Nakaupo ang may-ari ng tindahan sa isang malambot na upuan habang humihigop ng mainit na kape.
Pinagmamasdan niya lang ang binata na sobrang abala pa rin sa pag-i-enspeksyon ng kanyang espada.
Wasiwas dito, wasiwas doon. Hindi talaga mapakali si Kirt kaya nagsalita na ang matanda sa kanya.
"Bata gusto mo bang tuluyan na lumakas ang sandata mo?" tanong ng matanda habang binibigyan ng nakakalokong ngiti si Kirt.
Napatigil si Kirt sa kanyang ginagawa dahil sa tanong at sa nakakalokong ngiti sa kanya ng matanda. Naguguluhan siya dahil parang may ibang balak ang may-ari sa kanya. Pero, sinagot niya pa rin ito ng mahinahon.
"Opo naman po. May alam po ba kayong paraan ginoo?" sabi ni Kirt na mababakasan mo ng nag-aalab na determinasyon.
"Simple lang. Isaksak mo iyan sa sarili mo," tugon ng matanda habang nagpipigil ng tawa.
Nanlaki ang mata ng binata at maingat na nagtanong sa matanda. "Sasaksakin ko, ang sarili ko?" wika ni Kirt na dahilan para tuluyan ng matawa ang may-ari ng tindahan.
"Biro lang! Biro lang! Ang likot mo kasi. Nakakairita ka kasi bata. Buweno, maupo ka na at ipapaliwanag ko na sa iyo kung paano mo lalagyan ng sarili mong marka ang iyong sandata," paliwanag ng matanda sa binata sabay lahad ng kamay sa isa pang upuan.
Medyo nainis si Kirt pero mas nangingibabaw ang hiya sa kanya dahil sa mga pinagkagawa niya kanina.
"Paumanhin po," tugon na lang ni Kirt.
Hindi na lang pinansin ng matanda ang paumanhin ng binata. Pinaliwanag na lang niya kay Kirt kung paano niya lalagyan ng marka ang kanyang espada.
Sinabi niya sa binata na kapag nakatungtong na siya sa 1st star red rank, maari na niyang patakan ng sarili niyang dugo ang asul na kristal na nakadikit sa kanyang espada.
Gawin daw niya ito sa isang tagong lugar. Para daw iyon sa kanyang kaligtasan.
Kahit naguguluhan si Kirt kung bakit niya pa kailangang gawin iyon sa isang tagong lugar, hindi na pinilit ni Kirt ang matanda na ipaliwanag pa ng mas detalyado ang kanyang sinasabi dahil halata naman sa ekspresyon nito ang pagiging seryoso. Nakakabastos naman kung bigla niya itong puputulin sa pagsasalita.
Pagkatapos magpaliwanag ng matanda, sinabi pa ni Kirt rito na bibili rin siya ng isang kalasag at isang dimensional pocket.
Ang dimensional pocket ay isang mahiwagang lagayan ng kahit anong kagamitan. Dito nilalagay ng mga adventurer at ng mga wizard ang kanilang mga kayamanan at mga sandata.
Ang dimensional pocket din ay nahahati sa apat. Saloob nito, makikita ng may-ari ang apat na espasyo.
Ang una ay lagayan para sa mga sandata, ang pangalawa ay lagayan naman para sa mga pera, ang ikatlo naman ay lagayan para sa mga pills at ang huli naman ay lagayan para sa iba pang mga bagay.
Sa lahat-lahat, nakagastos si Kirt ng 450 na gold coins. Mayroon pa siyang 2,550 natitirang gold coins. Ang matitira sa kanyang pera ay kanyang iipunin upang ibigay sa kanyang mga magulang.
Nagpaalam na si Kirt sa may-ari ng tindahan ng mga sandata at nagpasalamat. Naghayag din ng pamamaalam at pasasalamat ang matanda sa binata.
Pagkalabas ni Kirt sa tindahan at ng tuluyan ng makalayo, ang matandang lalaki na nag mamay-ari sa tindahan ng mga sandata at mga kalasag ay biglang nag-iba ng anyo.
