“Aaaaaah!!!”
Umalingawngaw sa buong paligid ang malalakas na sigawan, putok ng baril at maging ang malalakas na pagsabog.
Dumagundong sa kaba ang dibdib ko matapos makita ang kasalukuyang nagaganap.
Hinahabol ng mga guardia sibil ang mga babae at batang tumatakbo at walang awang pinagsasaksak. Kahit na naglulupasay na sila sa lupa at balot ng dugo ay paulit- ulit pa rin silang sinasaksak para masiguradong patay na sila. Ang ilan naman sa mga tulisan ay patuloy na nakikipagbarilan sa mga guardia sibil. May isang sundalo na nagtapon ng bomba sa isang bahay kung kaya't nagdulot ito ng malaking pagsabog.
“Aaah! Tulong!”
Halos masiraan ako ng ulo habang pinagmamasdan ang nangyayari. Ayaw kong manood na lang habang isa- isang pinapatay ang mga kasamahan namin kaya lumabas ako sa aming pinagtataguan.
Agad akong pinigilan ni Kinandro sa braso.
“Isabellia, saan ka pupunta!? Nakalimutan mo ba ang bilin ng itay mo? Dito lang tayo kasama ng mga bata! Hindi tayo lalabas hangga’t hindi natin nasisiguradong ligtas na!” Pasigaw na paalala ni Kinandro.
Halos hindi na kami magkarinigan dahil sa lakas ng ingay, dulot ng pinagsamang pagsabog ng bomba at mga baril.
Hinawi ko ang kaniyang kamay.
“Ikaw na ang maiwan sa mga bata at matatanda. Protektahan mo sila. Babalik ako kaagad,” mahigpit kong utos bago inabot ang baril na nasa gilid at mabilis na lumabas sa aming pinagtataguan.
“Pero, Isa!”
Hindi ko na pinansin si Kinandro. Masyadong marami ang nasa kampo ng guardia sibil kung kaya’t marami nang kasamahan namin ang tinamaan at nalagas. Hindi ko kayang magtago na lang at manood kung alam ko naman na kay magagawa ako.
Ilang taon din akong sinanay ni itay na humawak ng baril at gumamit nito. Ang sabi niya ay tsaka ko na gagamitin ang kaalaman ko kapag talagang kakailanganin at sa tingin ko, ito na ang araw na iyon.
Pumwesto ako nang maayos.
Una kong inasinta ang lalaking nagtatapon ng bomba. Kinalabit ko ang gatilyo at kaagad siyang tinamaan.
“Pakiusap! Ako na lang, hayaan niyo nang makatakas ang anak ko!”
Napunta sa kabilang bahagi ang aking atensiyon nang marinig ko ang pakiusap ng isang babae sa guardia. Nakahandusay siya sa lupa at dumudugo pa ang kaniyang binti na may tama ng baril. Pilit niyang pinipigilan ang guardia na lumapit sa kaniyang anak. Patuloy na umiiyak ang walang- laban na mag- ina. Dahil marahil sa labis na inis ay biglang tinadyakan ng guardia ang ina ng bata. Namilipit ito sa sakit nang tamaan sa dibdib. Sumuka rin ito ng dugo.
“Inaaa!”
Walang nagawa ang bata kung hindi ang umiyak at tingnan ang kahabag- habag na kalagayan ng kaniyang ina.
Itinaas ko ang hawak na baril at inasinta ang guardia. Ngunit bago ko pa man makalabit ang gatilyo ay muling umalingawngaw ang isang putok.
“Inaaa! Ina kooo!”
Nanlaki ang mga mata ko matapos makita ang pagbulagta ng babae. Halos panawan ako ng ulirat. Binaril ng guardia ang ina ng bata sa bandang dibdib. Tumalsik ang dugo sa paligid at humandusay ito sa lupa. Lumapit ang bata sa kaniyang ina at umiyak nang umiyak.
Bigla akong nakaramdam ng panlalamig sa katawan. Bigla ring nag- init ang galit ko. Mahigpit kong kinuyom ang kamao.
“Mga hayop!”
YOU ARE READING
Entangled With You
CasualeCentury of years ago, the war between angels and demons had arisen. In a majestic palace of Heavenly Realm, Cyfrin, the Goddess of Love was entrusted by the Supreme Creator to protect the Kardia Temple where the Red Strings of Fate was located. Duri...