Chapter 1

16 1 0
                                    

Dalawang kagat bago ko nginuya ang hamburger na binigay sa akin ni Tsong habang pinapanood sila sa kanilang ginagawa. 

“Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu. Ayos! Naka thirty thousand si Yaken ngayong gabi!” naisiwalat ni Kulot nang pinagsama ang mga perang diniskartehan namin, matapos bilangin ang huling batch ng pera.

“Ako pa ba. Problema kasi sa inyo masyado kayong believe sa akin,” pagyayabang ko matapos lunukin ang nginunguyang hamburger at muli na namang kumagat.

“Gutom na gutom, ah!” Si Kulot.

“Oo. Halos hindi ako nakakain doon dahil sa mga haliparot na mga matatandang mayaman na lumalapit sa akin. Kung wala lang ako sa hulog, paniguradong ilang manyak na ang pina-meet up ko kay San Pedro.” At inubos ko na nga ang hamburger bago uminom ng tubig.

Tumawa si Kulot. “Nakabawi ka naman dahil dinukutan mo sila.”

Dahil doon ay napatawa rin si Tsong at nag-high five ang dalawang mokong. Napapailing at sa parehong pagkakataon ay natatawa na rin ako.

“Oh, kumusta? Pera lang ba ang nakuha n’yo sa mga wallet na ’yan? Aba’y high class club iyong pinuntahan ko, ha.” pagtukoy ko sa limang wallet na nadukot ko habang nasa club kanina. 

Habang nasa labas sila na umaaligid kanina at hinihintay ako ay siya ko namang trabaho sa loob ng club. Matapos din ang impyernong dinanas ko roon ay nakapagbihis na rin ako sa wakas. Mas komportable ako sa oversized white t-shirt, pantalon at sirang sapatos kaysa sa sinuot kong dress at heels kanina. Na ni-rent-ahan kay Aling Bibang, ang gown rental dito sa amin.

“May mga atm at ito may black card pero hindi naman natin makukuha ang mga laman nito. Ano ba ang kaalam-alam natin sa computer? Snatcher lang tayo hindi expert.” Pagtapon sa akin ni Kulot ng black card na nasalo ko naman.

“Hindi ba’t limitado lang ang may black card holder sa Pilipinas? Ibig lamang sabihin napakayamang tao ang may-ari nito.” Pagtaas ko nito at ipinaypay sa ere.

“Paano mo nalaman?” Si Tsong.

“Tandaan ninyo mahirap lang tayo. Hindi tayo gano’n kab*b* para mawalan ng alam sa mundo.” 

“Ikaw lang ’yon, Yaken. Matalino ka naman talaga simula Day Care pa lang tayo. Kung pinaaral ka lang ni Mang Bernard sa kolehiyo at hindi ipinasok sa ganitong trabaho paniguradong nakikita ka na namin sa tv ngayon.”

Bahagya akong natigilan sa sinabi ni Tsong at tumingin sa kanilang dalawa. Hilaw akong ngumisi. “Wala na tayong magagawa, dito tayo nakatadhana. Kanino ba ’tong black card na ito?” Dahil nga nasa madilim kaming lugar at pakurap-kurap ang ilaw na mapusyaw ay hindi ko mabasa ang pangalan na nakaukit gamit ang gold na tinta sa itim na card.

“Ah ’yan ba? D’yan ko nakuha ang sampung libo, e. Ito! Moises Salmonella. Aysus! Ama, patawarin ninyo po kami.” Nag sign of the cross ni Kulot matapos buksan ang pitaka at basahin ang nahugot niyang ID sa loob. 

“Ano na namang kaartehan ’yan, Kulot?” kunot-noong tanong ni Tsong.

“E, kasi Moises ang pangalan. Pati alagad ng Diyos dinukutan natin. Gano’n na tayo kasama.” Paglapag ni kulot ng ID sa mesa na pinagigitnaan naming tatlo at inuusog papunta sa akin.

“Malay natin alagad pala ’yan ni santanas. Lahat ng mga mayayaman alagad ni santanas sa sobrang pagkagahaman sa salapi,” birit ni Tsong.

Kinuha ko ito at tiningnan ang larawan dito at halos manlaki ang mga mata ko sa gulat.

“Siya ito!” 

“Ha? Anong siya?” silang dalawa.

“Siya iyong bukod tangi sa lahat.”

Yaya Series 3: Vow To Me, Master!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon