marka

10 5 0
                                    

Bumaling ako sa kapatid ko na nakasilip sa amin. Umurong ako ng ilang beses at ngumiti kay Castor.

"Umuwi ka na. Malayo pa 'yong sa inyo." bago ako tumalikod.

"Susunduin kita sa susunod na araw!" habol nitong sigaw na ikinailing ko nalang.

Halata namang ginogood time lang ako ng lalaking 'yon. Ang galing magpa-asa!

Nasa kwarto ako habang nakatitig sa sariling repleksyon. Sinusuklay ang mahabang buhok. Sumagi uli ang gabing 'yon sa utak ko. Abala ako sa pag-aasikaso ng mga dokumento ko kasi balak kong lumuwas ng manila dahil sa magandang oportunidad na inalok sa'kin. Wala na akong sinayang na oras. Dahil okupado ang isip ko sa plano hindi ko narin siya nakikita. Siguro dahil tulad ko baka naghahanap narin siya ng maayos na opurtunidad.

Naalala ko parin ang itsura niya nung gabing 'yon. Kahit pa ilang beses niyang sabihin sa'kin na seryoso siya. Parang ang hirap parin paniwalaan. Kakikilala lang namin tapos ganun agad. Normal ba 'yon? Unang beses ko kasi kaya nagdududa ako. Hindi ko rin matukoy kung tunay ba ang ipinapakita niya.

Dalawang araw nalang at luluwas na ako ng Manila. Kompleto na lahat ng dadalhin ko. Maayos at nakahanda na. Pero saka naman biglang sumama ang pakiramdam ko.

Bumalik ang pamumula at pangangati ng katawan ko. Ang pagsusuka ko ng patay na dugo ay halos oras-oras ng nangyayari. Gabi-gabi ko naman nakikita ang anyo nung babae, tatlong bata at ang mukha ng mag-asawa. Kahit boses nila ay naririnig kong niyaya akong sumama raw sa kanila.

Tulad ngayon. Hindi ko na napigilang maluha dahil sa sobrang sakit ng tiyan ko kakasuka. Nagpatingin narin kami sa doktor ngunit ganun parin ang sinasabi. Hindi kuntento sina Mama at Papa kaya nagdesisyon silang ipagamot ako kay Ka Astong. Magaling na abularyo sa lugar namin.

Lantang gulay akong nakaupo habang pinapanood ang matanda sa orasyon nito. Ilang minuto pa ay napatitig ito sa tubig na pinatakan niya ng kandila. Mabilis siyang bumaling sa akin.

"Minarkahan ka na, hija." iyon ang lumabas sa bibig niya.

"Anong ibig sabihin no'n Ka Astong?" tanong ni Mama sa tabi ko.

"Ito ba ang pangalawang beses na nangyari 'to?" muling tanong ng abolaryo.

"Oo. Pero hindi kasing lala nito,"

Tumango lang ako dahil si Mama parin ang sumagot. Wala na kasing lakas ang bibig kong magsalita.

"'Yong babaeng nakasabayan mo sa dyip, tatlong bata na nakita mo sa harap ng pinto, mag-asawang nakaharap mo." basa ni Ka Astong sa tubig na may tunaw na kandila. "Palatandaan iyon ng pamamanhikan nila sa anak niyo."

Ramdam ko ang paninigas nina Mama at Papa sa tabi ko.

"Dahil nangyari na naman uli. Ibig sabihin tapos na ang pagmamarka sa kanya at gusto na nilang isama ang anak niyo. Natapos na ang proseso at tingin ko ay mahihirapan tayong maputol ang ugnayan nila. Maliban nalang kung handa ang anak niyong magsakripisyo ng dalawang bagay na inaalagaan niya."

Tahimik kaming tatlo nina Mama. Pero ilang minuto lang ay binasag iyon ni Papa.

