bittersweet nightshade

179 20 9
                                    

NAPATALTAK ako nang maramdaman ang pagdaplis ng sampung piso mula sa 'king kamay habang may kinukuha sa bulsa ng aking shorts. Bahagyang napangiwi ako sa tunog nang tumama ito sa marble tile-flooring nitong Hotel & Lodge na pansamantalang tinutuluyan ko rito sa Sagada.

Hindi ko maalala kung paano ako nagkaroon ng sampung piso sa bulsa, nasama lang habang kinukuha ang susi ng kwarto ko na may kasamang bottle opener. Dali-dali kong pinulot ang sampung piso mula sa sahig at ibinalik ito sa bulsa ng shorts ko. Hindi na ako nag-abalang mag-isip pa at isa-isang binuksan ang tanzan ng apat na alak na kinuha ko mula sa refrigerator- mga iniwang alak ng mga nagrenta nitong hotel bago ako dumating dito.

Naramdaman ko ang pagnuyot ng lalamunan ko nang maamoy ang alak. Hindi naman kaaya-aya ang amoy pero nakakatakam inumin. Pinanood ko ang pag-usok ng nguso ng bote mula sa lamig hanggang sa maglaho ito sa kawalan. Ang sarap. Nakakauhaw.

Inilagay ko iyong apat na bote ng alak sa isang maliit na tray at itinabi roon ang sisig na niluto ko kanina. Hindi ko sinadyang mag-ulam ng sisig dahil iinom ako, nagkataon lang na gustong lumaklak no'ng tisay na gustong-gusto akong iniistorbo- at nakangiti pa nga ito sa direksyon ko nang saglit akong napatingin sa gawi niya.

Ramdam ko ang pagtagaktak ng pawis mula sa 'king noo pababa sa 'king panga habang naglalakad palabas. Mayroong sofa at lamesang yari sa kahoy na nakapuwesto sa gilid kung saan naroon iyong babae. Habang papalapit ako, napansin ko ang pag-urong niya sa sofa para bigyan ako ng espasyo sa tabi niya.

Sumisigaw ang antisipasyon sa buong mukha nito nang ilapag ko ang tray sa lamesa at umupo sa tabi niya. Napairap ako nang magpasalamat siya at agad na kinuha iyong tinidor para tikman ang sisig. Hindi ko alam ang mararamdaman ko habang pinapanood siyang naglalabas ng iba't ibang facial expressions habang ngumunguya.

"Culture shock?"

Tumango siya. "But it's delicious," aniya.

Napakibit-balikat ako. "You should try it with beer."

Tumango at ginawa niya naman ang suhest'yon ko. Hanggang ngayon hindi ko alam kung ano'ng gusto nitong estrangherong tisay na 'to. Huling araw na ng aking bakasyon dito sa Sagada. Halos buong linggo kasama ko 'tong si tisay kahit bihira kami mag-usap. Mas komportable naman kasi ako sa pagiging tahimik.

Papalubog na ang araw at nababalot ng papulang kahel ang kalangitan. Tanging tunog ng pagsiga ng kahoy mula sa firepit at iba't ibang ingay mula sa kalapit na matatayog na puno ang maririnig sa paligid. Tahimik ang lugar pero nararamdaman ko lang ito tuwing umaga hanggang hapon- eksaktong ala-singko ng hapon dahil pagkagat ng ala-sais, may mangangatok na sa pinto ko para hingin ang oras ko. At ang nakakatawa ro'n ay walang angal akong sinasamahan siya kahit naiirita ako sa kanya.

Pahinga lang ang pinunta ko rito sa Sagada. Ni hindi ako lumayo sa hotel na 'to simula noong dumating ako rito. Tamang lakad lang at tanaw sa hugot-hiningang kagandahan nitong parte ng Sagada. Walang inaalalang bills. Walang kamag-anak na nangungulit sa tawag para manghingi ng biyaya mula sa 'king sweldo. Walang praning na ex-boyfriend na bibisita para lang siguraduhing baliw ka pa rin sa kanya. Isang taon na kaming hiwalay at nakarecover na ako sa natapos naming relasyon, siya na lang iyong ayaw umahon.

Araw-araw sa Maynila, ganoon ang sitwasyon ko hanggang sa bolutaryong napagod na ang katawan at kaluluwa ko. For the first time in six years, sumugal akong magbakasyon mag-isa para lang makalanghap ng sariwang hangin.

Naalala ko noong unang araw ko rito sa Sagada. Ang bigat ng pakiramdam ko. Parang nakokonsensya pa ako na nagawa ko pang magbakasyon at nanghihinayang sa suswelduhin kung pumasok na lang ako sa trabaho.

Heloise, iyong iyo na ang ulirang anak awardee!

Iyong unang araw ko rito sa Sagada nakilala itong si Robyn Alexander. Sa pagkakatanda ko sa mga pagpapakilala niya sa 'kin, nasa late 20s na siya at isang indie actress sa Amerika. Naging hit daw iyong huling pelikulang ginawa niya kaya napagdesisyonan niyang magbakasyon bago bumalik sa trabaho. Parehas lang kami ng intensyon, pero at least siya, wala siyang iniiwasang problema.

bittersweet nightshadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon