iyon, ano ang mangyayari?

S'abi nang tigilan ang kaka-analyze, ano ba! sita niya uli sa sarili bago muling napangiti.

Shucks, kapag nagkataon, magiging sila na ni Ichan. Magiging boyfriend na niya ang best friend niya! Emerghed!

Sabagay puwede ring magpapakipot muna siya nang konti. Bah, ang tagal kaya siyang pinaghintay ng torpeng hinayupak na iyon at marami-rami rin ang iniiyak niya dahil—

"Oy, Ate, balak mo bang maging midnight snack ng mga lamok kaya kanina ka pa nakatunganga diyan sa labas?" Pinutol ng nakakabuwisit na boses sa nakakabuwisit na tono ng equally nakakabuwisit niyang kapatid ang masaya na sanang tinataluytoy ng lumalandutay niyang brain cells.

Inirapan niya si BJ bago nagmamadaling pumasok sa bahay.

Nasalubong niya ang nanay niyang humahangos. "Si Ichan?" tanong nito.

"Nakaalis na po."

"Naka! Naiwan niya ito sa sofa. Ring lang nang ring kaya napansin ko." Inabot nito sa kanya ang cellphone ng kaibigan.

"Tatawagan ko na lang po mayamaya sa landline niya," sabi lang ni Nissy saka umakyat ng hagdanan.

Nagkunwari siyang kalmado pero ang totoo ay excited siya sa ideya na makakausap niya sa landline ang binata at posibleng bumalik ito para kuhanin ang phone nito.

Who knows baka maiungkat nila ang tungkol sa sinabi nito kanina at mas maipaliwanag nito ang ibig sabihin niyon.

Kung saka-sakali, baka magkaroon na siya ng unang boyfriend at matupad nga ang plano niyang mag-asawa bago siya mag-twenty seven. Tapos, magkakaanak sila ng anim—

Tinakpan niya ang bibig para pigilan ang kinikilig na tiling gustong umalpas mula sa kaibuturan niya.

Minabuti niyang silipin ang phone ng kanyang (near) future hubby at makahanap ng manenenok na picture nito mula roon.

Pero parang tuyong dahong tinangay ng malakas na hangin ang lahat ng saya ng dalaga nang makita ang nasa screen ng telepono.

6 missed calls. 14 messages.

Lahat galing sa isang contact: Emily.

Yes, si Emily iyong last girlfriend ni Ichan na pinaghihinalaan niyang dahilan ng more-frequent-than-usual Squidward episodes ng best friend niya.

#ChanSing (Published By Bookware Pink&Purple)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon