Via Crucis

32 2 0
                                    

Hapon ng Biyernes Santo, isinagawa namin ang prusisyon ng Via Crucis sa aming pueblo. Tirik na tirik ang araw at maraming tao ang dumalo. Kaya naman mahigpit ang kapit namin ni ina sa isa't isa para hindi kami magkahiwalay.

Napatahimik ang lahat nang dumating na ang kalesa, lulan ang dalawang pinakamayaman at pinakamakapangyarihang pamilya ng aming pueblo. Hindi ko tinanggal ang mga mata ko doon at inabangan ang pagbaba niya. At nang lumabas na siya, bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko maiwasang hindi mamangha sa angkin niyang kagwapuhan at kakisigan. Ang ngiti niyang nakakabighani, at ang kutis niyang kumikislap tuwing nasisinagan ng araw.

Si Joselito De la Cruz ay ang panganay ng pinakamayamang pamilya sa aming lugar. Kinaiinggitan siya ng mga kalalakihan, at hinahangaan ng mga kababaihan, katulad ko. Pero kaming lahat ay wala ng pag-asa pagkat ipinagkasundo na sila ni Binibining Rosario Pasion, anak ng aming gobernadorcillo.

Nagbulong-bulongan ang mga katabi ko nang bumaba na rin ang pamilya Pasion. Nagbatian ang dalawang pamilya, at syempre ang magkasintahang malapit nang ikasal. Kagaya ng iba ay nakatutok ang mga mata ko sa kanila, kaya nang napatingin si Joselito sa aking banda'y pareho kaming nagkagulatan. Nakita ko pa ang pangungulila sa kaniyang mga mata kaya umiwas ako at sa harap na tumingin.

"Magsisimula na, Veronica," bulong ni ina.

Tumango ako at inayos ang aking talukbong. Lumuhod ako sa harap ng paso ng unang istasyon, ang paghatol ng kamatayan kay Kristo.

"A-ama! Ama!"

Pagkatapos ng ilang araw niyang pagkawala, natagpuan namin ang kaniyang labing lumulutang sa ilog. Pareho kaming nanginig ni ina at napahagulgol nang nakita namin ang kaniyang kalagayan. Basag ang kaniyang mukha, may gilit sa leeg, namumutla, at kulubot ang balat. Kung hindi lamang niya suot ang aking niregalong krus na kuwintas, hindi namin siya makikilala.

Hinubad ko 'yon sa kaniya at hinawakan ng mahigpit sa tapat ng aking puso, pinangakong papasanin ko ang krus hanggat sa madala ko sila sa kanilang kalbaryo.

At ang krus ay napakabigat nga. Dahil bukod sa sakit dulot ng pagkamatay ni ama, mas masakit ang makitang miserable si ina. Nakatulala lang siya maghapon, hindi kumakain at kumikibo. Parang na rin siyang namatay at mag-isa na lang ako sa buhay.

"Ina, kain ka na." Sinubukan siyang pakainin, pero nanatili lamang siyang nakatulala. Ang kaniyang malalim na mga mata ay diretso lang nakatingin sa kawalan.

"Veronica! Veronica!" Biglang bumukas ang pinto ng bahay namin at niluwa si Simon. Hinihingal kaya halos hindi na siya makapagsalita.

"Simon? Anong ginagawa mo rito?" Napatayo ako at lumapit sa kaniya.

"K-kailangan niyo nang tumakas!" Hinawakan niya ang magkabila kong braso at inalog ako.

"B-bakit?"

"Tinutugis kayo ng mga guwardiya sibil ngayon! Nagnakaw daw kayo ng ani sa Hacienda De la Cruz!" paliwanag niya sa akin. Nilapitan niya agad si ina at pinasan sa likod niya.

Napatulala ako ng ilang sandali dahil hindi ako makapaniwalang pagbibintangan pa nila kami! Mahigpit kong hinawakan ang krus na suot ko. Mariin akong pumikit at nagsabi ng dasal bago ako sumunod kina Simon sa likod ng bahay, papunta sa kagubatan.

Pero hindi pa man kami nakakalayo, dumating na ang mga guwardiya sibil! Kaya tumakbo na kami at nagtago sa malalaking puno ng gubat. Habang palakas nang palakas ang yabag ng mga kabayo nila ay ang lalo pang pagtulin ng aming takbo. Kaya hindi ko na napansin ang malaking ugat ng puno at napatid ako!

"Veronica!" Binalikan ako ni Simon at inabot ang kamay niya sa akin. Tinulungan niya akong tumayo at inalalayan dahil napilayan pa ako.

Pinilit kong bilisan dahil palapit na ang mga guwardiya sibil, binabaril na kami. At nagulat na lang ako nang natumba si Simon kasama si ina! Nang tignan ko kay natamaan pala ng bala ang binti niya.

Via CrucisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon