PASENSYA ka na sa naging resulta ng aking kapabayaan.
Sa mga bagay na aking ginawa
lalong-lalo na sa mga bagay na dapat ngunit hindi ko nagawa..
Alam kong punong-puno ka ng pangarap
ngunit, punong-puno rin ako ng takot na s'yang dahilan kung bakit ganito ka lang ngayon
PATAWAD..
Dahil noong mga panahon na gusto mong kumilos ay pinigilan ka ng aking mga agam-agam.
Pinangibabaw ko ang aking pagkalito..
Ang aking mga " pero.."
Nang mga tanong na "paano kung..?"
Nang mga dahilan ko na hindi ko maipaliwanag na s'yang pumigil sa'yong abutin ang 'yong mga pangarap.
Pasensya na kung mas pinili kong manahimik noong mga panahon na gustong-gusto mong sabihin ang iyong mga saloobin
Iginapos ko sa dibdib ang mga salitang nais bigkasin ng bibig na sa kalaunan ay namuo at nagsilbing tinik
Mas pinili kong tiisin ang sakit
Hanggang sa mamanhid at unti-unti mo ng nakasanayanHanggang sa hindi ko namamalayan na unti-unti na rin pala akong hinihila patungo sa kalungkutan,
Habang lalong pinapatay ang ningas ng apoy sa 'yong dibdib at malugmok sa kabiguan
Nabigo ka
Nasaktan ka
Itinali kita sa isang buhay na hindi gumagalaw
Isang buhay na walang destinasyon
Isang buhay na walang kahulugan
Ayaw mo sa kumpetisyon..
Ngunit inihayon kita sa buhay na puno ng pakikipaglaban ayon sa idinikta ng iba
Mas pinili kong tahakin ang direksyon kung saan akala ko'y siyang Mas dapat, mas madali, mas ligtas..
At ng dumating ang pagsubok, mas napuno ako ng pangamba at takot na agad nagpalugmok
Kumapit ako sa salitang " bahala na bukas"
PATAWAD
Hindi ko alam ang iba pang salitang mas angkop sa patawad
Sa mga luhang pilit kong pinipigilang umagos
Sa mga sakit na patuloy kong ibinabaon sa pinakamalalim na parte ng aking dibdib na hanggang ngayon ay parang lason na patuloy pa ring lumulukob sa puso
PATAWAD sa naglahong pangarap
Patawad dahil sa patuloy kong pagbibingi-bingihan sa'yong mga panaghoy
Sa patuloy kong pagsasawalambahala sa nararamdaman mong sakit at galit
Sa patuloy kong pagbubulag-bulagan sa'yong mga hinagpis at sa'yong mga hinanakit
PATAWAD sa malabo mong bukas..
Ngunit, SALAMAT..
Salamat dahil patuloy ka pa ring kumakapit sa munting liwanag na sumisilip sa'yong takipsilim
Gaano ka man naghihirap, at nalulunod sa sakit
Patuloy ka pa ring tumitingala sa langit
Mga ngiti mo ma'y pilit
Patuloy ka pa ring lumuluhod at nananalig!