Ang mga pakpak ng ibong agila ay palibot na nagsisiliparan sa himpapawid, nagmamatyag sa maaaring maganap sa mga mag-aaral na paro't parito ang palitan ng tira. Mga kuwagong nagmamasid sa bawat sanga ng matatayog na puno, saksi sa nagaganap sa paligid.
Ang lahat ay nagsisitakbuhan, naghahanap ng maaaring mapagtaguan mula sa mga palaso, na walang tigil sa pagbulusok galing sa ma-abong ulap ng himpapawid.
"SCORPIO, atras!" Sigaw ng lalaking nakatayo sa isang malaking ugat ng puno. Siya si Lucas, ang ika-lima sa ranggo at ang lider ng Scorpio.
Ang mga estudyanteng nakasuot ng itim na balabal ay nagsitakbuhan pabalik sa malawak na parte ng gubat o kapatagan kung saan walang nakatanim na malalaking puno.
Isa-isa silang nagsibalik dito at kanya-kanyang sukbit ng mga pana sa kanilang balikat—pahiwatig na sila ay suko na.
Napapalibutan na sila ng hanay ng Caprio sa buong paligid.
Sa hindi kalayuan ay nakatayo si Keana. Dala niya ang kanyang pana na kulay kayumanggi, at itinutok ito kay Lucas na sumigaw kanina na kasalukuyan nang nakatayo ngayon sa harap ng kanyang mga ka-grupo na hinihingal dahil sa pagod.
Akmang bibitawan na ni Keana ang palaso ng may malamig na kamay ang tumapik sa kanyang balikat. Lumingon siya at nakita ang kambal na si Keenan.
Walang ni isa ang gumalaw sa kanila, lahat ay nagtataka—maski ang buong hanay ng Caprio— kung bakit napagdesisyunan ng nangunguna sa ranggo na hindi panain ang lider ng Scorpio kahit sumusuko na ito at malaya na nilang mapapana ang bandera na dala nito. Sa halip, nilapag ni Keenan ang hawak na pana dahilan upang tuluyan nang panain ni Zoy ang bandera nila.
Napasinghap ang karamihan, halos hindi nilang lahat maunawaan ang nangyayari. Maliban na lamang kay Heav na nakasuot ng balabal na kumikinang sa tuwing nasa madilim na lugar. May marka ang kanang pisngi niya ng kalahating buwan na napapalibutan ng tatlong bituin. Mula sa malayo ay komportable siyang nakaupo sa isang sanga ng kahoy.
Nakasukbit ang pana niyang kulay pilak, at nagtataglay siya ng mahabang medyo kulot na buhok na kakulay ng kanyang pana.
Napapikit ang babaeng ito nang maramdaman niya ang asim mula sa kinakaing hilaw na balimbing o carambola (star fruit). Katabi naman niya ang isang kuwagong kulay kayumanggi ang balahibo na palaging sumusunod sa kanya saan man siya magtungo.
Tulad ng mga kuwago ay nagmamatyag lang siya sa paligid. Nag-oobserba sa bawat galaw ng mga mag-aaral ng akademya.
Ilang sandali pa ay tinapon niya ang kinakaing balimbing at kinuha ang nakasukbit na pana.
Itinutok niya ito sa maulap na kalangitan at ilang sandali pa'y binitawan ang palaso ng kanyang pana.
Tumama ang palaso nito sa isang agilang abala sa paglipad.
Bumulusok ang agila pababa. Ilang sandali pa ay bumagsak ito sa mismong espasyo na pumapagitan sa Caprio at Scorpio. Nang tumama sa lupa ay kaagad nag-anyong tao ang agila — isang babaeng nakasuot ng kulay pulang balabal.
Naghihingalo ito dahil sa tama sa kanang biyas.
Lumapit dito si Keenan at tiningnan ang miserableng kalagayan ng bababe. Sumunod sa kanya si Keana na hindi makapaniwala sa nakikita.
"Keir," saad ni Keana sa pangalan ng babae. Lumuhod siya sa tabi nito at hinawakan ang palaso na nakatusok sa biyas nito. Dahan-dahang hinablot ni Keana ang palaso sanhi nang malakas na pagsigaw ng babae.
BINABASA MO ANG
Abyss Academy
NezařaditelnéThe Academy is divided into two clans: Caprio and Scorpio Sa kailaliman ng isang isla na napapalibutan nang nagsisitaasang kabukiran, matatagpuan ang Abyss Academy. Hindi mga ordinaryong mga estudyante ang nag-aaral dito. Kundi, sila ay may mga imor...