Kabanata 21

36 3 0
                                    


NAKAYUKO akong pumikit para takasan ang umiikot kong paningin. Nang subukan kong tumayo ay natabig ko ang pencil holder kaya tumapon ang laman no'n. Pero hindi na ako nag-abalang ayusin pa iyon at nahiga na lang saka pinilit ang sarili na matulog. Paggising ko, malinis na ang buong kuwarto. Wala na ang mga kalat sa study table at bagong palit na rin ang kurtina. Pati iyong libro na binabasa ko ay maayos ng nakasalansan kasama ng iba.

Mediyo nakararamdam pa rin ako ng hilo pero pinilit ko ang sarili kong bumangon. Hinanap ko ang bulaklak na bigay ni Allennon para sana maitabi pero hindi ko na nakita. Malamang na naisama ni mama sa mga naitapon niya. Nadampot ko ang cell phone ng tumunog iyon-may text na naman si Joy. Naniningkit ang mata ko iyong binasa dahil mediyo nasisilaw ako.

Pauwi na ako. May pasalubong ako sa inyo.

Nag-reply maman ako. Ingat.

Sumilip ako sa bintana. Hindi pa sumisikat ang araw kaya alam kong maaga pa kahit hindi ako tumingin sa orasan. Dapat ay maayos ako pero ng makita ko ang isang pamilyar na BMW 3 Series, hindi ko nakontrol ang pagkalukot ng mukha ko. Dali-dali akong lumabas ng kuwarto para kumpirmahin ang iniisip ko. At hindi nga ako nagkamali. Magkakrus ang hita ni Lothaire na nakaupo sa tapat ng maliit at bilog naming lamesa.

"Paano ka nakapasok?" agaw ko sa pansin niya.

"Dumaan ako sa pintuan," sagot niya.

"Siyempre. Alangan namang sa bintana, hindi ba?"

"Puwede ko ring gawin iyon."

Dumiin ang pagkakatikom ng labi ko. Hindi ko na lang siya pinansin at nagpunta sa kusina para maghanda ng kakainin ko. Sumunod siya sa akin na para bang siya ang may-ari ng bahay at puwede niyang gawin kung ano ang gusto niya. Panay ang pagsubo ko at hindi mapuknat ang tingin niya sa akin.

"Hindi kita aalukin kahit titigan mo ako," kapagkuwan ay sabi ko.

"Sasabay ka sa akin ngayon," malayo sa sinabi kong saad niya.

"Paano kung ayaw ko?"

"Hindi mo puwedeng gawin iyon."

"Puwede." Pero hindi kita tatanggihan. Kung may gusto akong malaman tungkol sa iyo, bakit ako lalayo?

Pagkatapos kong asikasuhin ang sarili ko, sabay kaming lumabas ng bahay para puntahan ang nakaparada niyang sasakiyan sa tapat. Kapuwa kami tahimik sa loob. Ni isa sa amin ay walang nagtatangkang magsalita. Isinandal ko ang ulo ko sa wind shield at pinagmasdan ang daan. Sunod-sunod ang mga punong nakatayo sa paligid at bilang lang ang mga bahay na hindi rin ganoong magkakalapit.

Palapit pa lang kami sa entrance ng university ay pinahinto ko na siya. Salubong ang kilay niya naman akong tinignan, nanghihingi ng paliwanag.

"May bibilhin ako," wika ko.

"May tindahan sa loob."

"Mas mahal ang paninda roon."

Hindi ko na hinintay ang sunod niyang sasabihin. Tinanggal ko sa pagkakakabit ang seatbelt at bumaba ng sasakiyan. Bumili ako ng bagong notebook at ballpen bilang pamalit sa mga paubos na. Pabalik na ako ng makasalubong ko si Allennon na mukhang nagulat pa pagkakita sa akin.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon