Kabanata 18

35 4 3
                                    


NAG-DISCUSS si Sir Tommy pero hindi ko nagawang makinig. Masiyado akong naging abala sa pakikipagsagutan kay Lothaire at hindi ko na namalayang naubos na pala ang slides sa PowerPoint at may activity na na pinapagawa. Binasa ko ang instructions na naka-flash sa harap.

By partner ang activity at kailangan naming ilista ang lahat ng alam naming mythical creatures, hindi mahalaga kung saang bansa nag-originate. Ang may pinakamaraming maililista ay exempted sa quiz.

Iginala ko ang paningin ko para humanap ng puwede kong partner-an pero lahat ng kaklase ko ay meron na at nagsisimula ng magsulat. Tumingin ako kay Lothaire bago ulit sa iba.

"Wala ka ng ibang makikitang partner bukod sa akin," aniya. "At bakit ba kailangan mo pang humanap ng iba kung ako na wala rin ay nasa tabi mo na? Hangal kang talaga."

"Mas gugustuhin ko pang mag-isa kaysa makapareha ka," matabang kong sagot.

Hindi ko siya gustong maging ka-partner kaya nagtanong ako kay sir kung puwede bang mag-individual na lang ako pero hindi niya ako pinayagan. Malas.

"Wala ka ng ibang pamimilian."

Napairap ako. Inilapit ko sa kaniya ang papel at ballpen. "Ikaw na ang gumawa, wala kang maaasahan sa akin diyaan."

Totoo ang bagay na iyon. Napakabilang lang ng alam ko. Aswang, duwende, kapre, berbalang . . . Berbalang . . . Bumalik na naman sa isip ko ang nangyaring pag-atake sa akin. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin kayang paniwalaan nang lubusan na totoo nga sila. Ang gabing iyon ay masiyadong—Napatitig ako kay Lothaire ng maalala ko ang pigura niya noong gabing iyon.

Dumating siya noon. Inamin niya na iyon, hindi ba? Pero bakit? Para tulungan ako? Hindi, imposible iyon. Sa kaniya na rin mismo nanggaling na hindi niya gagawin iyon. At pinaniniwalaan ko iyon.

"Kailangan pa ba nating magpa-exempt sa quiz?" tanong niya. Prente siyang nakasandal at pinaiikot ang ballpen gamit ang daliri niya.

"Oo, kailangan ko iyon."

"Kung ikaw ang may kailangan, edi ikaw ang magsulat."

Nagpantig ang tenga ko dahil sa sinabi niya. Padabog kong hinablot ang panulat sa kaniya. Sinamaan ko siya ng tingin pero hindi siya apektado. Nagsimula akong magsulat. Pero dahil hindi ganoon karami ang alam ko, hindi pa umaabot ng kinse ang naililista ko ay sumuko na ako.

"Nahihirapan ka ba?" Nakasalumbaba niyang tanong.

"Obvious naman, hindi ba?" Hindi ko na siya nilingon. Baka isaksak ko pa sa kaniya itong hawak ko.

"Kung nahihirapan ka pala, bakit hindi mo hinihingi ang tulong ko?"

Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Padabog kong ibinagsak ang kamay ko sa lamesa na nakaagaw ng pansin sa lahat ng tao sa room. Nilingon nila kami pero wala akong pakialam sa kanila.

"Abnormal ka ba? Sinabihan mo ako na ako ang magsulat dahil ako ang may kailangan, hindi ba?"

"Akala ko ba hindi mo susundin ang mga sinasabi ko?"

Napatakip ako sa mukha ko dahil sa sobrang frustration. Minura ko siya nang harap-harapan, hindi iniisip kung paano niya iyon tatanggapin. Kinuha niya sa akin ang papel at ballpen, at wala pang dalawang minuto ay halos mapuno na ang yellow pad na pinagsusulatan niya. Pero imbis na matuwa, lalong nangunot ang mukha ko. Ang pangit ng sulat niya, hindi ko maintindihan. At malamang na kahit sino rito sa mga kasama namin ay hindi rin iyon mababasa.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon