TIMOR EMBALSAMADOR

193 10 0
                                    

Buwan ng Hunyo, 2003. Laguna.

Sa Punerarya Baluyot.

"O', ingatan n'yo 'yang bangkay! Maselan ang pamilya n'yan," masungit na utos ni Boss Chito, ang may-ari ng puneraryang pinagtatrabahuhan ko.

"Yes, boss!" tugon ko.

Masusi kong pinagmasdan ang katawan ng bangkay sa aking harapan. Ayon sa record, cardiac arrest daw ang ikinamatay ng matanda. Bigla akong nakaramdam ng awa. Iyon din kasi ang ikinamatay noon ng aking ama.

Inasikaso ko kaagad ang kadarating na bangkay para sa proseso ng pag-e-embalsamo. Sinaksakan ko ito ng tubo para patuluin ang dugo sa isang lalagyan. Itinabi ko lang muna iyon dahil si Timor na ang bahalang mag-dispose mamaya. Isinunod ko naman ang ilan pang proseso para hindi ito mangamoy lalo na't dadalhin din ito kaagad sa naulilang pamilya ng bangkay.

Ilang sandali pa, nakarinig ako ng kaluskos. Pinakinggan ko 'yong mabuti at napagtantong parang nagmumula iyon sa may storage area. Noong una, hindi ko na muna iyon pinansin dahil sa ginagawa kong pag-eembalsamo ng bangkay sa harapan ko.

Ngunit, makalipas ang ilan pang minuto, mas lalong lumakas ang kaluskos na sinabayan pa ng parang... parang may hayop na kumakain. Huminto ako sa ginagawa para silipin ang storage area. Baka kasi may nakapasok nang aso roon nang hindi namin namamalayan. Marami pa namang asong kalye ang pakalat-kalat sa labas. Nakakailang hakbang pa lang ako nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang humahangos na si Timor.

Napakunot ang noo ko nang mapansin ang mapulang likido sa gilid ng kaniyang bibig. Mukhang hindi na ito nakatiis ng gutom at nauna nang maghapunan.

"Pre, pasensya na. Ginutom ako, e," sabi ni Timor. "Nasaan na 'yong dugo? Ako na lang ulit ang magdi-dispose. Isasabay ko na sa i-embalsamuhin ko mamaya."

"Ikaw ang bahala, 'pre. Pagkatapos ko rito, uuwi na rin ako para makapaghapunan," sabi ko naman.

"S-Saan ka pupunta?"

Nagtaka ako nang mabakas ang pagkabalisa sa mukha ni Timor. Itinuro ko naman ang storage at sinabing nakarinig ako ng kaluskos mula ro'n. Titingnan ko lang sana at baka may nakapasok nang hayop.

Bigla namang tumawa si Timor at sinabing, daga lang iyon. Itinulak niya ako pabalik sa ginagawa ko. Napailing na lang ako.

Nagpresinta si Timor na siya na rin daw ang bahalang mag-ayos ng mga gamit pagkatapos kong mag-embalsamo para makauwi na ako.

Hanga ako sa kasipagan ni Timor. Sa ilang taon ko na siyang nakakasama ay parang magkapatid na rin ang turingan namin. Mas nauna pa siyang nagtrabaho ro'n kaysa sa 'kin. Halos bangkay na nga lang ang inaasikaso ko sa punerarya dahil sa kaniya. Ang paglilinis ng mga ginamit at pagdi-dispose ng mga basura ay siya na rin ang gumagawa. Ni minsan ay hindi ako nakarinig ng reklamo. Palagi naman niyang sinasabi na ayos lang daw iyon sa kaniya dahil malayo pa ang uuwian ko. Malapit lang daw kasi ang bahay nila sa punerarya. Kaso nga lang, may napapansin din akong kakaiba sa kaniya. Hindi ko maipaliwanag pero... may pagka-weirdo siya. Tuwang-tuwa siya tuwing may dumadating na bagong bangkay. Para siyang bata na nakakita ng masarap na pagkain tuwing may bangkay na inihahatid sa punerarya. Siya pa nga minsan ang nauunang mag-asikaso sa mga ito.

Napakatahimik sa loob ng punerarya nang makalabas ako. Malawak din kasi ang Punerarya Baluyot kaya tuwing gabi na kami lang ni Timor ang naiiwan, nagpapatugtog na lang kami habang nag-e-embalsamo para mawala ang inip at antok. Tanging ingay lang ng suot kong sapatos ang naririnig ko habang naglalakad sa pasilyo. Natigilan ako nang biglang may tumakbong bata. Napakurap-kurap ako sa pag-aakalang guni-guni ko lang 'yon pero bumalik ito at tumayo pa sa gitna ng pasilyo.

Napahinto ako at sinalakay kaagad ng kaba ang dibdib ko.

Paano'ng nagkaroon ng bata dito?

Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa braso nang mapansin ang matalim na titig sa akin no'ng bata.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon