Kabababa lang namin ngayon sa Ground Trianda kung saan nakatira sina Xavier at Xenon. Isang oras at kalahati ang itinagal ng biyahe. Humiwalay na sa amin si Mr. Smith sa Ground Ikosi Dio Railway Station dahil pabalik siyang Ground Miden.
Mukhang moderno na rin naman ang lugar nina Xavier dahil ang mga gusali at establishment ay gawa sa bato, bakal, at semento at ang architectural style ay medieval din.
Ngunit ang mga bahay ay gawa sa bato ang mismong katawan ngunit ang mga bubong ay gawa sa pinagtagpi-tagping pawid at kahoy.
Habang nasa biyahe kami kanina sakay ng Chloris Train, kinukuwento na ni Xenon ang kalagayan ng kanilang ina. Nanghihina raw ang katawan nito na halos hindi na makakilos nang maayos. Pinagpapawisan din ito nang malamig, minsa'y nahihirapang huminga, at ang pinakanakapagtataka raw ay ang mga kulay pasa na marka na unti-unting kumakalat sa buong katawan nito.
Nang marinig ito ni Shienna ay nagtaka rin siya kung anong klaseng karamdaman iyon.
Nasa tabing-kalsada kami ngayon at naglalakad. Nagtataka naman ako kung bakit hindi pa kami napara ng karwaheng masasakyan kahit may iilan nang dumaan. Sinusundan lang namin kung saan papunta si Xenon.
Mayamaya ay napansin kong may nilikuan kaming isang tila parking lot para sa mga karwahe. Ilang sandali pa ay huminto si Xenon kaya't gano'n din kami.
"May sarili akong karwahe. Tara na," ani Xenon sabay sumakay na siya sa charioteer seat.
Pagkatapos ay sumakay na rin kami sa loob ng mismong karwahe. Sa bandang unahan ko pumuwesto si Shienna at napansin ko ang pamumula ng kanyang pisngi nang tumabi sa kanya si Xavier.
Napangiti na lang ako sa isip ko dahil sa tingin ko may gusto si Shienna kay Xavier.
"Nakasakay na ba ang lahat?" tanong ni Xenon mula sa unahan.
"Oo," sagot naman naming lahat.
Agad namang tumakbo ang karwahe matapos no'n. Tahimik lang kami habang nasa daan. Ngunit nakatingin lang ako kina Shienna at Xavier habang inoobserbahan sila.
"Shienna, may problema ba?"
Natanong siya bigla ni Xavier marahil napansin niyang kanina pa ito tingin nang tingin sa kanya. Nataranta naman bigla si Shienna dahil do'n.
"Ah, wala naman. Pasensya na," sagot ni Shienna na tila nahihiya.
Napaikom naman ang labi ko para pigilan ang aking pagtawa dahil sa kanila.
"Sina Xavier at Shienna naman ngayon."
Nagulat naman ako nang bigla akong binulungan ni Jerome. Nangilabot din ako nang bahagya dahil naramdaman ko ang mainit niyang hininga sa aking tenga.
Kaya naman nilingon ko siya sabay kinunotan ng noo.
"Nakakagulat ka naman," reklamo ko sabay hampas nang mahina sa kanyang braso.
BINABASA MO ANG
Underworld University: The Mystic Quest
Fantasy[ COMPLETED ] FIRST INSTALLMENT OF UNDERWORLD CHRONICLES & CRUSADE SERIES Si Aika ay kilala bilang isang popular girl sa kanyang school. Mayroon siyang marangya at masayang buhay kasama ang kanyang mga magulang, kaibigan, at kasintahan, kaya't para...