"Ka Astong... ang tinutukoy niyo ba ay-"

"Engkanto." diritsong sabi ng matanda. "May binatang engkanto ang nagkainteres sa anak niyo at nais na angkinin. Nagsisimula na siyang kumilos para sunduin ang anak niyo." sa akin naman ito tumingon. "Pamilya niya ang nakita mo hija. Buong Pamilya."

Hinawakan ni Mama ang kamay ko. "Ele, may hindi ka ba sinasabi sa amin?"

Tanging mabagal na pag-iling lang ang naisagot ko kay Mama dahil sa kalituhan.

"Ang binatang nakakasama mo tuwing uwian ang tinutukoy ko, hija." singit ni Ka Astong.

Lumitaw ang tatlong linya sa noo ko. Sino? Wala naman akong ibang kasama umuwi kundi tanging si...

Castor. . .

"Wala ka bang napapansin habang kasama mo siya? Kakaiba na hindi mo maunawaan,"

Sa isang kisap-mata. Isa-isang nagsulputan 'yong mga araw na magkasama kami. 'Yong kahit namamangha ako sa kanya pero totoong may napapansin nga ako.

'Yong madalas niyang paghaplos at pagpuri sa buhok ko.

Malalalim niyang paninitig.

Kakaibang salita na lumalabas sa bibig niya.

"Dadalaw ulit kami."

"Nagustuhan ka na ng pamilya ko."

"Sumama ka na sa'kin."

"Susunduin kita sa susunod na araw."

Ito na ba 'yong tinutukoy niyang araw?

At 'yong sinasabi niyang nagustuhan na ako ng pamilya niya ay dahil isa-isa na pala silang nagpakita sa'kin.

Nanuot ang hapdi sa dibdib ko. Pakiramdam ko, walong beses akong nilinlang. Kaya pala. . .

Kaya pala ganun ang inaakto niya nung gabing 'yon. Kasi isa pala siyang nilalang na hirap kong pinaniwalaan dati.

"May gamot ka bang pwedeng ipainom sa anak ko? Kahit anong magpapagaling sa kanya." boses ni Papa ang narinig ko.

Huminga ng malalim ang matanda. Dumapo sa akin ang titig niya.

"Gaya ng sabi ko may madaling paraan para tuluyang maputol ang ugnayan niya sa pamilya. Mabisa pero mabagal ang epekto. Aabutin pa ng taon."

Ramdam kong humigpit ang kapit ni Mama sa kamay ko. Pumilig ang ulo ko sa gawi niya.

"Anong pwede naming gawin Ka Astong, kung ganun. Dibale ng matagal kesa mawala sa'kin ang anak ko," si Mama.

Binaba ni Ka Astong ang natitira kandila. Maayos siyang humarap sa aming tatlo. Pinasadahan ako ng tingin ng abolaryo.

"Ang mahaba niyang buhok ang nag-iisang dahilan kung bakit nahumaling sa kanya ang binata kaya kailangan niyang ipaputol ito taon-taon." napasinghap ako. "Ang katulad nila ay ayaw sa babaeng may pilat. Madumi iyon para sa kanila. Kaya ang malaking pilat sa mukha ang magtatago sa anak niyo mula sa kanya. Magsisilbing iyong haligi sa anak niyo upang maitago niya ang sarili sa binata. Hindi ka nito makikita at malalapitan. Ligtas ka kapag nagawa mong sugatan ang mukha mo."

Yumugyog ang balikat ni Mama habang hinaplos ni Papa ang likod ko. Malungkot lang akong ngumiti. Walang masabi sa natuklasan.

"Gagawin ko po."

Ang dalawang payo ni Ka Astong, nangyari din ng araw na 'yon.

Dinaplisan ko ng tingin sina Agnes at Marisa. Pareho silang hindi makapaniwala sa narinig.

"Alam kong hindi kapani-paniwala ang narinig niyo ngayon. Mahirap naman talagang maniwala sa ganun. Kahit ako, nahihirapan din. Pero... 'yon ang tunay na sagot sa mga tanong niyo."

TO BE CONTINUE

Unknown from Nowhere (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon