Ngumiti ako sa kanila. Hindi sila umimik.
"May sinabi pa sa'kin ang abolaryo. Malalaman ko lang daw na wala na sa'kin ang marka kapag hindi ko na nakikita ang ispirito ng mga patay. Hindi ko narin daw kailangan ipaikli ang buhok ko."
"Pero pinaputol mo nung nakaraang buwan. Ibig sabi--"
Tumango ako kay Marisa. Tinanaw ko ang tanawin sa harap namin.
"Nasa sa'kin parin. 'Yong balita tungkol sa banyo. Totoong may multo nga roon,"
Nanlaki ang mata ng dalawa at marahas na nagbuga ng hangin.
"Hangga't nasa akin pa ito hindi mababalik ang dati kong buhay. Baka habangbuhay na akong nakatago sa pilat ng nakaraan,"Uminit ang pakiramdam ko nang yakapin ako ng dalawa. Sa magdamag kong pagbabalik-tanaw sa nakaraan, unti-unti rin naibsan ang takot at bigat sa puso ko. Parang handa na ako lumimot at magsimula nalang ng bagong buhay. Gusto kong magpatuloy nang wala ng dinadalang pangamba. Gusto kong pangarapin na maging masaya uli.
"Blooming ah! Sino na naman 'yan, Marisa?"
Nagkayayaan uli kaming tatlo na kumain sa labas. Libre ni Marisa ika nga ni Agnes. Simula kanina at hanggang dito sa restaurant hindi mahiwalay ni Marisa ang mata sa cellphone niya. Hindi rin mabura-bura ang malawak nitong ngiti.
"Bagong target. Nakilala ko sa birthday ni Papa. Kaibigan ng Kuya ko," namumulang sagot ni Marisa.
Malakas na tumili si Agnes at binato pa ng tissue ang kaibigan. Hindi naubusan ng tanong si Agnes kay Marisa. Natatawa lang akong nakikinig sa usapan ng dalawa at lumingon sa labas. Bumuhos ang malakas na ulan ngunit hindi nakaligtas sa'kin ang pamilyar na tindig na nagmamasid sa amin mula sa labas ng restaurant.
Mabilis na lumukob ang takot sa dibdib ko. Kumalat ang panlalamig sa buong katawan ko habang titig na titig sa kanya. Malamyos na ngumiti si Castor sa gawi namin.
"Ele, ayos ka lang? Basa ka tuloy,"
Naagaw ni Agnes ang atensyon ko. Doon ko lang namalayang nabitawan ko pala ang ice tea na iniinom ko. Kumuha ako ng maraming tissue para ipunas pero nakaramdam ako lalo ng panlalagkit.
"Nasa washroom si Marisa. Sumunod ka sa kanya malinisan ang damit mo,"
Wala na si Castor sa labas nang lingunin ko. Tumayo ako at sumunod kay Marisa sa banyo. Malakas ang kabog ng dibdib ko, nangangatal ang labi. Napahilamos ako sa mukha. Mas binilisan ang lakad.
Bakit na naman? Bakit ngayon pa na nagsisimula na akong lumimot.
"Teka lang!"
Pareho kaming napahinto ni Marisa nang magkasalubong kami. Tumagos ang titig niya sa bandang likuran ko bago nalipat sa'kin.
"Ang cute ng bata. Makulit!" halakhak niya.
Natigil lang 'yon nang pinasidahan niya ako ng tingin. Tinanong niya ako kung anong nangyari, sumagot ako na aksidente kong natapon. Dahil sa nangyari, nagpaalam ako sa boss ko na uuwi muna ng probinsya. Pagkarating ko sinamahan agad ako ni Mama kay Ka Astong para matignan uli at malaman kung anong ibig sabihin ng magpapakita ni Castor sa'kin.
"Magaling ka na. Wala na sayo ang marka niya." balita ni Ka Astong.
Napapikit si Mama sa tuwa. Kahit ako ay nabuhayan sa narinig. Uminit ang sulok ng mata ko at ngumiti sa matanda.
"Maaaring nasa malayo siya ngayon subalit posible din nasa malapit lang siya. Nawala man sayo ang marka niya at hindi nagtagumpay na makuha ka hindi 'yon nagpapahiwatig na titigil sila. Naghahanap na siya ng bagong maaangkin. Malaki ang tsansang may nakita na siya kaya nagpakita siya sa'yo."
