IX

2 0 0
                                    


Unang beses na dinala 'ko si Silas sa bahay para ipagyabang sa kaniya 'yung koleksyon 'ko ng pogs, ay nasaktuhan namang uwi rin ni Nanay noon galing sa palengke, dahil magluluto pa siya ng hapunan kaya bago alas-singko ay nasa bahay na.

"Nay! Nandito na si Silas!" sigaw 'ko sa pinto pa lang, dahil panigurado'y nasa kusina si mama dahil kita 'ko ang usok ng niluluto niya sa labas pa lang kanina.

Alanganin pang nilibot ni Silas ang bahay namin habang nasa hamba ng pinto. Tuloy-tuloy naman ang pasok 'ko, at binuksan ang electric fan sa salas. Sinenyasan 'ko siyang pumasok. Nakapagpalit na siya ng itim na t-shirt at puting maong shorts ago ako kitain kanina. Amoy pawis daw kasi 'yung uniporme niya kaya nagbihis na lang siya.

"Tara! Malinis dito, baliw! Dali!" ani 'ko.

Umiling siya, "Hindi naman 'yun eh... okay lang ba nandito ako? Baka magalit... Nanay mo.. hindi pa naman niya 'ko kilala..."

Nagkamot ako ng ilong, tapos lumapit sa kaniya para hatakin siya papasok. "Okay lang 'yan, mabait naman 'yun si Nanay. Bakit naman niya 'ko pagagalitan? Maglalaro lang eh."

Pinaupo 'ko siya sa upuan naming gawa sa kawayan. "Tsaka kilala 'ka noon dati pa, kasi nagpapaalam ako na malelate pag-uwi dahil nga naglalaro tayo."

Nilingon namin pareho ang direksyon ng kusina nang marinig ang paparating na yabag mula rito. Nakapusod ang kadalasang nakalugay, bagsak at maikling itim na buhok ni Nanay. May hairnet din na nakabalot dito, at ilang hairpins. Paborito 'kong tignan ang mga mata ni Nanay dahil itim na itim ito, tapos parang laging inaantok kahit 'di naman. May nunal din siya malapit sa ibaba ng kaliwang mata, at manipis na labi na malaki ang ngiti ngayon. Suot niya ang kulay puting daster na may pulang disenyo ng mga bulaklak.

Naglakbay ang tingin niya mula sa akin papunta kay Silas na tumayo kanina noong sumulpot si Nanay. Mas lalong lumaki ang ngiti niya, kaya napangisi rin ako. Oh ano, sabi 'ko sa 'yo Nay? Totoong may kaibigan akong mukhang artista 'diba!

Lumapit ako sa kaniya at nagmano, "Nay, ito 'yung lagi 'kong kausap pagtapos ng klase. Sabi sayo eh, mukhang amerikano!" Tumango si Nanay at hinagod ang buhok 'ko.

"Akala 'ko niloloko lang kami ng batang 'to nung kinekwento ka niya. Totoo nga ang sabi ni Irish na mukha kang artista. Silas, hindi ba?" Nilingon niya si Silas, at namula naman ang tainga nito sa papuri ni Nanay. Sus! Pahumble pa!

Tumango si Silas at yumuko, "Good afternoon po... kaibigan po ako ni Psalm Irish.. Ako po si Silas Theodore McKnight.. Labindalawang taong gulang po..." mahinang pagkakabigkas nya.

Kahit na tinakpan ni Nanay ang bibig upang pigilan ang tawa, ay ako naman ang humagalpak. Umangat naman ang ulo niya para pasimple akong samaan ng tingin. Nginisihan 'ko siya bago nilapitan.

"'Wag kang kabahan. Mabait 'yan si Nanay, basta pupurihin mo 'yung ulam mamaya!" Biro 'ko at inakbayan siya, tuluyan nang tumawa si Nanay at umiling.

"Kumakain 'ka ba ng adobong sitaw.. Theo?"

Paulit-ulit namang tumango si Silas,"O-Opo, kahit ano po pwede 'kong kainin,"

"Buti naman, oh siya, Irish bumili ka muna ng merienda niyo kela Tay Tani at nang may makain si Theo habang nagluluto ako." Dumukot siya sa bulsa ng daster at inabutan ako ng singkwenta.

Si Silas naman ay umiling pa at alanganing tumingin kay Nanay, "H-Hindi naman po ako nagugutom. Okay lang po.. Ma'am. Kahit 'wag na po."

Inirapan 'ko siya at pinisil ang balikat. "Pwes ako nagugutom ako, kaya 'wag kang ano diyan." bulong 'ko sa kaniya.

Umiling naman si Nanay at lumapit kay Silas. Sinamaan niya 'ko ng tingin kaya nakanguso akong kumalas kay Silas. Tinapak naman niya ang balikat nito, "Kahit Aling Rose na lang itawag mo sa 'kin, kaibigan ka ni Irish kaya ayos lang kung tawagin mo 'ko sa kung saan ka komportable... pero hindi naman iba si Irish para tawagin mo 'kong Ma'am 'diba?"

Psalm's LawWhere stories live. Discover now