PINAGHATIAN namin ni Joy ang Vigan empanada na dala niya. Itinabi namin ang dalawa para kay Timo na hindi na naman namin nakita."Ano ba ang nangyayari kay Timo? Sa kuwento mo kasi mukhang hindi maganda e," ani Joy.
"Hindi niya sinasabi sa akin pero nagsimula iyon noong mapasama siya kila Verly at Herbert," sagot ko.
"Sino naman iyong mga iyon?"
"Kaklase niya iyong Verly at ka-club naman iyong Herbert."
"Ano kaya ang inimpluwensiya nila kay Timo."
"Hindi ko alam. Pero malamang na hindi maganda."
"Siya nga pala, nakita ko si Lothaire kahapon na nakikipag-usap kay Allennon," pag-iiba niya ng usapan. "Magkakilala ba sila?"
"Magkapatid sila." Nabitawan niya ang hawak niyang empanada, halatang hindi makapaniwala sa sinabi ko. "Kahapon ka pa pala nakauwi, bakit ngayon ka lang pumasok? Sabi mo nung tumawag ka papasok ka na kinabukasan."
"Naisip ko na kailangan ko rin muna palang magpahinga."
Paglipas ng kalahating minuto, bumalik na kami sa classroom para sa susunod na klase. Dahil nga nakabalik na si Joy, wala ng pagkakataon para tabihan ako ni Lothaire. Panay ang sulyap ko sa pintuan, inaabangan ang pagdating niya hanggang sa nakita ko nga siya. Puro galos ang mukha at braso niya, halatang galing sa away. Hanggang sa makaupo siya sa orihinal niyang puwesto ay magkakabit ang tingin namin.
Mayamaya, dumating si Sir Domagso na hindi na kami pinagkaabalahang batiin. Ipinatong niya sa lamesa ang bitbit niyang class record at inisa-ksa kaming tignan.
"I already formed your group kaya puwede niyo ng simulan ang pag-uusap pagkatapos ng meeting na ito," panimula niya. "Lahat ng tatawagin ko, sila ang magkakasama sa isang grupo."
"Sa tingin mo, paano kaya tayo igrinupo ni sir?" tanong ni Joy.
"Wala akong ideya. Hintayin na lang natin."
"Acuesta, Gonzales, Ong, Largado, at Juarez. Kayo ang group one," anunsiyo ni Sir.
"Mukhang random," sabi ko. Tumango-tango naman si Joy.
Lahat kami ay nabaling ang atensiyon kay Lothaire ng tumayo siya at magsalita, "Palitan mo ang grupo. Isama mo ako kay Acuesta," walang pasintabi niyang saad.
Kumunot ang noo ni sir at inalis ang salamin sa matang hinarap si Lothaire. "Inuutusan mo ba ako?"
Pero hindi nagpatinag si Lothaire. "Ano ba sa tingin mo?" Ako ang nahihiya at natatakot para sa kaniya. Ang kabastusan ng ugali niya ay talaga namang walang pinipili.
Ibinagsak ni sir ang kamay niya sa lamesa na lumikha ng isang malakas na ingay. "Sino ka para utusan ako?! Estudiyante ka lang at propesor ako! Ako ang masusunod dito!"
"Kung hindi mo babaguhin ang desisyon mo, siguradong pagsisisihan mo ito."
"Tignan natin, Ms Aumatage." At nag-walk out si sir.
Binalot kami ng nakabibinging katahimikan. Ramdam ko ang palipat-lipat na tingin ng mga kaklase ko sa akin at kay Lothaire. Nang hindi na ako makatiis, tumayo ako at hinatak siya palabas ng classroom. Sinigawan ko siya, tinatanong kung ano ang pumasok sa kokote niya para gawin iyon pero sinabihan niya lang ako na huwag ng magtanong. Dahil mukha namang wala akong mapapala sa kaniya, nag-isip ako ng ibang puwedeng pag-usapan.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...