KANINA pa walang tigil ang ambon. Mabuti na lang Linggo ngayon at hindi ko kailangang lumabas para pumasok. Nakapatong ang paa ko sa isang upuan habang nagbabasa at kumakain ng chichirya. Nabaling ang atensiyon ko sa pintuan ng dumating si mama bitbit ang limang plastic bag na puno ng laman."Bakit ang dami mong pinamili?" tanong ko, hindi inaalis ang tingin sa mga hawak niya.
"Inimbitahan ko kasi si Ms Lothaire na kumain dito," malawak ang ngiti niyang sagot.
Halos malaglag ang panga ko dahil sa sinabi niya. "Seryoso ka ba?"
"Ibinida ko kasi ang husay ko sa pagluluto. At para maniwala sila, siyempre kailangan nila iyong tikman."
Pabagsak kong naisandal ang ulo ko. Nawalan na ako ng ganang magbasa kaya isinara ko na ang libro at pumasok sa kuwarto ko. Binuksan ko ang stereo para magpatugtog at nakahilatang tinitigan ang kisame. Dinampot ko ang cell phone ko sa gilid ng mag-ring iyon—tawag galing kay Joy.
"Bakit?" bungad ko sa kaniya.
"Well, itatanong ko lang naman kung kumusta ka ngayon."
"Hindi ako maayos kaya tigilan mo muna ang katatanong."
"Bakit, ano ba ang nangyari?"
Natampal ko ang noo ko. "Kasasabi ko lang."
"Sige. Kung ayaw mong magkuwento ngayon, pag-uwi ko na lang. Bye, Rhealle. Mag-iingat ka palagi."
Pagkahapon, saka lang ako bumaba. Tapos na si mama sa pagluluto at may mga nakahain na sa mesa. Kumuha ako ng plato at kakain na sana pero sinaway niya ako, sinasabing dapat naming hintayin si Lothaire. Wala akong ibang nagawa kundi ang sumunod. Pinaglaruan ko ang mga kubyertos ng umalis si mama para pagbuksan ang nangangatok.
Nayayamot na ekspresiyon ko ang sumalubong kay Lothaire pagdating niya. Sinigurado kong hindi ko iaalis ang tingin sa kaniya, naghihintay na makitaan siya ng butas para mapaalis dito. Pero mukhang napapansin niya iyon dahil iniismiran niya ako sa tuwing nakakakuha siya ng pagkakataon.
Naupo siya sa tapat ko at maingat na sinalinan ng pagkain ang plato niya. Nakakatawa dahil habang ginagawa niya iyon, parang pinipigilan niya ang sarili niyang huminga. Sumubo siya ng isang kutsara ng kanin at ulam saka hinarap si mama.
"Masarap nga ang luto mo," aniya.
Ngumiwi ako. Masarap talagang magluto si mama. Sinisigurado niyang malambot ang karne at malasa ang sabaw, pero dahil kay Lothaire nanggaling ang papuri, parang ayaw ko tuloy maniwala.
Matamis ang ngiting pinakawalan ni mama. "Mabuti naman at nagustuhan mo. Puwede ka pang sumalo ulit sa amin sa susunod."
Muling sumubo si Lothaire. Hindi ko na nagalaw ang sarili kong pagkain dahil abala ako sa panonood sa kaniya. Hindi ko alam kung nasasarapan ba talaga siya o ano pero halata namang pinipilit niya lang ang sarili niya na kumain. Pero mukhang hindi iyon napapansin ni mama dahil abala siya sa pagkukuwento ng kung ana-ano.
"Akala ko ba hindi ka kumakain ng luto," saad ko ng umalis si mama para kumuha ng yelo pero sinamaan niya lang ako ng tingin.
Hindi pa nangangalahati ang bawas sa pagkaing laman ng plato niya pero mukhang hindi niya na kayang sumubo pa kahit isang kutsara na lang. Namumutla siya at namumuo ang maliliit na butil ng pawis sa noo. Nawala rin ang karaniwang kulay pula ng labi at napalitan ng pamumuti.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...