Inaatake ni Fioletov si Kaloyan gamit ang kanyang matutulis na kuko. Samantalang si Kaloyan naman ay mabilis na naiiwasan ang bawat pag-atake nito.
Halos hindi namin masubaybayan ang kanilang bawat galaw doon sa itaas dahil pareho silang mabilis kumilos na parang kidlat.
"Ano nang gagawin natin? Tutulungan na ba natin si Ryker? Ibig kong sabihin, si Fioletov?" tanong ko.
"Sa tingin ko, huwag muna. Hayaan muna natin si Fioletov. Basta maging alerto lang tayo kung sakaling kailanganin niya ng tulong," ani Klein.
"Paano si Laura? Saan natin siya hahanapin habang abala si Kaloyan kay Fioletov?" tanong naman ni Gunner.
"Hindi natin makikita si Laura kahit hanapin pa natin siya. Kailangan munang mawasak ang void ni Kaloyan para mahanap natin siya," sagot ni Klein.
"Ikaw pala ang asawa ng babaeng demon fox na kamukha ng babaeng 'yon na nasa ibaba?" ani Kaloyan.
"Bakit mo dinukot si Azalea? Anong ginawa mo sa kanya?" bulyaw naman ni Fioletov kay Kaloyan at halata ang labis na panggigigil nito dahil sa sobrang poot at galit.
"Oh, Azalea pala ang pangalan niya?"
Pag-iwas ni Kaloyan sa atake ni Fioletov ay sinuntok niya ito sa sikmura nang buong lakas kaya't napaubo ito sabay bagsak sa lupa.
"Fioletov!"
"Azalea. Kilala ko na. Naalala ko na," sambit ni Kaloyan sabay tawa nang nakakaasar.
Mukhang nasaktan si Fioletov sa ginawa ni Kaloyan pero nagawa pa rin niyang bumangon. Lumuhod siya sa lupa habang nakalapat ang isa niyang kamay dito sabay talon pataas papunta kay Kaloyan upang umatake.
"Isa si Azalea sa mga babaeng ginawa kong tagabigay ng kaligayahan sa'kin."
Tila huminto ang mundo namin dahil sa narinig namin mula kay Kaloyan. Lalo na si Fioletov. Natigilan siya mula sa pag-atake kaya't hindi niya ito natuloy.
Pinandidilatan niya ng mata si Kaloyan habang nakakunot ang noo nito.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.
Tumawa si Kaloyan, "Kailangan ko pa ba talagang idetalye?"
"Ikinulong ko siya sa isang silid habang nakakakadena ang kanyang paa sa kama. Pagkatapos ay pinupuntahan ko siya kapag kailangan kong maglabas ng init ng katawan o tawag ng laman. Alam mo naman 'yon, 'di ba? Iyon nga lang hindi siya gaanong nagtagal dahil hindi siya kumakain, o umiinom man lang ng tubig. Pero hinayaan ko na dahil marami naman sila sa koleksyon ko at kayang-kaya ko silang palitan. Sayang nga lang siya dahil bukod sa maganda siya ay masunurin din-"
Nahinto sa pagsasalita si Kaloyan nang bigla siyang atakihin ni Fioletov-nagkaroon ng tatlong malalaking kalmot sa kaliwang pisngi si Kaloyan dahil sa mga kuko nito.
BINABASA MO ANG
Underworld University: The Mystic Quest
Fantasy[ COMPLETED ] FIRST INSTALLMENT OF UNDERWORLD CHRONICLES & CRUSADE SERIES Si Aika ay kilala bilang isang popular girl sa kanyang school. Mayroon siyang marangya at masayang buhay kasama ang kanyang mga magulang, kaibigan, at kasintahan, kaya't para...