Egleia
Ika nga nila na masakit ang katotohanan. Kahit ayaw mong paniwalaan, pero alam mo sa sarili mo na nasa reyalidad ka. Kahit takasan mo ito o kalimutan, hindi mo pa rin mababago ang kapalaran.
Narito kami ngayon sa labas ng perya. Sakto lang para makita namin ang mga papasok. Kahit sino ay hindi makalulusot dahil mahigpit ang sekyuridad nila rito. Masyadong matataas ang mga harang sa perya, na kahit sinuman ang magtangkang aakyat sa tarangkahan ay makikita ng lahat. Nasa tapat lang kami ng gate nakamasid. Nakasuot ng sombrero para hindi masyado makilala.
Nilingon ko si Godfrey na parang walang buhay nakatayo. Naaawa ako sa kalagayan niya, kahit hindi pa napapatunayan, pero kalahati ng isang daang porsyento na nakasisiguro kaming si Elle nga ang Reyna ng Elphania.
Kagabi, rinig na rinig ko ang pag-iyak ni Godfrey. Kahit takpan pa niya ng kumot ang mukha niya, nananaig pa rin ang malakas na paghikbi niya. Hinayaan ko na lang siya ilabas ang sakit na nararamdaman niya.
“Kanina pa tayo naghihintay rito, sobrang init!” angal ko.
“Pasensya na, mahal na Reyna. Kailangan natin pumunta rito nang maaga para maunahan natin ang mga pupunta rito,” pagpapaliwanag ni Stephanie.
“Hindi nga iyon totoo,” matabang na saad ni Godfrey. Magang-maga ang mata niya simula pagkagising niya kaya nag-suhestyon akong pasuotin siya ng itim na salamin para matakpan ang kaniyang mata.
Tinapik ko lang ang balikat ni Godfrey at inayos ang sombrerong suot ko. Nararamdaman ko nang tumutulo ang pawis ko ngunit importante ang lakad na ito. Ayaw kong kumaibigan ng isa sa sumira sa kinabukasan ng kaharian ko. Baliwala ang pinagsamahan sa kasalukuyan kung isa ito sa sumira ng kinabukasan ng aking mga tao.
“Mahal na Reyna, maaari po kayong maupo muna upang hindi kayo mapagod.” Inalok ni Stephanie ang isang upuan sa harap ko. Tatanggihan ko sana ito ngunit naalala kong si Stephanie ito, baka hindi ako titigilan kung hindi ako uupo.
Paupo na ako ngunit natigilan ako sa nagsalita sa likod.
“You're a queen, po?”
Nabaling ang atensyon ko sa batang babae na nasa likod namin. Sobrang inosente ng mukha niyang pinagmamasdan ang mukha ko. Narinig niya ʼata ang tinawag ni Stephanie sa akin. Humarap ako sa kaniya.
Hinawi ko ang kulay abong buhok ko papuntang likod ng tainga ko at saka matamis na ngumiti. “Opo, isa akong reyna. Namumuno sa kaharian ng Agilyana. Ano ang pangalan mo?”
“My name is Tala. My mommy named me Tala because she said na I'm her light when her world is dark noong nasa tummy niya pa po ako.” Inayos ko ang clip na nasa bandang noo niya. “If you're a queen, where's your crown, po?”
Napakagat ako sa labi dahil sa tanong niya. Tumingin ako kay Stephanie upang manghingi ng tulong sa pagpapaliwanag ngunit hindi ko inaasahan ang isasagot niya.
“Bata, hindi siya isang reyna---”
“Hindi kasi sa lahat ng oras ay sinusuot ng mga reyna ang kanilang korona. Kailangan nilang magtago sa mga bad guys! Kagaya ngayon.” Itinuro ko ang kumpulan ng mga tao sa tapat at saka tinignan siya ulit. “May hinahanap kaming bad guys diyan!”
“I saw many bad guys in princess movies din, po! They're so ugly but... They have powers. Do you have powers to fight with those bad guys, po?” Bahagya akong natawa sa panggigil ng batang babae noong sinabi niya ang “ugly” na salita.
BINABASA MO ANG
Ascendance Of The Ruined Kingdoms
FantasySa ibang dako ng mundo, masaya at mapayapang namumuhay ang kaharian ng Gorillego, Leogardo, at Agilyana sa pamumuno ng magigiting na mamumuno. Ngunit sadyang tuso ang tadhana, umusbong ang inggit at pagkamuhi ng ibang kaharian na nagdulot ng gulo, d...