Dala-dala ko ang mga salitang 'yong nang bumalik ako ng Maynila. Magaan man sa pakiramdam na wala na akong ugnayan sa kanya kaya lang nakakatakot paring isipin na baka nandito lang siya sa paligid.
"Hindi ka na naman sasama samin ni Ele?"
"Oo e. May pupuntahan kami ng boyfriend ko. Susunduin niya ako mamaya."
Bagsak ang balikat ni Agnes sa nalaman. Magpapasama kasi itong magpafoot spa. Dapat tatlo kami kaya lang hindi na naman pwede si Marisa. Halata sa mukha ni Agnes ang matinding tampo sa kaibigan. Nangako si Marisa na sasama sa amin sa susunod. Importante lang daw kasi ang lakad niya ngayon. Nabanggit niyang ipapakilala na siya ni Anton, boyfriend niya sa pamilya nito.
Wala sa mood si Agnes buong session kaya ang ginawa ko pagkatapos namin, inaya ko siya sa bagong bukas na Ice cream shop. Nagshopping narin kami at nilibot ang buong mall. Nagsimula na siyang mag-ingay at kung saan-saan ako hinihila.
Pasado alas otso ng gabi, nagkaayayaan na kaming umuwi. Hinintay ko munang makasakay ng taxi si Agnes. Gusto niya sana akong isama pero tumanggi ako dahil dadaan akong convienience store. At isa pa malapit lang din naman sa mall ang tinitirhan ko.
"Ingat ka pauwi. Tawagan mo'ko agad." paalala. Tumango ako.
Kumaway ako sa kanya at hinatid siya ng tanaw. Gusto ko lang talaga tumambay sa 7/11 para makicharge. Nauumay narin kasi akong mag-isa sa bahay kaya papatayin ko muna itong bagot ko bago umuwi.
Sunod-sunod na mensahe ang nagsulputan sa screen ng cellphone ko pagkabukas ko nito. Galing iyon lahat kay Mama. Nagtaka ako kung bakit umabot ng 31 missed calls galing sa kanya. Akmang tatawag sana ako sa kanya kaya lang ay naunahan niya ako.
Agad kong sinagot ang tawag niya.
"Eleonor!" nahimigan ko ang taranta sa boses ni Mama.
"Bakit po, Ma? May problema ba diy-"
"Bakit nakapatay ang cellphone mo? Kanina pa ako tawag nang tawag." putol niya sa'kin.
"Pasensya na po. Lowbat po kasi-"
"Anak. Importante itong sasabihin ko kaya makinig kang mabuti." huminto siya saglit para huminga. "Duda ni Ka Astong nung araw na nagpakita sayo ang elementong na 'yon. Hindi ikaw ang sadya niya kundi ang taong kasama mo ng mga sandaling 'yon."
Para akong hinampas ng isang sakong bigas sa kinauupuan ko. Hindi ako makapagsalita sa narinig mula kay Mama.
"Sino ang kasama mo nung araw na 'yon? Isipin mong mabuti kung sino sa kanila ang pwede niyang biktimahin. O baka nalinlang na."
"Sinasabi niyo bang posibleng isa sa mga kaibigan ko an-"
"Wala ka ng oras, anak. Mag-aagawan ang buwan at araw ngayong gabi. Agresibo sila sa ganito. Isipin mong maigi kung anong pagkakatulad mo sa taong biktima niya ngayon!"
Napatayo ako sa upuan at mahigpit ang kapit sa dulo ng mesa. Ang mga estudyanteng katabi ko ng pwesto ay nagulat sa biglaan kong kilos. Pumintig ang pulso sa sentido ko kakaisip kung sino nga ba kina Marisa at Agnes ang maaari niyang linlangin.
Ang binigyan niya ng marka.
TO BE CONTINUE
BINABASA MO ANG
Unknown from Nowhere (short story)
HorreurDuwende, Multo, Kapre, Tikbalang, Engkanto at kung ano-ano pang nilalang na laman ng katatakutan. Ni isa sa mga ito ay walang pinaniniwalaan si Eleonor. Para sa kanya isa lamang iyong kwento ng mga matatanda para takutin ang mga batang supil. Subal...