2008. Ibinili ni MJ ng C2 ang bente pesos na may note...
2009. Ibinigay ni MJ ang bente pesos sa nanlilimos sa may simbahan…
“I believe in destiny. And destiny is you and me,” determinadong sambit ni MJ sa ka-speed dating date niya. It was Valentine’s Day, 2010.
Kabi-kabila ang mga dating venues. May mga couple na may romantic dates. Mga nagliligawan, mag-boyfriend, mag-asawa, mag-ex na umaasang magkabalikan, mga friends daw pero nagmamahalan, mga nagmamahalang piniling maging magkaibigan na lang, mga masayang relasyon, mga relasyon pinunit ng kahapon, relasyon pinakukuluan sa mantika ngayon, mga date na napanalunan sa raffle, mga solohistang ka-date ang sarili. At sa ganitong panahon, bida ang tulad ko. Pinagpapasa-pasahan nga ako ng mga tao. In demand ako sa mga araw na box office ang tindahan ng mga gift items at lalo’t higit ang mga kainan, tulad ng Valentine’s Day.
Pero hindi ako ang bida sa kwento ito kundi si MJ at kung paano niya nahanap ang destiny niyang ilang taon ng naligaw ng landas, naligaw sa kagubatan, nawalan ng compass, pumalpak ang GPS, inantok, at huminto na ring hanapin siya.
Sino si MJ? Isa siyang hopeless romantic na lalaki. Isang manunulat sa isang magazine. Madalas mapagalitan ni bossing. Paano ba naman, kung saan-saan nakakarating ang isip niya habang nasa kalagitnaan ng meeting. Twenty- nine na siya. Pero hindi pa niya nakita ang babaeng mamahalin. Hindi naman sa choosy siya ano, pero parang ganon na rin. Naniniwala kasi nga daw siya sa destiny. Iyong tipong pag may binitawan siya ay babalik iyon sa kanya for a purpose. Gaya ng ilang taon na niyang pagbibitaw ng paraan para hanapin ang babaeng para sa kanya. Umaasa siyang babalik ang mga binitawan niya upang ipakilala sa kanya ang babaeng mamahalin niya habambuhay.
Sayang sana, marami namang babae at feeling babae ang nanliligaw sa kanya o kaya naman ay type siya. Kung gugustuhin lang sana niya, malamang hindi siya parang sirang pumapatol sa mga dating services tulad ng speed dating ngayon sa isang restaurant na malapit ng malugi kaya gumagawa na ng gimik.
Ngumiti lang si Erna sa sinabi ni MJ. “You’re poetic, hopeless romantic.” At medyo cheesy and corny na rin.
Sino naman si Erna? Siya ang nabiktima ng pagka-weird ni MJ ngayong 2010. Isa siyang pintor. Walang meaning ang love life para sa kanya. Wala siyang pakialam sa Valentine’s Day. Pero hindi siya bitter ha. Lumalabas pa nga siya tuwing araw ng mga puso at nangpa-power trip sa mga magkaka-date sa paligid. Na-curious lang siya kung anong meron sa mga dating services kaya pinatulan niya ang speed dating na yon. Doing things that are not usual to her was her prime hobby. Katulad ng ginagawa niya ngayon. Love life nga wala siyang pakialam, date pa kaya? Power trip lang!
“Hindi lang pagka-poetic iyon, Erna.” Hinawakan niya ang kamay ng ka-date. “Nararamdaman ng aking puso na ikaw na nga.”
Madam Auring, lalaki ka na ba? Tumawa si Erna. “Baka, nag-aadik ka lang. Pero dahil cool ka para sa akin, sige friends na tayo.”
“Cool lang? Hindi mo ako type?”
“Hmm, gwapo ka, mukhang mabait, weird lang. Too early para masabing type kita.”
“Paano kung tama ako, ikaw ang destiny ko at ako ang destiny mo?” Ngumisi pa ang loko.
Buti na lang gwapo kung hindi baka napa-shoot na siya sa presinto dahil magmumukhang manyakis ito. Bakit parang nagra-rap na ako? Break it down yo!
“At paano naman natin masisigurado yan? Maniniwala lang ako kung may proof, MJ.”
Ngumiti si MJ. Nilabas niya sa bulsa ang twenty pesos. Kumuha rin siya ng ballpen at sinulatan ang twenty pesos ng, “I believe in destiny. And destiny is you and me.” Kasama don ang pag-asang bumalik nga yon sa kanya. Oo adik lang no. Sa dami ng kamay na pagdadaanan ng isang pera, may pag-asa ba talagang babalik ito sa dating humawak na dito? Iyan daw ang destiny, ayon kay MJ e. Walang basagan ng trip, men!