Ang matanda nitong hitsura ay napalitan ng binatilyong hitsura. Ang kulay ng buhok nito ay naging madilim na kulay asul at nahahaluan ito ng kulay itim. Ang pares na mga mata nito ay kulay itim habang ang kutis nito ay napakaputi.
Bumabagay pa sa kanya ang kulay asul na roba na may kulay puting apoy na nakapalibot sa laylayan nito.
"Magsisimula na ang tunay na pagbabago," sabi ng misteryosong lalaki habang dahan-dahang naglalaho.
Lumipas ang ilang sandali, tuluyan na siyang nawala kasama ang kanyang munting tindahan.
Nang mabili na ni Kirt ang lahat ng kanyang kailangan, agad na siyang pumunta sa labas ng Magical Market upang magpahinga.
Halos hindi na magawang makatayo ni Kirt sa kanyang kinauupuan dahil sa labis na pagod. Ang lalayo kasi ng mga tindahan na kailangan niyang puntahan.
Minsan pa ay wala na ang mga tindahan ng kanyang mga hinahanap. Gaya na lamang ng medicine pill. Wala siyang mahanap na matataas na kalidad nito kaya sampung piraso lang ang kanyang nabili at halos malibot na niya ang buong gusali para lang dito.
Ang iba naman ay walang hirap niyang nabili dahil marami naman ang mga tindahan ng mga ito. Maya-maya pa, may dalawang lalaki ang tumabi sa kanya.
"Miko, Sherwyn," bulalas ni Kirt.
"Mukhang tapos ka ng mamili ng iyong mga kakailanganin para sa academy. At mayroon ka na ring dimensional pocket gaya namin," sabi ni Sherwyn habang pinapakita rin kay Kirt ang kanyang dimensional pocket.
"Nandirito na ang teleportation bus," sabi ni Miko habang dahan-dahang tumatayo.
"Ayan ang gagamitin nating transportasyon Kirt papuntang Magical Academy. Base sa pangalan, alam mo naman na siguro ang kakayahan ng bus na 'yan," sabi ni Sherwyn habang inaakbayan si Kirt.
Tumango-tango na lang ang binata kay Sherwyn. At lumipas ang ilang minuto, pumasok na sila sa loob ng bus.
Nang makompleto na sila sa loob, pinaliwanag muna ng matanda na nakasama nila sa pagpunta sa Magical Market ang kayang gawin ng transportasyong kanilang gagamitin. Nalaman rin ni Kirt kung sino ang matandang iyon at kung ano ang katungkulan nito sa academy.
Syempre, dahil iyon sa tulong ng magkapatid na Miko at Sherwyn. Ang matandang iyon ay nagngangalang Arthur Buesco. 68 na taong gulang at kasalukuyan daw itong nasa 4th star indigo rank at kanang kamay ng kasalukuyang school head master ng Magical Academy.
Nang tapos ng ipaliwanag ni Arthur ang kayang gawin ng teleportation bus, naglabas siya ng isang medalyon at inilagay ito sa harapan ng sasakyan. Pagkalagay na pagkalagay niya ng medalyon sa harapan ng bus, agad na nagliwanag ang sasakyan at agad din itong naglaho sa kinalalagyan nito kanina.
Sa isang iglap lang, nasa harapan na ang bus ng isang dambuhalang ginintuang gusali. Natuwa at namangha ang ilan sapagkat tanaw na tanaw na nila ang academy na lubos nilang pinapangarap na pasukan noon pa man.
Nalaman nilang iyon na ang academy dahil sa nakapaskil sa tarangkahan nito.
(MALIGAYANG PAGDATING SA MAGICAL ACADEMY!)
BINABASA MO ANG
Tale of the True God (Book 1 : Mission)
FantasySa mundo ng mga adventurer at ng mga wizard, hindi maiiwasan ang mga patayan, kaguluhan at mga pagsubok na maaaring kaharapin ng bawat isa. Tulad na lang ni Kirt Lorie. Siya ay isang pinagpalang nilalang dahil sa kanyang tinataglay na mga kapangyari...