3.) My First Love Gift

243 21 2
                                    

Pinagmasdan ni Guray ang kanyang sweldo para sa buwan ng Mayo. Kahit paulit-ulit niyang bilangin iyon, hindi pa rin sapat para sa pangangailangan ng kanyang pamilya. Ilang beses na rin siyang nakakuha ng perfect review sa mga turista na nagsisilbi nilang bonus as tourist guide pero kulang pa rin.

"Oh, Guray. Hindi ka pa ba uuwi?" Tanong ng kanilang Team leader, si Sir Paolo.

"Uuwi na rin po ako Sir!" Sagot niya habang nakangiti.

"O, sige. Una na ako ah!" Paalam nito sa kanya.

Bumuntong hininga si Guray at niligpit ang kanyang mga gamit. Maayos niyang inilagay sa kanyang handbag ang bagong sahod na pera. Pagkatapos, lumabas na rin siya ng kanilang opisina at nag-abang ng tricycle pauwi sa kanila. Mag-isa lang siya ngayon dahil nagbabakasyon sa Manila ang kanyang best friend na si Maria. Maswerte ito sa naging asawa na si Andrei dahil sadyang mahal na mahal ito ng lalaki. Habang siya, hindi pa pumapasok sa kanyang isip ang mag-asawa dahil sa kanyang obligasyon sa pamilya.

Panganay siya sa limang magkakapatid. Dating tauhan sa malaking taniman ng tubo ang kanyang mga magulang sa bayan ng San Antonio ngunit natigil iyon ng magkasakit ang kanyang Ama. Na-stroke ito habang nagsasaka. Natuklasan din nila ang komplikasyon nito sa puso. Ang kanyang Ina naman ay nagluluto ng kakanin para may panggastos sila sa araw-araw. Mabuti na lang nasa huling taon na siya ng kolehiyo ng mawala ang hanapbuhay ng kanyang mga magulang. Pinagpatuloy na lang niya ang pag-aaral habang suma-sideline sa iba't-ibang part time job. Bilang panganay, malaki ang obligasyon niya upang tulungan ang nakababatang kapatid. Magtatapos na sa kursong HRM ang sumunod sa kanya na si Duray habang senior at junior high school naman sina Jeray at Pikay. Elementary naman ang kanilang bunso at nag-iisang lalaki na si Junior. Kahit madugo ang gastusin, kinakaya naman nila ng kanyang Inay mairaos lang ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Nang makita ang bakanteng tricycle, pinara agad iyon ni Guray. Tumigil ito sa kanyang tabi kaya agad siyang sumakay. Mabilis naman siyang nakauwi sa kanilang bahay.

"Narito na po ako!" Sambit niya pagpasok sa bahay.

Nagtaka si Guray ng sumalubong ang tahimik na bahay. Akala niya walang tao pero nakita niya sa sala ang kanyang mga kapatid. Malulungkot ang itsura nito habang umiiyak si Duray.

"Bakit ka umiyak Duray? Nasaan si Inay at Itay?" Tanong niya sa mga kapatid.

"Na sa likod bahay po si Itay, Ate. Si Inay naman po na sa loob ng silid." Malungkot na sagot ni Jeray.

"Bakit ganyan ang mga mukha nyo?" Tanong niya.

Ibinaba niya ang dalang bag sa maliit na mesa sa sala at nagtungo sa maliit nilang kusina. Kumuha siya ng baso at nilagyan iyon ng tubig bago muling bumalik kung nasaan ang mga kapatid.

"Anong nangyari sa inyo? Ikaw Duray, bakit ka umiiyak?" Muli niyang tanong bago uminom ng tubig.

"Hindi na ako mag-aaral, Ate."

Biglang nasamid si Guray habang umiinom ng tubig. Binitiwan niya ang baso at hinaplos ang dibdib. Nagulat siya sa sinabi ng kapatid.

"Ulitin mo nga 'yang sinabi mo!" Hindi maiwasan ni Guray na tumaas ang kanyang boses. Ilang buwan na lang magtatapos na ito tapos bigla itong titigil? Hindi nila pinupulot ang pinagpapaaral dito.

"Ayaw ko na po mag-aaral," umiiyak nitong sagot.

"Bakit ayaw mo ng mag-aral?" Pilit niyang pinapakalma ang sarili. Baka may malalim na dahilan ang kanyang kapatid kaya ganoon ang naging desisyon nito. Kahit anong mangyari, pipilitin niya itong makatapos para na rin sa kinabukasan nito.

Mas lalong lumakas ang iyak nito. Nagtataka siya sa kinikilos ng kapatid pero gusto pa rin niyang marinig ang dahilan nito.

"B-buntis po si Ate Duray, Ate."

SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon